LI. Tuya

158 52 8
                                    

"Ka-Ilyong, napakagaling mo naman. Ikaw ba ang nagturo sa kaniya na ganoon ang sabihin kung mayroong parating na tao?"

"Hindi, siya mismo ang nagturo sa akin kung ano ang kaniyang ibig ipakahulugan. Noong papunta kami sa lunan ng unang kapatid nitong nakaraang linggo, sinabi niya sa akin na magbabantay na lamang siya sa labasan. At kung sakali man na mayroong patungo sa aming kinaroroonan, magbabanggit siya ng kahit na ano, basta pakinggan ko lamang ang sasambitin niyang numero upang malaman ko kung ilang tao ang papunta," pagpapaliwanag ni Miling.

"Tunay nga na malaki ang kaniyang tulong, kahit na hindi man siya lumagda sa kasunduan. Napatunayan na hindi niya tayo ipagkakanulo sa mga Kastila."

"Malaki rin po ang inyong tulong. Mabuti na lamang at naintindihan niyo ang aking ibig ipabatid. Pasensya na po at kinailangan niyo pang guluhin ang inyong tahanan. Mawalang galang na ho ngunit hindi ko ito ginawa upang mapatunayan na hindi ko kayo isusuplong sa Espanya, kundi dahil nais ko pong makatulong sa mga taong mayroong kaparis na prinsipyo sa akin. Kailanman ay hindi ko isisiwalat ang samahan," pagsingit ko sa kanilang usapan.

"Ano ka ba naman, ayos lamang iyon binibini. Isang maliit na bagay lamang kung ihahambing sa pagliligtas mo sa amin."

"Sigurado po ba kayo na hindi na ninyo kailangan pa ng aming tulong upang ayusin ang inyong kagamitan?" muli kong pagtatanong sa kaniya. Ginulo kasi nila ang loob ng kubo upang magmukha na mayroon silang hinahalughog. Tumanggi na siya kanina ngunit nais ko pa rin talagang tumulong.

"Maraming salamat sa pag-aalok, binibini. Kakayahin ko na ito, humayo na kayo dahil naghihintay ang iba pa nating mga kapatid."

NAPANSIN ko na ngayon ang pinakaabalang araw ni Miling. Hindi siya tumitigil kahit sandali man lang upang huminga. Ni hindi pa nga siya kumakain ng kahit na ano, maaga pa lamang ay gumanyak na kami. Wala namang problema sa akin dahil halos nakaupo o nakatalungko lang naman ako nang buong araw.

At kanina ay binilhan niya pa ako ng tanghalian at panghapunan. Nakakahiya nga dahil habang naglalakad ay ako lang ang kumakain. Nanghingi pa siya ng tawad sapagkat siya lamang daw ang inaalok kumain ng bawat taong aming pinuntahan.

Marami-rami pa kaming pinaroonan na mga tindahan at bahay. Dahil siguro hindi barrio, kundi sa mismong bayan ang look na iniatas ng pangulo kaya nama'y magkasunod-sunod ang kailangang hatiran ng balita.

Dapit-hapon na at maya-maya na lamang ay malapit nang mag-agaw dilim. Naalala ko na inalok pa nga ako ni Miling na ihatid niya na ako pauwi bago siya tumuloy ngunit nagpumilit ako na manatili dahil iisa na lang naman ang aming kailangang puntahan.

"Rio, halika at pumasok ka na sa loob. Madilim na riyan sa labas. At baka ka ginawin kung ikaw ay mananatili pa," paanyaya ni Miling habang nakadungaw sa pinto.

"Hindi na, ayos lang po, maraming salamat. Maghihintay ako kahit gaano pa man katagal ang abutin."

"Huwag ka nang tumanggi, hindi ka naman iba sa amin, iisa lamang ang ating adhika. Malaki ang aking tiwala sa iyo, batid ko na walang masama kung makikinig ka."

"Ngunit ang inyong usapan..."

"Hayaan mo na, pumasok ka na rito."

Sumunod na ako upang hindi na maaksaya pa ang kanilang oras. Nagpatuloy pa rin sila sa pag-uusap kahit na ako ay naririto, hindi kalayuan sa kanila. Rinig na rinig ko pa ang kanilang buong usapan. Ukol ito sa mga gagawing pag-atake ng kilusan, ang mga pangangalap ng armas at pagkuha ng salapi, pati ang pagpapadala ng katipon at sandata sa karatig bayan.

Ipinalibot ko ang aking mata sa loob ng kubo. Nagtama pa ang tingin namin ni Miling. Napansin ko na maya't-maya kung ako ay kaniyang sulyapan. Sa tingin ko ay nag-aalala siya, baka madaliin niya pa ang pag-uusap kung mapansin niya na hindi ako komportable dito. Masama rin ang tingin sa akin ng kausap niya, kaya minabuti ko na lamang na manatili malapit sa pinto.

Dahil hindi ko nais maging abala kay Miling, nilibang ko na lamang ang aking sarili sa pagdidikdik ng halamang gamot. Lagi na akong may dala-dalang almires simula nang malipat ako sa kinaroroonan nila Miling dahil mainam itong pampalipas oras at malaking tulong sa kanila ang aking mga magagawa. Mabuti na lamang at noong ako ay nakila-Felipe upang mag-ubos ng oras ay naturuan ako ng ibang kawal at mga kababaihan kung paano magdikdik ng halamang gamot at ano ang kailangang dahon sa bawat uri ng sugat o sakit. Kahit pa kakaunting oras lamang, sapat na iyon upang aking maalala at matutuhan lahat ng kanilang sinabi at ipinagawa sa akin.

