XL. Porselana at Rosas

169 56 25
                                    

"Hindi ko na ba talaga mababago ang iyong isipan? Baka naman mapaano ka pa. Manatili ka na muna. Isang araw ka pa lamang nakapagpapahinga, Kuya Felipe."

"Kailangan ko nang umalis. Aking nabalitaan na ngayon paparating ang bapor lulan ang Señora Marcela. Hindi lamang iyon, mayroon sa aking mga kasamahan na mas malala ang kalagayan ng katawan. Kailangan ko nang pumunta roon upang magsiyasat," pagpapaliwanag ni Felipe habang inaayos ang kaniyang kuwelyo.

Noong nakaraang linggo ay pumunta sa Panay si Tiya Marcela upang alamin ang mga kaganapan at para na rin mapayabong ang kaniyang koneksyon sa mga kapwa principalia. Kaya naman isang linggo rin na pabalik-balik si Gregorio rito at nakikipagkita kay Felicidad. Tuwing pauwi ako galing trabaho ay madadatnan ko silang naghahalakhakan sa zalas.

Oo nga pala! May iniabot na liham sa akin si Felicidad. Ipinadala raw ng kaniyang Kuya Miong kay Gregorio. Malamang ay isa na naman ito sa mga balita niya na naglalaman ng kaganapan sa Katipunan.

"Mauuna na kami binibini, salamat sa iyong pagbabantay sa Coronel," sambit ni Ginoong Antonio saka isinara ang tarangkahan.

"Mag-iingat kayo." Sinundan ko sila nang tingin hanggang sa hindi ko na makita ang kanilang anino.

Papasok na ako sa loob ng bahay nang bigla akong tawagin ni Felicidad, mukhang kababalik niya lang galing sa tinutuluyan ni Gregorio. "Paulina! Halika rito, nakita ko ang Miong!"

Nasa likod niya ang apat na lalaki. Lalo siyang naging seryoso kung ikukumpara sa dating nakasama ko.
"Señor, magandang araw po."

"Magandang araw din sa iyo, binibini." Nakita ko na sinenyasan niya yung tatlong kasama niya na para bang sinasabihan na umalis muna sila.

"Halika na, pumasok muna tayo sa loob."

"Maghahanda lamang po ako ng agahan," suhestiyon ko upang makapag-usap muna ang magkapatid.

UMAKYAT muna ako sa silid na aking pinagtutuluyan at inayos ang mga gamit, hanggang ngayon dala ko pa rin itong bag. Mukhang magkakakaroon na ng silbi itong mga laman dahil si Aguinaldo na ang sasamahan ko.

Muli kong binasa ang mga sulat na ipinadala ni Miong.

"Ika-31 ng Agosto, ganap na ang pag-aaklas ng Kawit laban sa mga Kastila. Ikaw na muna ang bahala sa aking esposa at mga kapatid. Mag-iingat kayo riyan."

"Ika-1 ng Setyembre, pinangunahan ni Baldomerro na aking pinsan ang laban sa Imus habang ako nama'y nakatalagang mamuno sa Binakayan. Nabalitaan ko na pauwi na raw sina Hilaria at Tomasa, mag-iingat kayo riyan ni Felicidad. "

"Ika-11 ng Nobyembre, magkasunod na nagwagi ang Binakayan at Dalahikan. Nakarating na silang dalawa rito. Sa susunod ay ako naman ang bibisita sa inyo. Mag-iingat kayo riyan."

Nang matapos ko na pati ang dala ni Goyo, sinunog ko na gamit ang gasera dahil baka kung ano pa ang mangyari kung saka-sakali na may makakita nito. Narito na rin naman ang Señor, maari ko na lang siyang tanungin kung may nais man akong malaman.

Narinig ko ang magkakasunod na yabag ng paa papalapit dito kaya naman hinanda ko na ang aking mga dadalhin. Pipihitin ko na ang pinto nang mapahinto ako dahil sa mayroon akong narinig magsalita.

"Ngayon din ay pinababalik ako sa Cavite el Viejo, nag-aalala ako para sa aking nakatatandang kapatid. Goyo, dinggin mo sana ang aking hiling, bantayan mo ang kikitain niya, hindi maganda ang kutob ko." Kung hindi ako nagkakamali, ang nagsasalita ay si Felicidad.

Sa Harap ng Pulang BandilaWhere stories live. Discover now