Kabanata 47

65 3 0
                                    

Kabanata 47: Walang duda.

"Hindi ka pwedeng sumama sakanya! Hindi pwede! Hindi... Hindi ka niya pwedeng kunin."

Paulit-ulit na sinasabi ni Mama habang hindi na mapakali sa kinatatayuan. Matapos ang usapan kanina ay naisipan ni Tita Nellie na isama ako kay Papa pero hindi pumayag si Mama. Nasa loob kami ng bahay at tanging kaming dalawa lang ang narito.

Sinasadya ba nila na hindi ko makita si Shine? Hindi naman ako sumama kay Papa ah? Kaya bakit siya inilalayo sa akin?

Pagkatapos kong magbihis kanina ay naabutan ko nga rito si Mama na hindi mapakali.

Napaupo siya sa sofa kaya mabilis akong lumapit sakanya. Napaawang ang labi ko nang mapagtantong umiiyak siya. Sapo ang mukha habang tumutulo ang mga luha.

"Ma... H-Hindi po ako sasama kay P-Papa. Tahan na po," Pang-aalo ko. Pinunasan niya ang luha gamit ang palad at tumitig sa'kin.

Hinawakan niya ang pisngi ko kaya napapikit ako at dinamdam ang palad niyang nakahawak sa'kin. Ngayon ko lang naranasan ang ganito.

"Anak kita..." Usal niya. Tumango ako kahit na naluluha. Nasasaktan ako kapag nakikita ko si Mama na ganito. Katulad nalang no'ng gabing iyon na nasaksihan kong umiyak siya habang dahan-dahang napaupo sa sofa. Hindi ko malilimutan ang pangyayaring iyon.

"Patawarin mo'ko, anak." Napapikit ako sa sinabi niya. Kahit na ganito ang sitwasyon ngayon ay nakaramdam ako ng pagmamahal sakanya.

"Ma, ayos lang po, wala ka pong kasalanan." Saad ko.

"Pero, nasaktan kita—"

"Ma! Okay lang 'yon. Ginagawa mo naman 'yon para matuto ako, 'di ba po?" Mahinahon kong saad.

"Pero hindi dapat naging gano'n ang trato ko sa'yo," Aniya.

Umiling ako at ngumiti. "Ayos lang 'yon, Ma," hinaplos ko ang braso niya at sinabing, "Kung sa gano'ng paraan mo naman naipapakita na mahal mo ako, ayos lang po, kahit gano'n pa lagi ang i-trato niyo sa'kin..."

Tumulo na naman ang luha niya kaya pinunasan ko ito. Pati tuloy ako ay naiiyak na. Hinawakan niya ako at pinaupo sa tabi niya. Hinaplos niya ang buhok ko at ngumiti siya sa'kin.

Napangiti rin ako at 'di ko na namalayan ang luha kong tumulo.

"Congrats, anak." Aniya na mas lalong nagpaiyak sa akin. Tumango-tango ako. Sobrang sarap sa pakiramdam na sabihin niya iyan sa mismong harap ko. Hinding-hindi ko malilimutan ang araw na 'to.

"Madalas kong nakikita ang P-Papa mo nitong mga linggo. Sa bawat araw na nakikita ko siya ay mas lalong nadadagdagan ang nararamdaman ko sakanya." Panimula niya. Hindi ko alam kung bakit siya nag k-kwento ngayon. Siguro para malinawan ako sa mga bagay na nangyayari.

Hindi ako sumagot at nanatiling nakinig sakanya.

"Alam kong bawal, kaya madalas ko ring bisitahin ang Tatay mo. Araw-araw akong humihingi ng tawad, kaya ginagabi na ako ng uwi minsan. Sa pag-uwi naman ay doon ko naibubuhos ang lahat ng sakit na nararamdaman ko. Hindi... Hindi ko kinakaya kasi, bakit ganito? Bakit kung kailan ayos na ako ay saka pa nagpakita ang Papa mo?"

Naiiyak ko siyang yinakap nang yumuko siya. Ramdam ko ang panginginig ng balikat niya. Rinig ko rin ang mahihina niyang hikbi.

"Highschool reunion namin no'n. Isinama ako ang Tita Nellie mo, ang sabi niya ay para makita ko ang mga classmate ko dati. Nando'n ang Papa mo siyempre."

Ayaw ko man marinig kung ano ang iki-kwento niya ay kusang tumutok ang mata ko sakanya at hinyaan ang sarili na makinig.

Aniya'y naaya raw siya ng dati niyang kaibigan no'ng highschool na uminom. Hindi niya na namalayan ang oras at ang naalala niya lang noon ay ang sigawan ng mga dating niyang kaklase. Lasing siya at hindi na alam ang ginagawa. Huli na nang napagtanto niyang si Papa pala ang kasama niya no'ng gabing 'yon.

