Eleven

6.4K 176 7
                                    

Migs

Pansamantala ata akong nawala sa sarili ko kasi nang makarinig ako ng kakaibang tunog mula sa kwarto ni Hannah, agad akong tumakbo papunta roon. Hindi ko kasi malagay kung anong klaseng tunog iyon. Nagulat na lang ako nang matagpuan sila ni Barney na nagtatawanan. Hindi ko tuloy alam kung ano ang mas weird: na tumatawa si Hannah o nasa kwarto niya si Barney.

Akala ko ba galit siya sa mga lalaki? Ba't ganyan? Basta-basta na lang niyang pinapatuloy si Barney sa kwarto niya.

Hindi tuloy ako makatulog. Ito kasing si Hannah, kaliwa't kanan ang sorpresa. Kahit anong pilit ko, paulit-ulit ang tunog ng tawa niya sa tenga ko. Napaka-awkward ng tawa niya, na tila sa sobrang hindi gamit ay nakalimutan na niya kung paano. Mataas ang tono nito at parang kinakatay na baboy ang tunog.

Oh sige na, hindi naman talaga katunog ng kinakatay na baboy pero malapit na sa gano'n.

Inilagay ko ang parehong braso sa likod ng ulo ko at iyon ang hinigaan habang nakatingin sa kisame. Naririnig ko ang mahinang paghilik ni Hannah mula sa kabilang kwarto. Dahil na rin siguro sa gamot kaya ang aga niyang nakatulog. Madalas kasing madaling araw na siyang nagpapahinga. Alam ko dahil simula nang matulog siya diyan sa kabila ay lagi kong pinakikinggan ang mahina niyang paghilik. Doon lang ako makakatulog.

Iyon ang sitwasyon ngayon. Dahil alam ko nang tulog ang kapit-kwarto ko, hinanda ko na rin ang sarili ko para sa isang mahaba at mahimbing na tulog. Ngunit nang papalapit na ako sa bingit ng tulog ay bigla akong nakarinig ng ungol mula sa kwarto ni Hannah. Biglang nagising ang diwa ko at napatingin sa dingding na naghihiwalay sa amin. Hinihintay ko uli ang tunog dahil baka naman guni-guni lang iyon ng antok ko. Maya-maya lang ay umungol na naman si Hannah.

Tumayo ako at hinila ang t-shirt na nakasabit sa upuan at sinuot ito saka ako lumabas ng silid ko at kumatok sa pintuan ni Hannah. Mas naging sunod-sunod ang pag-ungol at nagsasalita na rin siya pero masyadong garalgal para maintindihan. Pumasok na lang ako sa kwarto niya dahil kahit ilang katok ko pa ay hindi rin niya ako maririnig.

Nakapulupot ang kumot sa buong katawan niya, nasa sahig ang mag unan at nagpupumiglas si Hannah na para bang gusto niyang kumawala kung saan. Lumapit ako ng kaunti at nakitang pinagpapawisan na siya. Bangungot. Ilang beses ko nang nakasalimuha itong kondisyon na 'to dahil kay Kiel kaya awtomatiko na halos ang kinilos ko. Hindi ko siya pinilit na gisingin dahil mas makakasama pa iyon. Pinulot ko ang mga unan at inilagay sa ulunan niya para komportable siya. Marahan ko ring inalis ang kumot niya at tinupi. Hindi niya kailangan ng kumot dahil init na init na siya.

Lumuhod ako sa gilid ng kama at hinaplos ang buhok niya para kumalma siya. Noong una, tinapik pa niya ang kamay ko pero kinalaunan ay nag-settle din siya. Unti-unting kumakalma ang paghinga ni Hannah. Naging smooth rin ang mga linya sa noo niya. Nang makasigurong mahimbing na uli ang tulog niya ay naghanda na akong tumayo para umalis.

Kumislot ang mata niya saka marahang bumukas. Sa akin agad tumama ang tingin niya. Napatigil ako sa kalagitnaan ng pagtayo ko kasi inaasahan kong titili siya at pauulanan ako ng mura dahil nandito ako sa kwarto niya ngunit sinorpresa niya ako nang bigla niyang hinawakan ang bisig ko at pinisil iyon.

"Dito ka lang," pagmamakaawa niya sa isang magaspang na boses. Hindi ito ang normal na gagawin ni Hannah sa sitwasyon na ito pero kung pagmamasdan ang expression ng mukha niya, wala rin siya sa kasalukuyan. Parang nasa pagitan siya ng realidad at ng panaginip kaya ganito siya umakto. May natitira pang takot sa mata niya mula sa kung ano mang bumulabog sa panaginip niya at tila nadurog ang puso ko nang makita iyon.

Umupo ako sa gilid ng kama niya, nakasandal sa headboard habang inilalagay niya naman ang ulo niya sa hita ko. Ipinagpatuloy ko ang paghahaplos sa buhok niya gamit ang kanang kamay ko samantalang hawak niya pa rin ang kaliwa kong kamay. Ganoon lang kami hanggang sa makatulog na nang tuluyan si Hannah.

The Sweetest EscapeTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon