XVI. Maskara

294 57 4
                                    

Isang buwan na ang nakalilipas simula noong ako'y hindi na pinayagang makalabas ng gusali. Silid, palikuran, aklatan, at komedor lamang ang mga lugar na aking maaaring puntahan. Napagsabihan ako na bawal nang umalis dahil tinakasan ko si Jose, lalung-lalo na at wala naman akong sedula. Sa isang buwan na pagbabawal nila sa akin, kahit isang araw ay hindi ako pumalyang lumabas para lamang makausap si Dumangan tuwing hapon. 

"Dumangan, bakit ba lagi ka na lang nagtatakip ng panyo tuwing tayo ay magkausap? Lagi mong itatali tuwing nakikita mo akong papalapit na sa iyo. Pati ang mukha mo ay iyong hinaharang ng aklat kapag sisilipin kita mula dito sa sanga ng kamagong. Sa katunayan ay hindi ko na matandaan ang iyong itsura o ang tunay mong boses." Totoo naman kasi na lagi na lang siyang umiiwas kahit pasimple pa akong tumingin. Minsan napapaisip na lang ako kung mabaho ba ang aking hininga o pangit ba ang aking mukha kaya niya iyon nagagawa. At kaya pinagtatago niya rin ako sa puno ay dahil siguro nais niyang lumayo ako sa kaniya.

"Idianale, ilang ulit na akong nakasagot sa iyong tanong na yaon. Gaya nga ng aking kasagutan noon, aking inuuna ang iyong kapakanan. Ikaw ay nasa gulang na ng pakikipag-isang-dibdib kaya ganoon na lamang kung ako ay mag-ingat. Ngayong nasagot ko na ang iyong agam-agam, maari na ba nating ituloy ang talakayan?" 

Nang dahil sa kaniya ay natutuhan ko ang mga pangunahing salita sa wikang Kastila, at ang wastong paggamit ng salita sa bawat pangyayari o antas ng kausap. Tinuruan niya rin ako kung paano magtago sa puno, noong una ay nahihirapan pa akong makaakyat. Kailangan ko raw sanayin ang sarili nang sa gayon ay walang makahuhuli sa aking pagpuslit. Ngayon ay medyo hirap pa rin, ngunit kinakaya na. Pati ang pader patungong bintana ay inaakyat ko tuwing umuuwi upang hindi ako mahuli nina Primo. Ang pag-aaklang hindi ako mahuhuli ay isang napakalaking kamalian. Napatunayan ko ito sa isang nakangingilabot na paraan. 

 "Binibining Paulina Ramirez. Nakikinig ka ba sa aking mga sinasabi? Ang itinatanong ko sa iyo ay kung bakit wala ka sa iyong silid, at nadatnan na lamang kita na inaakyat ang silong patungong volada ng ikalawang palapag?" Napatindindig ako nang marinig ang kaniyang malamig na tinig. Nakakatakot talaga galitin ang mga mababait na tao. Hindi man sumisigaw, ramdam mo ang kasidhian ng bawat salitang namumutawi sa kaniyang mga labi. 

 "Ginoong Primo. . ." 

 "Kailan pa nangyayari ang ganitong pagtakas?" nakapameywang niyang tanong. 

Nakatungo ako at walang habas na pinakawalan ang isa sa maraming kasinungalingan na aking ibibigay sa panahong ito. "Nabuburyong na po ako. Nang ako ay magmasid sa aking kuwarto, napansin ko po na tinutubuan na ng ugat ang aking rosas sa plorera. Nais ko lamang makahanap ng paso upang may pagtaniman. Ngunit bumalik ako rito nang mapagtanto na wala nga pala akong salapi." 

Bumuntong-hininga siya at lumapit kay Jose na nasa ilalim ng hagdan, saka ito kinausap. Mula rito sa itaas ay makikita ang hindi pagsang-ayon ng huli, pero mukhang napapayag din naman siya ni Primo. Muli akong tumingin sa aking mga paa nang makita na pabalik na ang lalaki. Nagpakawala na naman ito ng hangin saka nagwika, "Ikaw ay aking sasamahan bukas sa pagbibili ng maceta. Maliit pa lamang ang iyong halaman kaya isang maliit na paso lang ang kakailanganin."

"Paano po ang inyong trabaho? Huwag na po! Ayaw ko na po makaabala sa inyo," nag-aalinlangan kong bulong. Hindi lamang dahil maraming ginagawa si Primo. Dahil na rin sa nais ko pang makasama si Dumangan, matuto ng maraming bagay sa kaniya, at makipagbahagi ng mga magkakahawig na karanasan sa buhay

"Matapos ng tanghalian ay saka pa lamang tayo aalis," saad niya at giniya ako papasok ng aking silid.


NOONG kami ay nakarating sa pamilihan, agad akong naghanap ng paso na hindi kamahalan ngunit siguradong matibay. Iniabot ko ang napili kay Primo upang mabaling ang kaniyang atensyon. Habang nagbabayad siya ay marahan akong humakbang patalikod, hanggang sa masigurong hindi niya na ako napapansin. Luminga-linga ako sa paligid saka nakihalo sa isang pangkat ng tao na may hatak-hatak na kalabaw. Ganoon ang nagawa kong pagtakas, ngunit hanggang ngayon ay wala akong ideya kung paano ako mangangatuwiran kapag umuwi na ako. 

"Hindi mo kailangang ngumiti kung ika'y nahihirapan. Batid ko na ikaw ay nagugulumihan, Idianale. Higit na pipiliin ko ang pagbabahagi mo ng suliranin, kaysa ang iyong pagpanggap na masaya." Nagtataka kong tinanaw  si Dumangan mula rito sa itaas ng sanga. Isinilid niya sa sa bulsa ang aklat na binabasa at inakyat ang puno. Umusog ako nang matalos na tatabi siya sa akin, may kalakihan naman ang sanga kaya kahit tatlong tao ay magkakasya.

"Maaari ba kitang tawaging kuya?" wala sa isip kong tanong sa kaniya. Nakatakip man ng panyo ang kaniyang mukha, masisilayan naman sa kaniyang mga mata ang isang ngiti na nakatutunaw ng puso.  

Hinarang ko ng palad ang sinag ng araw na tumatagos sa dahon. Napakaaliwalas ng hapong ito subalit taliwas dito ang aking nadarama. "Alam mo ba Kuya? Sa dinami-rami ng taong aking nakilala mula sa magkakaibang panahon at magkakaibang lokasyon, ikaw lamang ang natatanging nakapansin na labag sa aking kalooban ang pagngiti kong ito. Alinsunod sa aking magulang, hindi dapat ako susuko kahit na anong mangyari at magpatuloy lamang sapagkat hindi mahalaga ang aking mga nadarama. Nakagagambala lamang ito sa aking mga pangunahing tungkulin. Kaya magpasahanggang ngayon ay hindi ko pinagtutuunan ng pansin ang aking mga emosyon, bagkus ay isinasantabi lamang ito at nagpapatuloy na parang wala lang sa akin ang hamon na kahaharapin." Pinitas ko ang isang kamagong na malapit sa akin. Mabuti pa itong bunga ay may halaga, hindi gaya ko na isang aksaya lamang. 

"Ang paglilihim sa tunay na nadarama ay isang palatandaan ng kahinaan. Ang tunay na matapang ay ang taong humaharap sa bawat balakid habang ipinapakita ang pangamba. Mahalaga ang paglalabas ng kagalakan o hinaing upang matagpuan ang tunay na kasiyahan. Hindi dapat panghinaan sa kung anumang kalalabasan, bagkus ay magalak sa karanasan at bagong kaalaman na natuklasan. Simula sa una ay sinabihan na kitang kakaiba sapagkat naramdaman ko na nasa maling prinsipyo ang iyong katapangan. Malakas ang iyong loob na tumulong sa iba, datapwat hindi mo ito magawa sa iyong sarili. Alalaumbaga, ikaw, Binibing Idianale, ay isang hipokrito." Nanginginig kong hinigpitan ang pagkakahawak sa bunga ng kamagong. Sinubukan kong huminga nang malalim upang pakalmahin ang sarili. 