Inamin niya sa'kin na pinagsisihan niya ang nangyaring 'yon sa pagitan nila. Makalipas nga ang ilang linggo ay nalaman niyang buntis siya. Doon nagsimula ang pagkamuhi niya sa batang nasa loob niya. Pagkamuhi sa akin na wala pang alam sa mundo.

"Patawad anak, patawad..."

"Ma, ayos nga lang po 'yon 'di ba? Huwag na po kayong umiyak." Paulit-ulit kong saad kahit pa parang may bumibikig sa aking lalamunan. Ang bigat ng dibdib ko nang malaman kung ano nga ba ang naramdaman ni Mama no'ng nalaman niyang buntis siya kay Papa.

Ang masakit pa no'n ay iniwan siya ni Papa at sumama sa ibang babae, kaya sa akin niya lahat naibunton ang galit at pagkamuhi na si Papa dapat ang makaranas.

"Ma... Wala po kayong kasalanan. Siguro po, pinagtagpo lang uli kayo para magka-ayos." Pang-aalo ko. Hinaplos ko pa ang kaniyang likod upang kahit sa gano'ng paraan ay mapagaan ko ang pakiramdam niya.

Umiling siya. "H-Hindi ko siguro siya mapapatawad."

"Masakit man po ang nagawa niya sa'yo, hindi pa rin po sapat ang sakit na 'yon upang hindi magpatawad. Maraming taon na rin po ang lumipas, siguro naman po ay nawala na ang galit sa 'yong puso."

Hinawakan ko ang kaniyang pisngi at pinaharap sa akin. Parang tinusok ng libo-libong karayom ang puso ko nang makitang puno ng luha ang mga mata niya. Gusto ko tuloy yakapin nalang siya ng mahigpit hanggang sa mawala ang sakit na nararamdaman niya.

Sobrang sakit pala na makitang umiiyak ang Nanay mo.

Tipong nararamdaman mo rin 'yong sakit na nararamdaman niya.

"Huwag niyo pong pinapairal ang galit sa puso. Subukan niyo pong magpatawad," Huminga ako ng malalim at tinapik ng  mahina ang kaniyang balikat.

"...dahil alam kong doon lang gagaan ang pakiramdam mo. Ipaalam mo rin po ito kay Tatay at humingi ng tawad nang sa gano'n po ay makapag-isip ka at gawin kung ano ang tama."

--

"I'm sorry. Sorry kung tinalikuran kita. Hindi... Hindi dapat gano'n ang ginawa ko e, dapat kinausap kita! Ang tanga ko kasi nakalimutan ko pang graduation mo ngayon! Hindi na ako karapat-dapat na maging kaibigan mo..."

"Karina." Galit kong tawag.

Anong hindi karapat-dapat?

Kahit na siraan niya pa ako o iwanan at kung babalik siya ay tatanggapin ko pa rin siya! Dahil siya lang iyong naging tunay at iisa kong naging kaibigan. Hindi na ako hihiling pa ng isa dahil sakanya, naranasan kong sumaya at maramdaman kung ano nga ba ang pakiramdam na may kaibigan. Takbuhan man siya ng asawa niya in future o ano, wala akong ibang gagawin kun'di ang tulungan siya. Pangako 'yan. Hinding-hindi ako susuko sa pagkakaibigan namin.

"Cianelle, pinagbintangan kita."

"Ano naman ngayon?" Tanong ko.

Ang ingay-ingay niya, baka marinig pa siya ni Mama.

Pagkatapos namin mag-usap kanina ni Mama ay saka naman dumating ang mga pinsan ni Shine. Kasama nila si Ate kaya alam kong ang graduation ni Ate ang isine-celebrate nila ngayon sa loob.

Ito namang si Karina. Kanina pa humihingi ng tawad, sa kung anong ginawa niya no'ng araw bago ang graduation ko. Buong akala ko talaga ay buwag na ang pagkakaibigan namin no'ng araw na 'yon pero tignan mo ngayon, pumunta pa rin siya rito sa akin para humingi ng tawad.

Napangiti ako, mahal na mahal ko talaga ang babaeng 'to.

"Alam mo namang may gusto ako kay Kenzo 'di ba?"

Tumango ako.

"Pero hindi naman sapat iyon para itapon nalang ang naging pagkakaibigan natin. Na-realize ko na mas matimbang ang pagmamahal ko sa'yo kaysa sa lalaking ilang buwan ko lang nakilala. Pangako, hinding-hindi ko sisirain ang pagkakaibigan natin para lang sa isang lalaki."

I smiled. Walang duda. Kaibigan ko nga talaga siya.

The Unwanted [Under Editing]Where stories live. Discover now