Thirty-three

4.4K 153 13
                                    

Migs

“Anong ginagawa mo dito?”

Ako dapat ang magtatanong. Nagulat na lang ako noong nagsalita yung kasama ko. Hindi ko makita yung buong mukha niya dahil nasa likod ako pero dahil hawak ko ang balikat niya, ramdam ko yung pagtigas ng mga kalamnan niya. Hinagod ko pababa ang kamay ko para pakalmahin siya, at gumana naman.

Napansin ni Claire ang ginawa ko. Pagkaangat ng tingin niya sa akin, para siyang naninisi. Ewan ko ba kung bakit ganoon na lang ang reaksyon niya.

Inangat ni Claire ang bitbit niya. “Pwede bang makisalo? Nagdala ako ng cake.”

Ngumuso ako sa pinanggalingan namin. “Nandoon ang may birthday. Ikaw na ang bahalang mag-abot.” Itinulak ko uli si Hannah papasok.

Lumakad si Claire para harangan kami. “Gusto kitang makausap, Migs.”

Bumuntong-hininga si Hannah at humarap sa akin. “Pakainin mo muna siya. Tirahan mo na lang ako ng cake.” Yung mga salitang binitiwan ni Hannah ay may konsiderasyon pero yung tono ng pagsabi niya ay sumasalungat sa maganda niyang hangarin. Parang ayaw niya talaga akong iwanan pero heto siya’t binibigyan ako ng go signal.

At dahil hindi rin naman ako makakatanggi kay Claire, pumayag ako sa utos niya. “Pramis, sayo yung one-fourth.”

Pinanlisikan niya ako ng mata. “One-half. Who knows kung kelan pa uli ako makakatikim ng cake?” Pagkatapos niyang sabihin iyon ay kay Claire niya itinuon ang nanlilisik niyang mata. Nakita kong itinaas ni Claire ang kanang paa niya at ipinangkamot niya sa kaliwang binti. Gawain niya iyon kapag hindi siya mapakali. Iyon rin ang ginawa niya bago niya sabihin sa akin na may iba na siya.

Nang nakalayo na si Hannah, pinagbuksan ko siya ng pinto ng bahay at pinauna siyang pumasok. Inabot niya sa akin ang hawak na kahon at dumiretso sa sopa. Napatigil ako sa ginawa niya. Yung porma ng pag-upo niya sa loob ng bahay, naka-Indian sit doon sa parte ng sopa na lagi niyang inuupuan, ay lagi kong naiisip dati. Tanggap na siya ng pamilya ko kaya may lugar na siya sa bahay namin. Pero ngayon parang mali yung lugar niya. Hindi na kailanman magiging kanya ang spot na iyon.

Tinapik niya yung espasyo sa tabi niya kung saan ako lagi umuupo. Umiling lang ako’t humalukipkip. Hindi na rin akin ang lugar na iyon. Matagal na akong walang lugar sa tabi niya. Siya pa mismo ang nagtulak sa akin palayo.

“Diretsuhin mo na ako. Marami pa akong gagawin.”

Kinagat niya ang mga labi niya. “Hiwalay na kami.”

Nanatili akong walang imik.

Sumulyap siya sa akin tapos bumaba uli ang tingin. “Gusto ko lang malaman mo.”

“Okay.”

Inangat niya ang tingin niya. Namumuo na ang mga luha roon. “Miguel, mahal pa rin kita.”

Pumikit ako at kinagat ang dila ko. Anong hiling ko na marinig ko muli ang mga salitang iyan mula sa kanya. Pero dati iyon. Iba na ang sitwasyon. Hindi na ako yung Miguel na para kay Claire. Ako na yung Miguel na para kay Hannah. Siguradong-sigurado ako roon.

Kanina, habang tinutulungan ko siyang kumawala sa mga ala-ala niya, naramdaman ko yung pag-iba ng aura niya. Sa unang pagkakataon, hindi niya ako nilabanan na tulungan siyang makatakas. Pinatuloy niya ako’t tinanggap yung kaya kong ibigay. At para sa aming dalawa ni Hannah, isang malaking hakbang na iyon.

Tutulungan ko siyang puksain yung mga nilalabanan niya at alam kong tutulungan din siya ng mga kapatid ko. Nakita ko iyon sa mga mata nila habang pinapakalma ko si Hannah kanina. Kaming tatlo, hindi kami perpekto. Katulad ni Hannah, mayroon pa ring mga lamat sa pagkatao namin pero matagal na naming natutunan na hangga’t sinusuportahan at patuloy na inaangat namin ang isa’t isa, sa aming tatlo, naroon na yung masasabi kong unconditional love at acceptance. Maswerte rin kami dahil napapaligiran kami ng extended family namin.

The Sweetest EscapeTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon