XXVIX. Handaan

174 61 24
                                    

Balita ko ay kaming dalawa lang ni Felicidad ang sasama. Pero bakit apat kaming naririto? Si Felicidad, si Tomasa, pati si Hilaria na asawa ni Aguinaldo ay sumama sa amin dito sa Zapote. Kung alam ko lang na pati pala sila ay pupunta, nanatili na lang sana ako sa Kawit.

"Maligayang pagdating mga binibini." Pagkababa namin ay sinalubong agad kami ng sa tingin ko ay ang tita nila Tomasa at Felicidad.

"Magandang hapon po sa inyo, Tiya Marcela," sabay na bati ni Felicidad at Tomasa.

"Magandang hapon din sa inyo Tomasa, Felicidad. Maaari ko bang malaman ang ngalan ng inyong kasama?" sabi ng tita nila at tumingin sa amin ni Hilaria.

"Ito nga ho pala si Hilaria Aguinaldo ý Del Rosario, ang kabiyak ni Kuya Miong," pagpapakilala ni Tomasa kay Hilaria.

"Nabalitaan ko nga." Halatang sinusuri niya si Hilaria. Kinabahan naman ako nang dumako na sa akin anb kaniyang paningin.

"Ito naman po si Paulina Ramirez, ang aming kaibigan. Malaking tulong rin siya sa aming tahanan." Nagmano ako pagkatapos akong ipakilala ni Tomasa.

"Magsipasok na tayo sa loob. Mamayang gabi ay magkakaroon ng salu-salo sa tahanang ito kaya ihanda niyo ang inyong mga kasuotan. Dadalo ang mga ilustrado, mayroon ding mga mestizo at mga nabibilang sa pamilya ng mga principalia. Nasa wastong gulang na kayo ng pagkakaroon ng sariling pamilya."

Nakakawindang. Halatang hinahanapan talaga ng mapapangasawa itong magkapatid. Isang tingin pa lang sa mga dumalo ay malalaman na kaagad na hindi basta-basta ang kanilang karangyaan. Halata sa kilos nila na matataas ang antas nila sa buhay.

Dahil kasal na si Hilaria, tumabi ako sa kanya dahil umiiwas siya sa mga lalaki. Syempre, give way din ako dahil silang dalawang magkapatid naman talaga ang hinahanapan ng asawa. Wala rin akong interes sa mga ganitong bagay, lalo pa at hindi naman talaga ako nabibilang dito.

"Lina, anong nagaganap sa banda roon?" Sinundan ko ng tingin ang tinutukoy ni Hilaria.

"Tila isang kaguluhan," dugtong niya pa.

"Ako na po ang sisiyasat, manatili na lamang po kayo dito." Maingat akong lumapit sa pinanggalingan ng komosyon.

"Felicidad? Ano ang nangy-"

"Paulina, tama ba?" Napalingon ako at nakitang si Tiya Marcela pala ang nagsalita.

"Opo"

"Sinabihan ko na si Hilaria na mauna na sa silid. Alalayan mo na lamang si Tomasa at pagpahingahin siya."

"Masusunod po." Dali-dali akong kumilos. Inangat ko muna si Tomasa at tinanong kung mayroon ba siyang sugat na natamo o kahit ano mang masakit sa kaniyang katawan subalit mukhang maayos naman siya.

Habang pabalik kami ni Tomasa, nakita kong hinahandle pa ng tita nila ang mga bisita. Naiwan naman sa handaan si Felicidad.

"Mga binibini, maaari ko ba kayong tulungan?" Nakita ko namang tumango si Tomasa, at inalalayan na rin siya ng ginoo.


"Nakapang-iinit ng dugo ang Dolores na iyan! Nakita ko na siya ang tumulak sa iyo Ate Tomasa! Nang dahil lang natitipuhan ka ng kaniyang kapatid na si Feliciano Nable Jose, ipinahiya ka na niya!"

"Felicidad, maghunos dili ka. Ikaw ay isang dilag, hindi marapat na itaas ang iyong tinig lalo pa at hatinggabi na."

"Pero ate..."

"Huwag ka nang mag-alala,maayos lang ako. Halika rito, wala akong natamo ni isang galos."

Narito kami ngayon sa silid ni Tomasa. Katatapos pa lamang ng handaan. Pagkapasok na pagkapasok ni Felicidad ay nagsimula na agad siyang magpuyos dahil sa kaniyang nasaksihan kanina.

"Ang yabang talaga ng babaeng 'yon. Que se joda anak siya ng pinakamayamang negosyante sa Dagupan, wala pa rin siyang karapatan na magbuhat ng kamay sa iyo," mahinahong wika ni Fely ngunit may bakas pa rin ng inis sa kaniyang tono ng pananalita.

"Felicidad, magpahinga na kayo. Batid ko na nakapapagod ang handaan, at nakahahapo rin ang ating biyahe kanina. Gamitin mo ang oras na ito upang matulog. Pagpahingahin mo na rin sila Hilaria at Paulina." Bumuntong hininga si Felicidad, tanda ng pagsuko niya sa kaniyang Ate Tomasa.

