XV. Pagkakawangki

310 56 14
                                    

A/N: 12" x 12" Acrylic Paint on Canvas (12/13/2020), check Media.

Alay sa kaarawan ng pangunahing tauhan ng akdang ito.



"Dumangan" Katulad ng una naming pagkikita, nakatunghay na naman siya sa kaniyang aklat na binabasa. Tila ba napunta siya sa mundong iyon at bahagi na ng kuwento. Mukhang hindi niya ako napansin sapagkat hindi man lang niya iniangat ang kaniyang tingin, kahit pa tinawag ko na siya. Tumalungko ako sa kaniyang gilid at nakibasa sa kaniyang aklat ngunit hindi ko maintindihan ang nakasulat. Hindi kasi Tagalog ang ginamit na wika. Mukhang interesadong-interesado siya kaya naman pati ako ay naiintriga kung bakit ganun na lamang siya kawili sa libro.

"Huh? Ano raw? Tungkol saan iyang binabasa mo, Dumangan?" 

"¿Binibini Idianale, cómo está usted?" Napanganga lang ako dahil wala akong maintindihan sa kaniyang sinabi. Hindi ko inaasahan na marunong din pala siyang magsalita sa wikang iyon. Kung sabagay, ganoong lenguwahe rin naman ang kaniyang aklat.

Kamot-ulo akong nagtanong sa kaniya, "Po? Pasensya na, hindi ako nakauunawa ng wikang Kastila."

"Kumusta ka na Binibining Idianale? Itong aklat ay El Judío Errante, sa Tagalog ay Ang Hudyong Manlalakbay. Ang sipi nito sa Pranses ay nabasa na rin ng tanyag na ilustrado at manggagamot na si Doktor Rizal," wika nito saka tumayo at ipinagpag ang sarili. Sa hindi malamanag kadahilanan ay bigla na lamang siyang nagtanggal ng suwelas at inakyat ang puno ng sampaloc sa gawing kanan kung saan nakaharang ang isang pader.

"Hala! Bata ka pa! Huwag mong gagawin iyan!" pabiro kong sambit ngunit nalilito talaga ako kung anong balak niyang gawin. Hindi ko alam kung anong sumapi sa kaniya at bigla na lamang siyang naging unggoy. Siguro ganito rin kalito ang mga tao sa tahanan nina Aguinaldo noong naging isda ako na sumisid sa rumaragasang ilog.

"Magbabantay lamang ako, binibini. Es difícil, puede que nos atrapen." Hindi ko na nga maintindihan ang kaniyang sinabi nang mag-Espanyol siya, lalo pa akong nahirapang pakinggan sapagkat parang may nakaharang sa kaniyang bibig na nagpahina sa kaniyang boses. 

"Ginoo, may nakasaklob ba sa iyong bibig? Hindi ako nakauunawa ng lenguwaheng iyong ginamit at hindi ko rin marinig ang iyong sinasabi. Saka huwag ka nang mag-abala na tawagin akong binibini. Ayos na ang Idianale," sambit ko saka sumandal sa pader upang makapagtago gaya ng kaniyang ginawa. Hindi naman ako nag-trespass dahil pinapasok naman kami, pero hindi rin maganda na makita akong nakatambay sa paaralang hindi ko naman pinapasukan.

"Hindi ka nakaiintindi ng Kastila? Higit na nakasanayan ko ang lenguwaheng yaon. Bagaman marunong ako ng Tagalog, hindi ko matatagurian ang aking sarili na bihasa dito." Akala ko ba hindi siya nanggaling sa marangyang angkan? Bakit kaya mas magaling pa siya sa pagsasalita ng wika na itinuturing na pangmayaman lamang?

"Ginoo, simula noong ikaw ay bata pa lamang, mas magaling ka na sa ibang wika? Ang galing mo naman! Sino naman ang nagturo sa iyo?"

"Aking natutuhan sa pamamagitan ng pagbabasa ng iba't ibang mga aklat sa tahanan ng aking Tiyo Dizon noong ako ay nakititira sa kanila. Sa paghahangad na makatuklas ng bagong kuwento, pinag-aralan ko ang Kastila. Nahasa ito nang magamit ko na sa pakikipagtalastasan noong nag-aaral na ako sa Letran. Napalalim ko rin nang malipat ako sa paaralaang ito, ngunit hindi nagtagal ay nanahimik na lamang ako sapagkat aking batid na hindi nais ng aking kapwa estudyante na sila'y aking nahihigitan, gaya nga ng sinabi mo sa akin kahapon." Sa kabila ng kaniyang pinagdaraanan, hindi pa rin siya sumusuko. Akala ko kahapon ay ang pagiging kapos sa palad at ang nambubuskang kamag-aral lamang ang kaniyang tanging problema. Hindi ko inaasahan na simula noong bata pa pala ay mayroong na siyang suliranin.

"Dumangan, kung masasaktan ka sa aking tanong ay maaari mo namang piliin na huwag itong sagutin. Mawalang galang na subalit, ano ang nangyari sa iyong magulang? Bakit hindi naroon ka sa bahay ng iyong kamag-anak?" pabulong kong tanong dahil nag-aalinlangan ako na baka may matapakan ako na makapagsisiklab ng masalimuot na nakaraan. Hindi ko sigurado kung narinig niya ba ang aking sinabi o hindi, ngunit ngayon narinig ko na ang aking sariling tanong, mas mainam pa yata na hindi niya na lang sana ito narinig. 

"Yumao ang aking ama ilang araw matapos ako'y isinilang. Naintindihan ko na mahirap iyon sa aking ina kaya niya ako nagawang ipaalaga muna sa kaniyang nakatatandang kapatid, ang aking Tiyo Dizon. Ilang buwan lang naman iyon at kagyat naman akong binawi ni inay bago pa man ako magkaroon ng ala-ala sa mundong ito, ngayo'y magkasama na kami sa iisang bubong." Dahil nasa mataas na sanga siya, hindi ko makita kung ano ang kaniyang emosyon habang nagbabahagi ng kaniyang nakaraan. Hindi ko rin mawari kung ano ang kaniyang nararamdaman kung ibabatay ko lamang sa kaniyang tinig, parang hindi naman kasi siya naapektuhan. 

Tanging katahimikan ang namutawi sa aking mga labi kaya muli siyang nagwika,"Nagtatrabaho ang aking ina bilang isang cigererra. Sa pag-uwi ay mamamataan ang pagkahapo sa kaniyang mga mata datapwat sa pagngiti ay hindi pumapalya. Ako na ang kusang gumagawa sa mga dapat gawain sa tahanan dangan hindi ko nais na maantala ang kaniyang pagpapahinga." 

Pinaghalong simpatiya at galak ang aking naramdaman sa kaniyang sinabi. Nakalulungkot ang kaniyang dinanas noong sanggol pa lamang siya. Nakatutuwa sapagkat hindi matagal ang oras na nawalay siya sa kaniyang ina, bagaman wala na ang kaniyang ama.  "Halos magkapareho lang pala tayo, Dumangan. Ako rin ang nakaatas tapusin ang mga gawaing bahay, lalo na at tanging si ama lamang ang kasa-kasamang magulang sa tirahan. Ang aking kuya ay tumutulong, magkahati kami sa mga trabaho habang ang aming itay ay naghahanap-buhay."

 Hindi na talaga ako magtataka kung bakit magaan ang loob ko sa kaniya. Panay pagkakatulad ang aking napapansin simula kahapon pa, noong unang beses kaming nagkausap. Ang pinagkaiba lang namin ay hindi ko pa nararanasang maapi ng aking mga kaklase, o baka wala lang akong maalala. Kadalasan kasi ay wala akong pakialam sa aking paligid. Kung tutuusin ay nakaiinggit nga ang taglay niyang walang kapantay na karunungan. Tunay nga na ang bawat paghihirap ay mayroong kaakibat na gantimpala.

Muli na namang namagitan ang kahinahunan ng hangin sa pagitan naming dalawa. Sinubukan kong tingalain siya at nakitang nakatitig siya sa akin, subalit alipalang nagtakip ng aklat nang magtagpo ang aming mga mata. Halos hindi na ako makahinga sa katatawa nang makita ang kaniyang inasal dahil lamang nahuli ko siyang nagnanakaw ng tingin sa akin, na kalauna'y kaniyang sinabayan na rin. 

Matagal-tagal pa kaming nag-usap at namalayan ko na lang na nag-iikot na si Jose at balisang lumilinga na parang naghahanap ng pusa. Tatayo na ako upang lapitan siya ngunit napaluhod ako sa lupa. Nanginginig kong sinubukan na muling tumayo, muli na naman akong nabigo.

"Idianale! Mayroon bang masakit sa iyong katawan?" Matulin na nilundag ni Dumangan ang aking kinaroroonan saka inalalayan ako sa pagtayo. Nanghihina ma'y napatawa pa rin ako nang makita na nakabalot ng tela ang kalahating bahagi ng kaniyang mukha. Balak niya bang mang-holdap?

"Salamat," iyan na lamang ang tanging salita na kinaya kong bigkasin. Nanlaki ang kaniyang mata saka binunot ang isang bagay mula sa kaniyang bulsa. Nagtataka ko namang tiningnan ang kaniyang iniabot sa akin.

"Heto, baunin mo ang tupig nang ika'y magkalakas." Bago ko pa man tanggihan ang kaniyang binigay, naglaho na siya sa aking paningin. At paglingon ko ay tumambad sa akin ang naiinis na mukha ni Jose. Naghanda na ako na mapagsabihan ngunit umawang lamang ang kaniyang labi saka muli itong itinikom. 

Nag-aalinlangan siyang nagwika, "Halika na binibini, mauwi na tayo. Nangangatog ka na dahil sa pagkahapo."  Tumango ako bilang sagot saka sumunod sa kaniya palabas ng paaralan. Dahil sa aking kalagayan, nahuhuli na ako sa paglalakad. Lingid sa kaalaman ni Jose, ako ay kaniyang naiiwanan na. 

Nakakainis talaga! Bakit ba tuwing ako'y nagugutom, kailangan pati ang aking katawan ay manginginig? Habang nilalantakan ang inabot sa akin ni Dumangan, naisipan kong takbuhin na si Jose sapagkat halos dalawang dipa na ang layo namin sa isa't isa. Kamuntikan na akong makabangga ng kalesa ngunit naramdaman ko na lamang na may humatak sa aking braso at sinalo ang aking baywang. Muling kong nasilayan ang kakisigan ng ginoo na nagtataglay ng  mahabang buhok na singitim ng karimlan.

"Idianale, ingatan mo ang iyong sarili gaya ng pag-iingat ko sa singsing ng iyong ina. Hanggang sa muli." 



Sa Harap ng Pulang BandilaWhere stories live. Discover now