XXXI. Nasangkot

186 32 3
                                    

Nagpalinga-linga ako subalit hindi ko na muling nakita ang aking hinahanap na ginoo. Namalikmata lamang ba ako? O baka naman guni-guni ko lamang, at wala naman talaga dito si Gregorio?

"Binibining Paulina, ano pa ang iyong hinihintay? Kailangan na nating lumisan bago pa matapos ang pagpupulong, baka ikaw ay mapansin pa nila kung mananatili pa tayo rito."

Malayo ang nilakad namin pabalik sa karwahe dahil ayaw rin ni Ginoong Lorenzo na malaman ng kutsero kung saan kami nagpunta. Mas mabuti nang maging maingat sa daang tatahakin, kaysa maisuplong pa na sumusuporta kami sa samahan. Sumikat na ang araw subalit wala pa rin kaming masyadong nakasasalubong, siguro ay dahil nasa liblib na lugar ang aming pinanggalingan.

"Bakit alam po ninyo ang tungkol dito?" pagbasag ko sa katahimikan na bumabalot sa amin.

"Hindi ba iyan dapat ang aking tanong sa iyo binibini?" pakli niya at patuloy pa rin sa paglalakad na tila walang pakialam sa aking inuusisa.

"Nakakapagtaka lamang. Nasa handaan ka at tinulungan mo si Binibining Tomasa nang mapahiya ito. Ikaw ay araw-araw bumibisita sa kaniya nang walang palya. At ngayon naman po ay nasa tapat ka ng tahanan kahit madaling araw pa lamang." Kahit na sabihin niya na naikwento na ito sa kanya ni Tomasa, nakapanghihinala pa rin na alam niya kung nasaan ang pagpupulong na magaganap. Dalawa lamang ang naiisip kong dahilan, maaring kasapi siya o kaya naman ay. . .

"Ano ang iyong ipinapahiwatig? Ibig mo bang iparating na ako ay lumalapit sa inyo dahil mayroon akong balak?"

"Wala naman po akong sinasabi. Sa iyo nanggaling ang mga katagang iyan," kibit-balikat kong sagot sa kaniya.

"Ipinadala ako ng Magdalo upang protektahan kayong apat." Napako ako sa aking kinatatayuan nang marinig ang kaniyang pag-amin. Hindi na nakapagtataka sapagkat inilayo nga kami sa Kawit. Sa loob-loob ay alam ko naman talaga na malaki ang posibilidad ngunit nakabibigla pa rin na makumpirma na mayroon palang nagbabantay sa amin. Ngunit wala pa ring kasiguraduhan kung siya ba ay nagsasabi ng totoo sapagkat wala namang naibilin sa akin si Miong.

"Sinasabi mo ba na isa kang espiya? Dahil ba sa mangyayaring pag-aaklas sa Cavite el Viejo?" Tumigil siya sa paglalakad at nilingon ako.

"Napakarami mo nang nalalaman," seryoso niyang wika. Tila ibang tao ang nasa harap ko ngayon. Puno ng pagbabanta ang kaniyang mata. Halos nakahihigit ng hininga ang katahimikan na bumabalot sa aming dalawa.

"At higit na marami ang aking alam kaysa sa iyo," lakas loob kong sagot.

Tinutukan niya ako ng patalim subalit hindi ako nagpatinag. Nasa gitna pa rin kami ng kagubatan. Madali niyang magagawa ang gusto niya ngunit alam ko na dapat kong pangatawanan ang aking desisyon. Kung ano man ang iniisip niya ngayon tungkol sa akin, alam kong hindi ito mabuti.

"Walang nagdaraang mga tao dito. Kung nais mo akong paslangin ay malaya ka sa iyong kagustuhan." Hindi ako dapat mapanghinaan. Kapag sumuko ako at nagmakaawa, baka isipin niya na totoo ang kaniyang hinuha. Kaya naman papatunayan ko sa kaniya na tapat ang aking pagtanggi sa kaniyang mga akusasyon. Matagal pa kaming nagsukatan ng tingin, kahit bawian niya ako ng buhay ay hindi pa rin ako luluhod sapagkat alam ko na walang mali sa aking ginagawa't intensyon. Kung mayroong kahina-hinala dito, siya iyon at hindi ako. Nagdududa pa rin ako sa kaniyang sinabi na si Miong ang nagpadala sa kaniya. Sasabihin agad ni Miong sa akin ang mga bagay na tungkol dito, ngunit wala naman siyang nabanggit. Walang patunay si Ginoong Lorenzo na makakukuha ng aking tiwala. Malaki ang utang na loob ko sa pamilyang Aguinaldo at hindi ako makapapayag na mayroong magdadala ng panganib sa kanila.

Itinago niya na ang hawak na patalim saka bumuntong hinga."Binibini, nais kong manghingi ng dispensa sa aking kahamakan. Akala ko ay isa kang kalaban. Subalit kung tunay nga ang aking pagdududa, malamang ay kanina mo pa ako nilagutan ng hininga."

Sa Harap ng Pulang BandilaDove le storie prendono vita. Scoprilo ora