WTWTTS - 31

130 6 1
                                    

THE CALL.


Payapa kong tiningnan ang malawak na tanawin sa harapan ko ngayon. Pabigla-biglang naaalala ang mga nangyari noong nakaraang buwan sa La Union. Bakit ba kasi bigla-bigla ko na lang na maiisip ‘yon? Parang tanga, Zettiana.

“Hoy, gago, parang tanga ‘to, ngumingiti mag-isa.”

Nakatanggap ako ng isang malakas na batok galing kay Yosef kaya masama ko siyang tiningnan nang mabalik sa kaniya ang atensiyon ko.

“Ano ba! Epal.”

Mas lalo kong niyakap ang dalawa kong tuhod na nakapatong sa inuupuan ko ngayon at mas piniling tingnan ang berdeng paligid kaysa bigyan ng pansin ang walang hiyang si Yosef.

“Ah, epal? Mas epal ka. Pumupunta lang dito kapag hindi mo kasama si Tonton.”

“Ah, so gusto mong umalis ako rito? Sige, wait.” Kinuha ko ang cell phone ko at agad hinanap ang phone number ni Tonton. Tumayo na rin ako para akmang aalis.

“Upo ka nga. Parang tanga talaga ‘to.”

Marahas akong hinablot ni Yosef pabalik sa kinauupuan ko. Mababakas pa rin ang irita sa kaniyang mukha pero natatawa na ako ngayon. Wala rin naman akong nagawa kundi ang ibalik sa kaninang posisyon ang paa ko.

Inabala ko na lang ang sarili ko sa pag-kain sa banana muffin na personal na b-in-ake ni Tonette. Nandito kasi ako sa bahay ng mga Osmeña, bahay nina Yosef. Tumatambay kami ngayon dito sa third floor nila, sa may veranda. ‘Yong dating puno ng iba’t-ibang klaseng gym equipments ay pina-renovate at ginawan ng rooms. Ang natirang open space na lang dito sa third floor ay itong kinalulugaran namin na veranda. Dati, ito ‘yong puwesto ng pahingaan sa gym area nila.

“Ikaw ang parang tanga. Bigla mo na namang sinasali sa usapan si Tonton,” sabi ko matapos kagatin ang banana muffin.

Lumipat ng puwesto ang kaninang tahimik pa ni si Tonette. Tumabi siya sa akin at biglang sumandal sa balikat ko. Hindi na ako nanibago. Ganito kasi si Tonette, medyo clingy.

“Close ka pa rin hanggang ngayon sa mga Lizares, Zet?” tanong niya.

“Bakit naman? Close din naman kayo sa mga Lizares, ah?”

Malalim na bumuntonghininga si Tonette sa tabi ko kaya si Yosef ang nilingon ko. Naghahanap ng back-up sa kaniya.

“Hindi ka ba w-in-arning-an ni Ada tungkol sa mga Lizares?”

Gusto ko ng matawa sa mga pinagsasabi ni Tonette pero pinipigilan ko lang ang sarili ko ngayon.

“Bakit ba? Ano bang mayroon sa mga Lizares?”

Sumenyas sa akin si Yosef gamit ang daliri niya. Para siyang nagka-countdown. Ang countdown niya sa daliri ay sinabayan niya ng paggalaw ng kaniyang bibig pero walang boses na lumabas.

“The Lizares are untouchables,” sabay na sabi ng magkapatid. Si Yosef ay natatawa, pero si Tonette ay seryoso sa kaniyang sinabi.

Umiling ako dahil sa ginawa ni Yosef kaya ibinigay ko na lang ang atensiyon kay Tonette na ngayon ay nakaayos na ng upo.

“Sabihin mo nga sa akin, Net… may nakarelasyon ka ba sa isa sa mga Lizares? Parang ang laki ng galit mo sa kanila, ah? Parang may pinanghuhugutan ang the Lizares are untouchables mo.”

“Pabayaan mo ‘yang si Tonette. Kahit noong mga bata kami, ayaw talaga sa mga Lizares ‘yan. Siguro crush niya si Decart kaya gan’yan.”

“Shut up, Kuya!”

Inunahan ko na ng tawa ang namumuong tensiyon sa magkapatid.

“Kung mag-aaway kayo ng dahil sa Lizares, ‘wag n’yo akong isali r’yan.”

When The Waves Touch The Sky (Yutang Bulahan Series #4)Where stories live. Discover now