Paulit-ulit sa aking isipan ang kaniyang sinabi kaya hindi ko na napigilang pagtaasan siya ng boses.  "Sino ka ba? Anong karapatan mong pagsabihan ako ng mga ganitong bagay? Hindi mo naman ako kilala! Ano ba ang alam mo? Ano ba ang alam mo sa aking mga naranasan?!" Ang akala kong tutulong ay siya pa palang tutulak sa akin. Natuwa ako sapagkat mayroon nang nakapansin sa aking tunay na katauhan, ngunit bigla kong naalala kung bakit ko nga pala itinatago ang aking sarili. Dahil nga pala sa mga ganitong uri ng tao. Sa sidhi ng aking galit ay nabato ko sa kaniya ang bunga na walang hirap niya namang nasalo.

"Mainam na pampababa ng alta presyon ang kamagong. Hindi ko man alam ang buong detalye hinggil sa iyong buhay, aking batid na nais mong ipabalat sa akin ang bungang ito." Nilabas niya ang isang patalim at sinimulang balatan ang bunga. Biro lamang ba sa kaniya ito? Joke lang ba sa kaniya itong mga nararamdaman ko? Naghihiwa lang siya ng prutas at hindi sineseryoso ang aking mga sinasabi. 

"Bakit ba napakatanga ko? Sariling pamilya ko nga ay hindi ko napagkakatiwalaan, ano pa ang aking karapatan na pagkatiwalaan ang ibang tao? Lalo pa at mismong sarili ko ay aking pinagdududahan? Dumangan! Sagutin mo nga ako!" Ibinulsa niya ang balisong at tumingin sa aking gawi. "Ano ba talaga ang tunay na kasiyahan? Kahit naman ang sariling kasiyahan o ang kasiyahan ng iba ang aking uunahin, wala pa rin namang tumatanggap sa akin. Ngayon sabihin mo sa akin kung bakit mahalaga na maging tunay ako sa aking sarili lalo pa at hindi ko na kilala kung sino ba talaga ako!"

"Sinabi mo noon na hindi ka na nagpapadala sa sinasabi ng iba, hindi ba? Sa aking palagay ay isinasantabi mo lamang ito at hindi na iniisip, bagaman maraming bakas ng tinik ang nakabalot sa iyo. Tila isang rosas na nakaakit, subalit nasasaktan sa nakabalot na tinik. Hindi lamang ang mga nais pumitas, pati na rin ang sarili ay nasasaktan nang walang habas. Pakinggang mabuti ang aking salita at tandaan ang bawat kataga. Ikaw ang tala na nagsisilbing gabay sa karimlan. Katulad ng bituin, nauubos ang sinag at maglalaho ang dating kisap, subalit mananatiling bahagi ng kalangitan. Limutin na nilang lahat, samantalang aking gugunitain at ipagdarasal ang nabaong alamat. Idianale, ikaw ang sinag ng pag-asa sa aking puso na nagluluksa." Ang panginginig ko sa galit ay nahaluan na ng hinagpis at kagalakan. Wala sa sariling niyapos ko ang kaniyang katawan na nagtulak sa walang humpay na pag-agos ng aking mga luha, na siya ring nagbigay sa akin ng hindi mapapantayang lakas. Nawasak ang maskara na gumagapos sa akin at muli kong nasilayan ang sinag ng kalikasan. Dumangan- ang ginoong pumawi sa aking kalungkutan, at naghatid sa aking ng kaligayahan. Sa kaniyang bisig ko natagpuan ang tunay na kahulugan ng kasiyahan.




Sa Harap ng Pulang BandilaWhere stories live. Discover now