Entry#17: Tuso sa Puso

384 10 4
                                    

Sa isang tagong kagubatan sa isang malayong isla, ay may nakatirang batang matsing kasama ang kanyang pamilya. Sina Tay Matsing, Nay Matsing at Bunsong Matsing ang bumubuo sa masayang pamilya niya. Sa kabila ng kanilang simpleng pamumuhay ay napupuno naman sila ng respeto, malasakit at pagmamahal sa isa’t isa.

Namuhay sila ng masaya sa kabila ng kakulangan sa pagkain. Pinili nila ang maging kontento sa kung ano lamang ang sa hapag ay pwedeng maihain. Sa mundong kinalalagakan nila sa ngayon, ang paglalaman ng kahit ano man sa sikmura ay isang bagay na mahirap at parang suntok sa buwan na gawin.

Magulo, marumi, kapos at naghihingalo. Paglipas ng taon ay ganito na ang nangyari sa inang kalikasan. Halos mawalan na ng makakain at matitirahan ang mga nilalang sa kagubatan. Naging sakim ang mga tao at naging gahaman sa tagong yaman ng kalikasan, kaya ang mga hayop ang sa ngayon ay lubos na naaapektohan.

Hindi maipagkakaila sa panahon natin ngayon, na kahit saan ka man lumingon, makabagong kagamitan at pamumuhay ang sa atin ay sasalubong. Mas naging madali ang pamumuhay ng tao, pero hindi man lang natin naisip na sa pag-unlad nating mga tao ay siya ring pagbagsak ng ibang nilalang na naninirahan sa mundo.

Gayunpaman, hindi man madali ang pagkakaroon ng panlaman tiyan, naging sagana naman sa pagmamahal ang pamilya ni Batang Matsing na higit niyang pinapahalagahan. Masaya nilang pinagsasaluhan ang kakaramput na kabute o anumang pagkain na ihahain ni Nay Matsing sa kanilang hapag kainan.

“Nay, kailan po ba tayo makakatikim ng masasarap na pagkain tulad ng mansanas?” Tanong ng nakababatang kapatid ng batang Matsing. “At karne, Nay. Parang gusto ko pong kumain ng inihaw.” Dagdag niya habang yakap yakap ang kanyang ina.

Isang buntong-hininga ang kumawala sa bibig ni Nay Matsing. Itinuon nito ang kanyang paningin sa kanyang asawa na nakayuko lamang at umiiling sa sama ng loob. Masama ang loob ni Tay Matsing sa sinasapit ng kanyang asawa at mga anak. Bilang haligi ng tahanan, obligasyon niya na punan kung ano man ang kakulangan sa pamumuhay nila. Pero habang tumatagal, habang paubos na nang paubos ang pwedeng pakinabangan sa mundong kanilang ginagalawan, ay unti-unti ring natitibag ang haligi na matagal na niyang pilit na pinipigilang bumagsak ng tuluyan.

“Anak,” Untag ni Nay Matsing sabay angat ng mukha ng kanyang anak. Nginitian niya ito ng malapad para ikubli ang sakit na pumipiga sa kanyang puso. Masakit para sa isang ina ang makitang nahihirapan ang mga anak. Ito na yata ang pinakamasakit na suliranin na pwedeng pasanin ng isang ina, ang makitang nagdurusa ang mga anak niya. “Makakaraos din tayo. Masarap din naman ang gulay at lamang ugat, hindi ba?” Ngiti niya sabay haplos sa pisngi ng kanyang bunsong anak na nagmamaktol na.

“Oo nga naman, Bunso.” Singit ng nakangiting si Making, ang batang Matsing habang nilalantakan ang kabute na kaaani lang ng kanilang tatay sa di kalayuan. “At masustansya pa!” Halakhak niya habang sinisimot ang natitirang pampalasa sa kabute na dumikit sa mga daliri niya.

Nag-angat agad ng tingin ang kanilang ama at kinabig si Making para sa isang mahigpit na yakap. Hindi maiwasan ni Tay Matsing na makaramdam ng galak sa kabaitan ni Making. Hindi siya kailanman nagrereklamo sa kung ano lang ang mga bagay na kayang ibigay ng kanyang mga magulang sa kanya, bagkus ay labis labis na pasasalamat ang kanyang nagiging tugon sa kahit maliliit na bagay na ibinibigay sa kanya.

BOSS 2 | COMPILATION OF ENTRIESWhere stories live. Discover now