Forty-one

4.1K 118 8
                                    

Hannah

Nginitian ako ng lalaki sa may pinto. “Magandang gabi, Ineng. Nandiyan ba si Ben?”

Medyo isinara ko ang pinto at nagtago ako sa likod nito. Hindi ko gusto ang ngiti niya. Pakiramdam ko may insektong gumapang sa likod ko. “Sino ang naghahanap?”

“Sabihin mo nandito si Lando. Mag-uusap kamo kami.”

Isinara ko ang pinto sa mukha niya. Alam kong hinihintay niya na patuluyin ko siya sa bahay pero kung kaibigan siya ng Papa, bahala siyang maghintay sa labas.

Nasa kwarto niya si Papa. Kumatok ako at bahagyang binuksan ang pinto. Pagkasilip, nakita kong naka-Indian sit siya sa sahig at kinakausap ang sahig kung saan gumagawa na naman siya ng susunod niyang “masterpiece.” Napapaligiran na rin siya ng mga canvas na panay hindi tapos. Yung mga tapos naman ay nakatambak lang sa gilid dahil walang nagbalak na bumili ng mga iyon. Magdadalawang araw na siyang ganyan kaya alam kong nakakuha na naman siya ng stock ng shabu.

Ganito yung mga araw na ayaw ko siyang lapitan. Tapos maghahanap na naman ako kung saan niya tinatago ang stock. Kaso sa lagay niya, mukhang nagamit na niya agad ang lahat.

Lalakihan ko na sana ang buka ng pinto nang makitang may hinablot si Papa. Hinagis niya iyon papunta sa direksyon ko. Buti na lang at naisara ko kaagad ang pinto kaya doon ito tumama at nabasag. Mabilis ang pagtibok ng puso ko. Kamuntik na akong matamaan.

Kumatok uli yung lalaki sa labas.

Kaya kahit ayaw ko, pumasok ako sa kuwarto niya. “May naghahanap sa ‘yo.”

Patuloy siya sa pakikipag-usap sa sahig.

Ako naman, gustong-gusto nang lumabas. “May Lando sa pintuan na hinahanap ka.”

Pagkabanggit ko ng pangalan napaupo siya nang tuwid at napatigil sa pagsasalita. Ang bilis niyang tumayo at lumapit sa akin. Hinawakan niya ako sa magkabilang braso at pinisil iyon. Tapos inilapit niya sa akin ang mukha niya. Galit na galit siya sa sinabi ko. “Sabihin mo wala ako! Sabihin mo wala ako! Sabihin mo umalis at matagal pang babalik. Basta sabihin mo wala ako!” Tumingin siya sa espasyo sa tabi ko. “Hilda, sabihin mo sa tao wala ako. Hilda!”

“Tsk, pati ba naman yung bata at patay mong asawa, pagsisinungalingin mo sa akin?” Binitawan ako ni Papa at humarap kay Lando na nakasandal sa frame ng pintuan. Sa akin siya nakatingin, tapos ibinaling niya kay Papa, tapos pinagmasdan ang kwarto. “Mukhang ‘di mo naibenta. Pa’no na ‘yan? May utang ka pa sa akin.”

Napuno ng takot ang mga mata niya. “Isang linggong palugit, Lando. Isang linggo lang, mababayaran na kita.”

“Binigyan na kita ng allowance, Ben. Ten grams na ang nakukuha mo. Hindi ko hinahayaang ganito kalaki ang mga utang sa akin pero dahil kaibigan kita, pinagbigyan ko na.”

Nagpagala-gala ang mga mata ni Papa na tila naghanap ng lugar na matatakasan. “Naibenta ko na ang mga iyon! Hindi pa ako binabayaran ni Konsehal Atoy, bukas na bukas, kukunin ko rin!”

“Nagsisinungaling ka na naman? Masama ‘yan, Ben. Alam mo naman kung anong nangyayari sa mga sinungaling ‘di ba? Baka mamaya mabalitaan na lang ng anak mo na natagpuan ka sa bangin. Ayaw mo namang mangyari iyon, ‘di ba?”

Kahit na nakangiti si Lando habang sinasabi niya ang mga iyon, kitang-kita ko yung threat na kaakibat ng mga ito. Akala ko si Papa na ang pinakamasamang nilalang sa buong mundo. May mas malala pa pala sa kanya.

Ako naman ang naggala ng tingin. Gusto ko nang lumabas ng kwarto. Wala naman akong kinalaman sa mga nangyayari at habang tumatagal ako sa presensya nila, mas nasasangkot ako. Hindi ko gusto yung malalaswang tingin na ibinibigay sa akin ni Lando. Parang may nagwawala sa tiyan ko sa ismid at mayabang na tinging itinutok niya sa akin. Na parang may alam siya na hindi ko alam. Kinailangan ko pang pagsaklubin ang mga kamay ko para hindi niya makita ang epekto niya sa akin.

The Sweetest EscapeTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon