XLVIII. Tudyo

151 53 21
                                    

"Diyan ka nagkakamali. Matagal na-"

Matagal nang ano?

Ano ba kasunod ng sasabihin niya?

Diyan ka nagkakamali. Matagal na kitang tinitignan sa malayo.
Hindi, hindi, imposible, kalokohan.

Diyan ka nagkakamali. Matagal na akong naiinis sa iyo.
Hindi rin, kung ganoon nga ang nangyari, hindi niya ako ililigtas.

Diyan ka nagkakamali. Matagal na kitang iniibig.
Hindi!!! Iniligtas niya lang ako dahil nanghingi ng pabor si Sam.

Diyan ka nagkakamali. Matagal na akong naninibugho dahil bukambibig ka ni Binibining Sam.

Diyan ka nagkakamali. Matagal na akong naninighili dahil bukambibig ka ni Ginoong Jm.

Malakas kong sinampal ang aking sarili. Palayo na nang palayo ang aking iniisip.

Hay naku! Kung hindi lang talaga biglang sumulpot si Claire, malalaman ko na sana ang sasabihin sa akin ni Jacinto. Nagtanong ako kanina pero nakalimutan niya na raw. Kung sinuswerte nga lang talaga oo.

"Huy, teh. 'Di ka makapaniwala na nandito ako kaya todo sampal ka sa sarili mo?" taas kilay na tanong sa akin ng binibini sa aking harapan.

"Ah! Nariyan ka nga pala Claire," wika ko na nagdulot sa kaniya na magpaymewang.

"Nakalimutan mo agad ako?!"

"Ingay mo Claire! Gusto mo iwan ka ulit namin dito?" pananakot ni Jm.

Ibig sabihin ay siya nga ang binibini na nakita ko noong unang beses kong makilala si Felipe. "Naalala ko noong nakaraang buwan ay nagkita tayo, hindi ba? Bakit hindi ka nagpakilala sa akin?"

"Nagpakilala ako sa'yo! Sabi ko 'di ba ako si Clara, isang dalagang Pilipina yeahhh!" anito at nagpose pa.

"Nagkita kayo?" hindi makapaniwalang pangsisiyasat ni Sam.

"Oo, pero 'di niya ako pinansin. Muntik na nga akong barilinin noon. Ala Reyna na 'yang si Rio dito. May special treatment."

"Reyna naman talaga ang ibig sabihin ng pangalan ni Rio," natatawang sagot ng nauna.

Sumingit na ako sa kanilang usapan upang hindi na mapadpad sa kung ano-anong paksa, "Bakit hindi ninyo inaayon sa panahong ito ang paraan ng inyong pananalita?"

"Wala pa naman sa bayan. Ang taray mo talaga Rio! Para kang si ano." Hindi na tinuloy ni Sam ang kaniyang sasabihin kaya sumingit agad si Claire.

"Oo nga, siya rin nagsabi sa'tin na ibahin ang pangalan 'di ba?"

"Sino ang inyong tinutukoy?"

Sa halip na sagutin ako, nagtago lamang si Sam sa likod ng kaniyang kasama."Ay Claire! Alam mo ba. . ." Hindi ko na narinig pa ang sunod dahil ibinulong niya ito. Napansin ko na lamang na nakatingin sila sa akin habang nanlalaking mata naman sa pakikinig itong isa.

"Weh?!" hindi makapaniwalang saad ni Claire at napatakip pa ito ng bibig.

"Oo seryoso!" panghihikayat ni Sam at sunod-sunod pa ang pagtaas baba ng kaniyang ulo.

"Oh tapos? Tapos?" hindi mapakaling tanong ng kausap kaya muling siyang binulungan. At sa pagkakataong ito ay nakikinig na rin si Jm sa usapan nila. 

Ang kaninang nakatakip na bunganga ni Claire, ngayon ay bukas na bukas na. Tila ba nais niyang mapasukan siya ng langaw sa bibig. Lalapit na sana ako upang makinig ngunit napatigil ako sa kaniyang pagsigaw, "Grabe! Nangyari talaga 'yon?!"

"Oo! Tanungin mo pa si Jm."

"Bahala nga kayo diyan," pag-iinarte ko at lumapit kay Ginoong Jacinto.

"Ginoong Jacinto."

Sa Harap ng Pulang BandilaWhere stories live. Discover now