Story Ideas: Saan Kukunin?

21 1 0
                                    

Hindi naman talaga problema kung saan kukunin ang ideya upang makasulat ng kuwentong pambata. Parang gulay lang iyan sa bahay kubo-- 'sa paligid-ligid' lang. Ang mga story idea ay nagkalat sa paligid. At nasa gunita ng bawat tao-- nasa iyo, nasa akin, pero walang tayo.

May walong pagkukunan ng ideya ng kuwentong maisusulat mo.

Kumuha ka sa alaala ng iyong pagkabata. Sigurado ako, napakarami mong puwedeng ikuwento. Maaari mong isulat ang mga nakakatuwa o nakakahiyang karanasan. Marami kang hindi makakalimutang karanasan, na maaari mong paghanguan ng istorya. Halimbawa, ang unang beses mong magkaroon ng bagong sapatos dahil madalas pinaglumaan ng kapatid mo ang sinusuot mo.

Kumuha ka sa kultura at kaugaliang Filipino. Sigurado akong magiging makulay ang kuwentong isusulat mo dahil mayaman ang ating kultura. Bawat rehiyon o bayan ay may natatanging kultura. Bawat pamilya ay may natatanging kaugalian. Ang ating bansa mismo ay hitik sa mga kayamanang ito, na nararapat lang nating ipagmalaki. Halimbawa, ang pagmamano, paggamit ng 'po' at 'opo,' pagdiriwang ng pista.

Kumuha ka sa mga balita. Sigurado akong samot-saring ideya ang mapupulot mo kung kukuha ka mga pangyayari sa loob ng bansa. Maraming balita sa radyo, pahayagan, at telebisyon ang maaari mong maging inspirasyon sa pagsusulat. Idagdag pa ang mga trending videos na mapapanood sa social media, na talaga namang tumatabo ng likes, comments, and shares. Halimbawa, ang kuwento ng estudyanteng sinusuong ang panganib, makapasok lamang sa paaralan.

Kumuha ka sa mga larawan at sining-biswal. Sigurado akong ang bawat larawan ay nagtataglay ng libo-libong kuwento. Sabi nga,

"A picture paints a thousand words." Gayundin sa larawang pagkukunan mo ng story idea. May patimpalak nga sa Pilipinas sa pagsulat ng kuwentong pambata na kailangang bigyan ng interpretasyon ang isang likhang sining. Sigurado rin akong kapag pumasok ka sa museo na may mga paintings o sculptures, uuwi kang bitbit ang mga pambihirang story ideas.

Kumuha ka sa mga panitikang-bayan. Sigurado akong alam mo ang mga uri nito, pero ibigay ko pa rin. Alamat. Epiko. Kuwentong-bayan. Bilang manunulat, sumangguni ka sa mga ito at hanguin mo rito ang akdang isusulat mo. Isang mabisang ideya at materyal ang mga panitikang-bayan. Gagamitan mo lang ng makabuluhang 'retelling' upang ang akda ay maging bago. At siyempre, nararapat na kilalanin ang orihinal na may-akda.

Kumuha ka sa kultura ng mga bata. Sigurado akong ang bawat bata ay may kinalakhang kultura, maliban sa kultura ng bansa. Ang kultura nila ay sila mismo ang gumawa. Halimbawa, ang paggamit ng unan na hindi nilalabhan at kapag nilabhan, magulang ang iiyakan. Isa pang halimbawa ay ang paglalagay ng kulambo sa paa upang makatulog. Ang mga paksaing mula sa mga bata nga raw ang pinakamasayang isulat. Hindi limitado ang materyal ng mga manunulat. Hindi mauubusan ng ideya hanggang may mga bata.

Kumuha ka sa mga sensitibong paksa. Sigurado akong dapat nang imulat ang mga bata sa mga suliraning panlipunan. Wala namang rason para itago ito sa kanila sapagkat sila rin naman ang madalas na biktima nito. Kaya dapat silang ihanda sa pamamagitan ng mga kuwentong pambata, na may sensitibong paksa. Dahil dito magiging mapanuri sila at matalino. Ang mga halimbawa ng mga sensitibong paksa ay broken family, death, LGBT, drugs, child labor, sexual harassment, at marami pang iba.

At kumuha ka sa mga sagot sa tanong na 'What If?' Sigurado akong magiging kawili-wili ang kuwentong mabubuo mo kung maglilista ka ng sampung 'what ifs' at pipiliian mo ang dabest. What if lumiit ang mga magulang ko? What if abot-kamay ko ang buwan? What if isang taon ang lockdown? What if hindi na bigas ang staple food ng mga Filipino? What if lumilipad ako? What if computer na ang mga guro? What if ako, bilang bata, ay naging pangulo ng bansa? What if naging ipis ako? What if may kakayahan akong magbasa ng isip ng tao? What if ang bawat hiling ko ay magkatotoo?

Hayan na! Sigurado akong pagkatapos mong basahin ito ay may mabubuo ka nang story idea sa utak mo. Sulat na! 

ABNKKSuLatNPLAKoWhere stories live. Discover now