"Mauuna na ho kami," pagpapaalam ko.

"Magandang gabi," sabi pa ni Hilaria bago ipinid ang pinto.

May sari-sarili rin kaming kwarto dito. Sa tingin ko ay walang anak ang tita nila. Kami lang ang tanging nanunuluyan bujod pa sa mga kasambahay at iilang manggagawa.



HABANG isinasalansan ang mga damit, inaalala ko ang nangyari noong nakaraang tatlong buwan. Pagdating namin ay nagkaroon agad ng hidwaan sa pagitan ni Felicidad at Dolores. Hindi man nila ipakita ay halata naman na masama ang tingin nila sa isa't isa. Si Felicidad na pinoprotektahan ang kaniyang Ate Tomasa, at si Dolores naman na pinoprotektahan naman ang kapatid na si Feliciano.

Hindi ko pa rin maisip kung bakit ginawa iyon ni Dolores kay Tomasa. Inapakan niya ang saya nito at tinulak sa likod upang ipahiya sa mga kalalakihan. Hindi ko naman masisisi kung bakit ganun na lamang katindi ang galit ni Felicidad.

Ngayong araw ay babalik na sa Cavite el Viejo sina Hilaria at Tomasa. Kung iisipin ay dapat lamang na manatili dito si Tomasa dahil mas maikli ang oras ng kaniyang paghahanap ng asawa kung ikukumpara sa itinagal ni Felicidad sa handaan. Subalit mapaglaro naman talaga ang tadhana. Ang ginoo na tumulong sa kaniya noon ay araw-araw din siyang binibisita.

Si Ginoong Lorenzo, ang tumulong na alalayaan si Tomasa noong panahong ipinahiya ito. Hindi na nakapagtataka kung bakit napakakalmado ni Tomasa kahit noong gabing iyon. Nagkamabutihan na pala ang dalawa.Iyon din pala ang rason kung bakit siya tinulak ni Dolores. Nalaman ng binibini naninibugho ang kapatid niyang si Feliciano kaya nagawa niyang gumanti.

Mabuti na lamang at hindi nagbago ang tingin sa kaniya ni Ginoong Lorenzo, bagkus ay lalo pa itong namangha sa kalooban ni Tomasa. Kahit na ipinahiya na ang binibini, mahinahon pa rin ito at hindi nagpapadala sa galit.

"Ginoong Lorenzo, ipagkakatiwala ko na sa iyo ang aking Ate. Ingatan mo siya"

"Felicidad, kung magsalita ka ay tila nakaharap na kami sa altar," biro ng ginoo.

"Doon rin naman ang inyong patutunguhan." Ngumiti si Tomasa bilang sagot sa sinabi ni Felicidad.Nasa tapat kami ngayon ng karwahe nina Lorenzo, Tomasa, at Hilaria. Babalik na sila ngayon sa Cavite el Viejo upang ipakilala sa kanilang ina si Ginoong Lorenzo.

Noong una'y pinipigilan pa sila ni Felicidad sapagkat nakaabot sa amin ang balita na naging isang pook ng mainit na labanan ang Kawit. Bilang isang tao na may alam sa sa kung ano ang naganap. Alam kong kahit papaano ay ligtas na roon ngayong Nobyembre. Panatag naman ang aking kalooban dahil kasama nila si Ginoong Lorenzo. Napatunayan ko na ang kaniyang katapatan kaya walang dapat ikabahala kung naririyan naman siya sa kanilang tabi.

Luminga-linga muna ako sa paligid bago bumulong,"Ginoong Lorenzo, mayroong bali-balita na hindi na raw ligtas sa Cavite. Nawa'y singtalas ng agila ang iyong pakiramdam nang makaiwas kayo sa nakaambang panganib." Alam ko naman na naiintindihan niya na ang aking tinutukoy. Hindi naman siya huli sa balita, bagkus ay kami pa ang unang nakaalam, bago pa maganap ang mismong sigalot.

"Huwag kang mag-alala. Nakasunod sa amin ang sampung Guardia Civil. Hindi man malapit sa paningin, siguradong naman na ginagawa nila ang kanilang tungkulin." Tumango ako bilang sagot. Totoo ito at nakita na mismo ng aking mga mata noong panahon na sinubukan kong lumabas nang madaling araw. Mayroon palang nagsumbong sa kaniyang Guardia Civil kaya sinundan niya ako noon.

"Ate Hilaria, Ate Tomasa, ipagdarasal namin na nawa'y ligtas kayong makarating sa ating tahanan," maluha-luhang saad  ni Felicidad at niyakap ang nakatatandang kapatid.

"Mag-iingat rin kayo Felicidad, Paulina. Huwag na kayong lalabas sa tirahan ni Tiya Marcela ngayong wala na si Ginoong Lorenzo upang masamahan kayo,", pagpapaalala sa amin ni Hilaria.

"Paalam," wika ni Ginoong Lorenzo saka tumango sa kutsero upang makaalis na.

Papasok na kami sa bahay nang makita kong huminto sa paglalakad ang aking kasama.

"Felicidad"

"Goyo"

Sa Harap ng Pulang BandilaWhere stories live. Discover now