Mga Halaman sa Hardin na Nakakapagtaboy ng mga Lamok

47 1 0
                                    


Masarap mamalagi sa hardin hindi lang sa ganda nito, kundi sa sariwang hangin na naidudulot nito. Kaya lang, kung marami namang lamok ang namamahay rito, mas gusto mo na lang pumasok sa loob ng bahay. Hindi na rin mainam tumanggap ng bisita sa hardin dahil sa pesteng lamok.

Pero, alam mo bang nasa hardin lang din ang solusyon sa problema mo sa mga lamok? May mga halaman kasing nakapagtataboy ng mga lamok at iba pang insekto. Lalo na kung ayaw mong gumamit ng mga kemikal na pang-spray.

Ang lavender ay una sa listahan. Nakapatataboy ito ng mga insekto. Kahit nga ang kuneho, ayaw ang amoy nito. Mabango ang amoy ng essential oil na nanggagaling sa mga dahon nito, kaya marahil ayaw ng lamok. Pinaniniwalaan kasing tinatanggal daw nito ang pang-amoy ng mga lamok. Hindi rin ito mahirap alagaan. Kailangan lang nito ng full sun at magandang soil mixture upang hindi mabulok ang mga ugat. Kaya nito ang iba't ibang uri ng klima. Kaya, sa Pilipinas, pasok ang pagtatanim ng lavender!

Ang marigold ay mainam ding pantaboy sa mga insekto. Ang matapang na amoy nito ay ayaw na ayaw ng mga lamok. Madali lang din itong alagaan. Maaari itong itanim sa paso o direkta sa lupa. Nakapagpapaganda pa ito ng hardin at gulayan dahil sa matingkad nitong kulay. Mainam itong ilagay sa patio o sa harapan ng bahay.

Ang citronella ay kilalang mosquito repellant. Ang pambihirang amoy nito ang inaayawan ng mga lamok. Nabubuhay ito sa maaraw na bahagi, kaya sa Pilipinas, maganda ang tubo nito. Ligtas sa dengue ang mga tahanang may tanim nito.

Ang catnip (catmint) ay nabubuhay kahit saan. Ginagamit ito para sa mga alagang pusa. Minsan, itinuturing lang itong damo. Kaya naman, napakadali nitong alagaan at paramihin. Maaari nga nitong sakupin ang mga halaman sa hardin. Ayon sa pag-aaral, sampung beses na mas epektibo ito kaysa sa kemikal na ginagamit sa paggawa ng insect repellants.

Ang rosemary ay isa ring mahusay na pantaboy ng mga lamok. Ito ay isang herb na may amoy-kahoy na amoy, na siyang inaayawan ng mga insekto. Maganda itong itanim sa mga gilid. Mabubuhay ito kahit sa paso. Habang enjoy na enjoy ka sa mabangong amoy nito, suyang-suya naman ang mga lamok. May sangkap ka na sa pagluto, may mosquito repellant ka pa.

Ang basil ay isa ring herb na may kakayahang itaboy ang mga peste. Ang maanghang na amoy nito ang ayaw na ayaw ng mga langaw at lamok. Dapat lamang piliin ang tamang variety ng basil na itatanim sa hardin. At tandaan na gusto ng basil ang mamasa-masang lupa. Gusto nito ang masaganang sikat ng araw. Maaari mo itong itanim sa paso o direkta sa lupa. Maaari ring isama sa halamang namumulaklak.

Ang malvarosa (geranium) ay kilalang mosquito repellant. Dahil namumulaklak ito, hindi magiging boring ang hardin mo. Safe ka pa sa dengue. Panatilihin mo lamang itong namumulaklak sapagkat ang mga ito ang nagpapalayo sa mga lamok at iba pang insekto. Mahilig ito sa sikat ng araw. Kung malamig naman, dapat mo itong ilipat sa paso at gawing indoor plant. Makatutulong sa paglaki nito ang madalas na pagpu-prune.

Ang peppermint ay isang mabisa at natural na pantaboy ng lamok, langaw, at langgam. Mas maanghang ito, mas kakaunti ang mga insekto sa paligid ninyo. Mainam itong itanim sa paso, kung saan mas madaling mapitas para sa pagluluto o paggawa ng tsaa. Ang pinatuyong dahon nito ay maaari ring ilagay sa loob ng bahay bilang natural pest control method.

Ang bulaklak ng bulak-manok (floss flower) ay hindi lang kaaakit-akit na bulaklak, kundi isa ring mabisang panlaban sa lamok. Nagtataglay ito ng coumarin, isang kemikal na nagtataboy sa mga lamok. Nakalalason din ito sa tao at mga alagang hayop.

Ang sambong (sage) ay hindi lang mabisang halamang-gamot, magaling din itong magtaboy sa mga lamok. Kung mahilig kayong mag-bonfire, isama ito sa apoy. Maaari ring ilahok sa mga tuyong dahon tuwing magsisiga. Kung sinisipag ka, maaari kang gumawa ng spray, gamit ang katas nito.

Ang sibuyas at bawang ay nakapagpapasarap ng mga lutuin at nakapagtataboy ng mga lamok. Ayaw ng mga lamok ang amoy ng mga ito. Ang ibang magsasaka, ginagamit ang mga ito sa intercropping upang maprotektahan ang ibang mga pananim sa mga peste. Itinatanim ang bawang o sibuyas sa pagitan ng mga gulay gaya ng pechay at repolyo.

Marami pang halaman ang mainam na pantaboy sa mga lamok. Marami rin ang mga maaaring gawing mosquito repellant spray. Nasa kusina, hardin o paligid lamang natin ang mga ito. 

ABNKKSuLatNPLAKoWhere stories live. Discover now