"Mauuna na kami, Sempio." Sinimulan ko nang ayusin ang aking mga dala nang makita ko na tumayo si Miling.

"Sasamahan ko na kayo." Tumayo rin ang kaniyang kausap at naglakad patungo sa aking pinaroroonan.

"Hindi na kailangan, mapanganib ang gabi, mahihirapan kang makauwi." 

"Iyon na nga ang aking punto, lalo na at mayroon kang kailangang protektahan," wika ng kaniyang kausap at matalim na tumingin sa akin.

"Hindi siya ganoong klase ng binibini, kaya na niya ang kaniyang sarili," pagtatanggol naman sa akin ni Miling.

"Sigurado ka ba? Kung sasabihan ko siya na umuwi nang mag-isa, sa tingin mo ba ay magagawa niya ito nang hindi nangangailan ng tulong mula sa ibang tao?" nanunuya niyang tanong, wari ko'y hinahamon ang kaniyang kaharap.

"Sempio, binabalaan na kita, alalahanin mo ang nakasaad sa ating kartilya," mahina ngunit mabalasik niyang pagbibigay babala sa kaharap.

"Hindi ba sa iyo na mismo nanggaling na kaya na niya ang kaniyang sarili?" patuloy na pang-uuyam ng kaniyang kausap.

Sumingit na ako sa kanilang alitan sapagkat wala na itong patutunguhan kundi ang pagkakaroon ng sama ng loob sa isa't-isa. "Mga ginoo, hindi ko nais maging sanhi ng inyong di-pagkakaunawaan, tila kinasusuklaman din naman ako rito kaya naman ay aalis na lamang ako upang hindi na makaantala pa sa inyo."

Totoong umalis ako, pero hindi ako bumalik nang mag-isa dahil alam ko na mag-aalala si Miling. Siya ang tipo ng tao na hindi uuwi hanggang hindi nahahanap ang kaniyang kasama. Nagmasid ako sa paligid at walang magandang pagtataguan, mayroon din akong nakita na mga rumorondang Guardia Civil kaya wala na akong iba pang pagpipilian. Nagtago na lamang ako sa itaas ng puno, mabilis ko naman itong naakyat at hindi naman kataasan, ngunit magandang lugar upang hindi mahuli. Baka mapahamak sila kung sakaling mahuhuli ako rito. Mabuti na lamang at natuto ako dahil kay Dumangan.

Padabog na lumabas si Miling at luminga-linga sa paligid. Kamuntikan na akong bumaba, kung hindi lang sana sumunod ang lalaki na tinatawag ni Miling na Sempio. Lakad-tigil ang kanilang ginawa, malapit na rin sila sa puno na aking kinaroroonan kaya mas malinaw kong naririnig ang kanilang bangayan.

Umismid ang kaniyang kasama bago magsalita,"Wala na siya, sa tingin mo ba ay nadakip na siy-"

"Sempio, itikom mo ang iyong bibig kung hindi mo nais mapunta sa Camara Secreta," maaskad na singhal ni Miling bago nilampasan si Sempio.

Patuloy pa rin sila sa pagtatalo kaya naman hindi na nakapagtataka na hindi nila napansin na lumapit ang isang Guardia Civil sa kanila. Pareho silang hinawakan sa bisig ngunit nagpupumiglas ang dalawa.

Naku naman, hindi ko maintindihan kung bakit pero ang lakas nga talaga ng hatak ng swerte ko ngayon. Pasalamat sila at marami akong koneksyon. Inayos ko muna ang aking saya saka lumundag pababa. Natigil ang sigawan at halata ang pagkagulat sa kanilang mukha nang makita akong sumulpot sa kanilang harapan.

"Felipe, pakawalan mo sila," sambit ko habang pinapagpag ang aking kasuotan.

"Binibining Riona, ano pa ang iyong ginagawa rito?" Bakas sa mukha nilang tatlo na sila ay nagulumihan at ang pagkagitla. Malamang sa malamang ay walang tao na nasa kaniyang tamang pag-iisip ang hindi magtataka kung bakit nagtatago sa itaas ng puno ang isang babae.

"Sa susunod na tayo mag-usap. Nabalitaan ko na mayroon daw hinahanap na erehe, magpumilit pa ang iyong mga kawal na pumasok sa loob ng aking tinutuluyan. Totoo ba ang kanilang dahilan o isa lamang ito sa kanilang paraan upang halughugin ang bawat tahanan?"

"Hindi ko maaaring sabihin, patawad," walang pag-aalinlangan niyang sagot.

"Kung hahayaan kita na sila ay ipadakip, sasabihin mo ba sa akin ang dahilan?"

»»——⍟——««
MASS UPDATE muna dahil ilang araw akong mawawala upang mangalap ng mga datos para sa susunod na mga kabanata. Maraming salamat mga mahal kong mambabasa. Hanggang sa muli.

Sa Harap ng Pulang BandilaTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon