Ang Mangluluya

52 1 0
                                    

Tatlong beses na pinahid ng maliit na matandang babae ang luya sa noo ni Lando, kasabay ang pagbanggit sa Trinity. Pakrus naman ang pagpahid niya sa mga bisig, sa mga paa, sa mga palad at sa tiyan ng binata. Pagkatapos ay nag-usal ito ng dasal na hindi niya lubos na maunawaan dahil sa lengguwaheng ginamit.

Ang tangi lang mauunawaan ni Lando ay ipinagdadasal siya ng mangluluya.

Sunod ay pinakuyom sa kanya ang dalawamg piraso ng luya. Siguro ay tumagal ng tatlong minuto bawat palad.

Ang luyang kinuyom ni Lando ay ipinatong mg matanda sa puyo niya. Inikot-ikot doon at inihipan niya ang kanyang puyo. Pakiramdam niya ay lumusot ang hininga ng mangluluya, mula sa puyo hanggang sa kanyang sikmura. Umikot-ikot doon ang hangin at tila nagbigay iyon ng ginhawa.

Muling nag-usal ng panalangin ang matanda habang itinatanong niya sa may-ari ng lumang bahay kung sino-sino ang mga namatay doon. Isa-isa niya itong kinakausap. Ipinakikiusap niya si Lando na huwag pahirapan sa sakit ng tiyan.

Sa pagitan ng pag-ubo, patuloy na nagdasal ang mangluluya. Tila napapatda pa siya kapag nababanggit niya ang salitang 'taglugar'. Pagkatapos ay kumurot siya sa luya ay inihagis sa timog na bahagi ng bahay. Sundan daw iyon ng mga kaluluwang kinausap niya. Ginawa niya iyon sa tatlong pang direksiyon--- sa hilaga, sa kanluran at sa silangan.

Ang natirang luya ay ipinatali niya sa damit ni Lando. Sa loob ng tatlong araw, lagi raw itong nakakabit sa kanyang damit.

Guminhawa na ang pakiramdam ni Lando nang matapos ang ritwal. Nagbigay siya ng fifty pesos. Iyon ay ayon sa may-ari ng bahay, ngunit humingi ng barya ang mangluluya. Dapat daw kasi ay laging may barya.

Ipinahid niya ang mga pera sa noo ni Lando at muling binanggit ang Trinity.

Hindi pa rin makapaniwala si Lando. Dati pa naman kasi siyang nakakaranas ng ganoong pakiramdam. Nawawala rin naman. 

Hindi nawala sa kuro-kuro niya ang pagiging bakasyunista sa lugar na iyon. Marahil ay totoo ngang nabati siya,  subalit mas matimbang sa isip niya ang pag-inom niya ng vitamins at pagkain niya ng balut, mahigit isang oras ang lumipas.




ABNKKSuLatNPLAKoWhere stories live. Discover now