Mga Suhestiyon sa Pagsulat ng Tula

16 1 0
                                    


Hindi naman mahirap magsulat ng tula. Alisin mo lang ang labis na pagiging negatibo. Narito ang ilang suhestiyon sa pagsulat ng tula.


Pumili ka ng magandang paksa. Ang paksa ng tula ay walang limitasyon. Malaya kang makapili ng ideyang alam na alam mo. Maaaring ang mga bagay na interesado ka o gusto, paborito mo. Maaaring ang kinatatakutan mo, iniisip mo, pangarap mo. Lahat puwede! Subukan mong isulat ang tatlong paksang naisip mong gawan ng tula. Pagkatapos nito, maaari ka nang sumulat o makasulat.


Huwag kang matakot sumulat ng tula nang walang tugma. Hindi palaging may tugma ang tula. Hindi ito kasalanan. Tandaan mong may malayang taludturan. Maaari ka nga ring gumawa ng sarili mong estilo. Huwag kang mag-alala, walang mamba-bash sa 'yo, as long as wala ka namang tinatapakang tao.


Bigyan mo ng pansin ang kayarian ng tula mo. Suriin mo ito pagkatapos mong isulat ang burador (draft). Balanse ba ang mga saknong? tama ba ang mga batas? Sumunod ba sa uri ng tula na sinundan mo, gaya ng spoken word, haiku, tanaga, awit, korido, elehiya, balagtasan, duplo, dalit, tradisyunal, at iba pa. At gaya ng sinabi ko kanina, maaari ka ring gumawa ng sarili mong anyo ng tula. Malaya ka.


Basahin mo nang malakas ang tulang isinulat mo. Kapag maganda at masarap pakinggan, maganda iyan. Maaari mo ring ipabasa sa iba. Ang pagsali sa mga poetry writing groups ay makatutulong din sa iyong pagkatuto. Ang mahalaga, tumatanggap ka ng puna, kritiko, at opinyon ng iba.


Paunlarin mo ang iyong tula. Pagkatapos mong humingi ng komento, puna, at suhestiyon sa iba, paunlarin mo ito. Iwasto mo ang mga mali. Dagdagan. Baguhin. Bawasan. Edit mo. Sigurado akong mas gaganda pa ang tula kapag maraming mata ang magbabasa.


Kapag nabigo ka sa una, huwag kang susuko. Wala namang nagwagi na umaayaw. Bahagi ng pagkatuto ang kabiguan. Huwag ka ring masaktan sa sasabihin ng iba bagkus pagbutihan mo pa. Hindi ka lalago kung mananatili kang sensitibo at takot sa pagkabigo.


Hayan na! Maaari ka nang sumulat ng tula nang hindi ka nagiging negatibo. Kaya mo iyan!

ABNKKSuLatNPLAKoTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon