LVII. Sagisag

306 22 23
                                    

"Felipe! Ang aga-aga, nang-iistorbo ka naman dito. Buong akala ko ay wala ka nang oras kaya natin hininto ang pagtuturo mo sa akin ng eskrima. Tila ayaw mo lamang pala akong makita."

"Aba! Kung anong sakit! Nag-aalala lamang ako sapagkat hindi pa tuluyang naghihilom ang iyong kamay. At isa pa, may maituturo pa ba ako sa iyo? Natutuhan mo naman na ang istilo na ginagamit naming mga Guardia Civil. Alam mo na rin ang istilo ng mga ilustrado sapagkat si Kuya Loreng ang nagturo sa iyo noon. Tila ayaw mo lamang akong pagpahingahin," humahalkhak na turan ng ginoo.

"Biro lang, ito naman. Mamayang hapon pa ang balik ng pangulo. Kung mayroon kang nais ipabatid, maari ko naman siyang sabihan pagkauwi." Umiling-iling lang ito saka nagpaalam na.

Dahil sa sagutan namin, naisipan ko na hasain ang aking mga natutunan noong panahon na tinuruan nila ako. Pareho itong pang-Kastila subalit malaki ang pinagkaiba ng bawat galaw. Sa di-kalayuan ay nakakita ako ng dalawang patpat, ang pinakamaikli ay halos isang dangkal, ang isa naman ay kalahating dipa. Mabuti na lang talaga at mabilis maghilom ang aking katawan sa tuwing ako'y nasusugatan. Hindi na gaanong masakit ang daplis sa aking kamay kaya naman madali na itong igalaw.

Espada y daga. Ito ang tawag nila sapagkat gumagamit ng tabak at punyal sa pakikipaglaban. Dahil galing sa mga ilustrado ang itinuro sa akin ni Ginoong Lorenzo, mabikas ang bawat pagbulusok ng espada. Kumbaga, parang sword dance ang dating dahil kaakit-akit ang porma nito.

Sa itinuro naman ni Felipe, mabilis at punto ang pagtarak ng patalim. Tila walang sinasayang na panahon at nakasentro sa pagkitil ang layunin.

Ginagamit ang pinakamahaba upang atakihin ang kalaban. Habang ang pinakamaikli naman ay nakasangga upang matiyak ang kaligtasan. Hindi lamang pang-itaas na bahagi ng katawan ang kumikilos. Pinakamahalaga pa ang ang galaw ng mga paa sapagkat ito ang kumokontrol sa pag-iwas at pagsugod. Maari din itong gamitin upang patirin ang kalaban, na magbibigay ng kalamangan.

"Riona, mawalang-galang na, subalit maari ko bang malaman kung ano iyong ginagawa?" Natanaw ko ang isang lalaki na may dala-dalang mga armas.

"Miling, ikaw pala iyan. Wala kasi akong magawa kaya naman binabalikan ko lamang ang mga itinuro sa akin," nahihiya kong sagot nang mapagtanto na nahuli niya ako. Hindi ba at kaalis niya pa lang? Bakit ang bilis niya yatang makabalik?

"Arnis? Tama ba? Subalit kakaiba ang pamamaraan."

"Eskrima ng Kastila po ang naituro sa akin." Inilapag niya ang bayong na naglalaman ng mga sandata, saka lumapit sa aking gawi.

"Batay sa husay ng iyong pagkilos, tantiya ko ay ilang buwan ka nang nag-eensayo subalit hirap ka pa kahit na kabisado mo ang bawat hakbang at ikot ng istilong iyan. Ibig kong makita kung paanong hawak ang madali para sa iyo." Tinitigan ko lamang siya dahil hindi ko maintindihan ang huli niyang sinabi.

Naglabas siya ng isang punyal at inabot ito sa akin. Itinabi ko muna ang dalawang sanga saka kinuha ang patalim.

"Ganito po ba?" tanong ko habang na inaalala itinuro sa akin ni Lorenzo. Tahimik niya lamang akong pinagmamasdan kaya hinayaan ko na lamang siya roon. Sa tagal kong nagsasanay, mas komportable talaga sa akin pabaliktad na hawak sa punyal.

Ibinulusok ko sa hangin ang aking hawak, mas mabigat ito kung ihahambing sa mga ipinagamit sa akin ng magkapatid na Salvatierra. Totoo ang ipinahihiram nila sa akin tuwing nag-eensayo upang hindi raw ako manibago kung sakaling kailanganin ko na.

"Nakuha ko na ang sagot sa aking katanungan. Alam ko na ang nababagay na sandata sa iyo. Maliksi ang iyong kilos at tila matatag ang iyong katawan. Ang aking ituturo sa iyo ay kung paano gamitin ang kutsilyo nang paganiyan ang hawak." Pagkabalik ko sa kaniya ng punyal ay agad niya akong sinabihan na hintayin siyang ipasok ang bayong dahil aalis kami.

HINDI ko inaasahan na ang aming patutunguhan ay pagawaan ng panday. Maraming nakasalansan na metal, mga kasangkapan, at may pugon sa dulong bahagi.

Huminto siya sa harap nito saka tumalungko. Pinaliyaban niya ang pugon at nagdagdag ng mga panggatong. Mula sa bigkis na iyon ay kumuha siya ng dalawang sanga. "Alin sa dalawa ang iyong natitipuhan?" saad niya habang inaabot ang mga ito sa akin upang suriin.

Ang una'y mas mapayat at magaan kung ikukumpara sa pangalawa na makapal at mabigat. Iwinasiwas ko ang bawat isa, una sa kanang kamay at ang susunod naman ay sa kaliwa.

Pinaikot ko pa ang mga ito bago sabihin kay Miling ang aking pasya. "Itong una po ay wasto ang sukat sa aking palad kapag ikinuyom ngunit masyadong magaan. Tama lamang ang timbang nitong pangalawa ngunit malaki kaya mahirap hawakan."

"Samakatuwid, nais mo na kasing kapal ng nauna ang puluhan subalit singbigat naman ng pangalawa ang kabuuan ng patalim?"

"Opo, pero para sa kaliwang kamay ay mas pipiliin ko ang nauna."

"Magkaiba ang bigat?"

"Kung magkasingtimbang ang gagamitin ko sa kanan at sa kaliwa, tiyak na mabagal ang aking mga paggalaw. Mahina ang aking kaliwa kaya sa aking palagay ay mas mainam ang magaan upang mapagkasabay ko ang aking kilos."

Nagpainit siya ng iilang metal sa huwad saka muling nagsalita, "Maari mo bang ituro sa akin ang iyong natutuhan? Iba ang istilo ng aming samahan kaya naman kung nais mo ay ituturo ko ito sa iyo."

"Maari naman po. Ngunit, sigurado po ba kayo na ipagbigay-alam niyo po sa akin ang paraan ng inyong pakikipaglaban? Hindi naman po ako kasapi." Paano na lang kung kalaban pala ako? Mabibilis yatang magtiwala ang mga Pilipino sa panahong ito. Dapat ay mag-iingat sila upang hindi sila maisahan ng mga magugulang.

Patuloy pa rin siya sa paghuhulma sa ginagawang patalim, tila walang nais na sagutin ang aking naunang katanungan. Pinanood ko na lamang siya sapagkat kamangha-mangha talaga ang kaniyang talento. Ilang oras din ang lumipas na ganoon lamang ang aming ginagawa.

Nang mapagpasyahan niyang ituloy na lamang bukas, inaya niya na akong umuwi. Habang naglalakad ay mabigat pa rin ang namutawing tensyon. Marahil hindi talaga ako maaring maging kasapi.

Naging ganito lang naman kami noong mabanggit ko na naman ang tungkol sa aking pagsali. Pinayagan ang aking mga kaibigan, ngunit ako ay hindi. Ano ba ang tunay na dahilan upang ako ay kanilang pigilan?

Muli na namang sumagi sa aking isipan ang liham nina Aguinaldo at ang sinabi ni Gregorio. Binalaan nila ako noon na maging listo, at huwag magtiwala kahit pa sa mga kakampi.

"Huwag kagyat magtiwala sapagkat hindi lahat ay malalaman sa isang paghaharap lamang."

Iyan lamang ang laman ng liham noong nagpaalam ako na mananatili sa poder ng Maypagasa. Ano ang ibig niyang sabihin?

Umiling-iling na lamang ako upang mawala sa aking isip itong mga agam-agam. Mas mabuti pa na maghanda na lamang ako sapagkat mayroon na namang simbang gabi mamaya.

Paakyat na ako sa aking silid nang bigla akong harangan ni Ginoong Macario. "Magandang gabi binibini, ipinapatawag ka ng Kataas-taasang Pangulo. Sasamahan na kita sa kaniya."

Nagugulihan ma'y sumunod na lamang ako sa kaniya. Hindi maganda ang kutob ko. Sana naman ay kinakabahan lang ako dahil sa aking mga naisip kanina, at hindi dahil may masamang mangyari.

Tahimik na sa buong paligid. Tanging yabag na lamang ng aming mga paa, at ang naghaharumentado kong puso ang bumibingi sa akin. Papalapit nang papalit ay siyang ring pabigat nang pabigat ng aking nararamdaman. Bakit ako ipinapatawag? May nagawa ba akong mali?

Nadatnan namin si Miling at ang Pangulo na matiim na nagtititigan.

"Maupo kayo," bungad sa amin ng Maypagasa. Sumunod kami ngunit wala pa ring kumikibo, para bang nasa harap ako ng hukuman at isang maling galaw ko lamang ay masisintesiyahan na ako.

Nagtanguan ang Pangulo at si Ginoong Macario, habang si Miling naman ay halatang hindi kaaya-aya ang nararamdaman. Gayunpama'y ang huli pa rin ang bumasag sa namumutawing katahimikan.

"Kung hahayaan kang maging kasapi, magiging maligaya ka ba sa iyong pasya?"

Sa Harap ng Pulang BandilaWhere stories live. Discover now