XXVI. Kalayaan

267 45 3
                                    

Tatlong araw matapos ng kaniyang kaarawan, ipinagtapat niya sa akin ang lahat-lahat. Habang papunta ng San Nicolas sa Maynila, isinalaysay niya ang panghihikayat sa kaniya ni Santiago Alvarez noong isang taon. Kasama sina Raymundo Mata at Candido Tirona, sa isang tahanan sa Calle Clavel, buong loob siyang sumanib sa samahan at ginamit ang nom de guerre na Magdalo. 

Dalawaang daang kopya ng dyaryo ang iniatas kay Miong na ipalaganap sa Cavite.  Pumasok sila sa isang silid kaya naman naiwan akong nakaupo rito sa lapag ng mirador kasama ang nakatayong lalaki na kanina pa ako tinititigan. Amang mahabagin, may nagawa po ba akong masama? Bakit naman po parang pinaghihinalaan ako? Kakilala ko kaya siya? Baka naman nag-usap na kami dati noong nasa aklatan ako nina Primo, ang problema nga lang ay hindi ako nakaaalala ng mukha kapag matagal nang panahon ang lumipas.

Ibinuklat ko na lamang ang isang pahayagan na Kalayaan upang mabawasan ang pagkailang, ang natira ay ikinandong ko sa aking hita. Paminsan-minsan ay sumusulyap ako sa gawi niya. Kahit nagtatama ang aming mata, ako pa rin ang nag-iiwas ng tingin na tila ba ako ang nahuling nakatitig. Nakaiilang talaga. Magbabasa na talaga ako.

¡Hayo na mga tagalog kayo ay gumising at magkaisa sa gawa! Ang bawa't isa'y lumingap sa lahat at ang lahat ay lumingap sa bawat isa. Kayong lahat ay tunay na magkakapatid; iisa ang dugung tumatagbu sa inyong mga ugat; iisa ang lupang inyong tinubuan, iisa ang araw na namulatan ng inyong mga mata't nagbigay init sa inyong katawan at iisa ang inyong pighati't pagkaayop; ¿bakit di pagisahin naman ang inyong mga kalooban at kaisipan, upang maging isa din ang lakas ninyong lahat at nang walang mangahas lumibak at yumurak ng inyong mga banal na matuid?

"Sunog! May sunog sa Maynila!"

Naputol ang aking pagbabaliktanaw nang marinig ang kaguluhan sa labas. Isiniksik ko sa gitna ng kamisa at alampay ang hawak na diyaryo saka sinilip mula sa bintana ng aking silid ang nagaganap. Ang mga bisita ni Miong ay nagtungo sa silangan kung nasaan ang batong tulay. Pangangamba ang nakapaskil sa mukha ng ginoong nangunguna sa pagtakbo.  Napakakapal ng alimbukay ng usok na halos nagpaitim sa kalangitan, siguradong maraming apektado ang silab ng apoy sapagkat hanggang dito sa Kawit ay natatanaw. Napasinghap ako nang makita na muntik pang matumba dahil sa panghihina ang kaninang lalaki, mabuti na lamang at napakapit siya sa pasamano ng tulay.

Pumanaog ako upang mag-alok ng tulong kay Miong na ipinaliwanag sa akin ang sanhi ng kanilang reaksyon. "Naiintindihan ko, mukhang mas mainam nga po na pakalmahin muna natin sila lalo pa at tiyak na nag-aalala sila sa kalagayan ng kanilang pamilya. Tutulungan ko na si Inang sa paghahanda ng mga silid na kanilang tutuluyan."

"Hindi na bale, binibini. Magdalo, simulan na natin ang pagtatatag ng sangguniang balangay," pagsingit ng isang ginoo ngunit halata sa tono ng kaniyang pananalita ang panlulumo sa nasaksihang sunog. 

"Presidente Supremo, tiyak ba kayo sa inyong pasya? Kamuntikan ka nang mabuwal sa labis na pangangamba noong tinanaw mo ang look ng Maynila. Hindi naman tayo gahol sa oras." Nanlaki ang aking mata nang mapagtanto na si Ginoong Bonifacio pala ang aking kaharap ngayon. Kung gayon ay ang Katipunan pala ang bisita ni Miong, bakit hindi niya na lamang sinabi amin? 

"Kagyat nating simulan, aking batid na lalo lamang kaming makaabala sa iyong trabaho bilang kapitan-munisipal. Maraming salamat sa pag-aalok."

NAKATUNGANGA lamang ako sa harap ng aking tanim. Magagalit ba ako? Mamamangha? Magugulat? Matatakot?  Hindi ko na alam, kaya naman tulala na ako. Walong araw pa lang ang nakalilipas nang makasali siya. Ni hindi niya pa nga ipinaalam kina Hilaria, Tomasa, at Felicidad ang tungkol sa samahan, ngayon ay naririto na mismo sa kaniyang bahay ang Ama ng Himagsikan. Ayaw kong magpaliwanag sa kanila, siguradong hindi sila makabababa dito nang hindi nadadaanan ang despacho kung nasaan nagpupulong at sa antesala na pinaghihintayan ng ilang kasapi. 

Sa Harap ng Pulang BandilaWhere stories live. Discover now