LVI. Mensahe

110 30 4
                                    

"Sige banat pa. Kapag hindi pa kayo tumigil, kayo na ang sunod na mababanatan," paninita ko sa dalawang babae na kanina pa ako kinukulit.

Hinatid ko si Felipe sa silid ng pangulo at sakto naman na napadaan itong dalawa. Kaya naman kanina pa nila ako tinatadtad ng tanong kung bakit ko raw pinagtataksilan ang tanging ginoo na tapat sa akin. Hanggang sa labas ng bahay ay hindi talaga nila ako tinatantanan.

"Maaari bang tigilan niyo na nga ang panunukso sa amin ni Miling, naaabala niyo na siya. Hindi niyo man lang ikinokonsidera ang kaniyang damdamin."

"Wala naman kaming pake sa kanya," matalas na sagot ni Claire.

"Ilang beses niya na rin kami pinagsabihan pero titigil lang kami kapag sa'yo na nanggaling," kibit-balikat na sabi ni Sam.

"Iyon naman pala! Sinabihan na kayo ngunit hindi kayo titigil, ano na lang ang iisipin niya sa atin? Sa akin?"

"Lagi naman siyang galit sa mundo." 

"Ganito, isipin mo Claire, pinipilit kitang iparis kay Jm, matutuwa ka ba?"

"Kadiri! Ano ba yan Riona! Ni hindi ko nga siya tinuturing na kaibigan, ka-ibigan pa kaya?!"

"Eksakto! Ngayon naiintindihan mo na ang aking punto?"

"Oo na, titigilan na namin ang pang-aasar sa inyo ni Jacinto."

"Eww! As if namang papatol ako sa iyo." Sabay-sabay kaming tatlong babae na napatingin sa gawing kaliwa kung saan nanggaling ang tinig ni Jm. Katabi niya ay ang isa pang ginoo na kanina rin ay paksa ng usapan. Pareho silang nagbubunot ng damo, di-kalayuan sa aming kinatatayuan.

"Ka-Ilyong, Binibining Riona, ipinapatawag kayo ng Kataas-taasang Pangulo. Magtungo kayo sa kaniyang opisina." Kinuha itong tyantsa ng dalawang pahamak upang makatakas. Tumango si Miling saka nagbanlaw ng kamay. Nauna na akong pumasok ngunit nasabayan niya pa rin ako sa paglalakad. 

Napakadaya naman ng mga taong may mahahabang binti. Iniiwasan ko nga siya dahil alam ko na ganito ang mararamdaman ko. Sobrang nakakailang. Paksa, mga espirito ng daldalera't chismosang lapit-bahay. O tugunan niyo ang aking pagmamakaawa na bigyan ako ng kahit anong paksa na maaring bumasag sa katahimikan bago niya pa tanungin kung pinandidirihan ko ba siya gaya ng sinabi ng pahamak na si Claire.

'Ako ba? Hindi mo ba ako pinaghihinalaan? Kakakilala mo pa lamang sa akin.

Diyan ka nagkakamali, matagal na-'

"Ah! Noong papunta tayo kina Ginoong Apolonio, bago pa man tumakbo at hinagkan ako ni Clara, hindi ba at may sinasabi ka na tila, mayroon kang ipinapaalala sa akin?"

"Hindi mo ba talaga naaalala?" nanghihinayang niyang tanong saka nag-iwas ng tingin.

Ano ang ibig mong sabihin? Nagkakilala na ba tayo noon? Kaya ba magaan ang aking pakiramdam tuwing kasama ka? Ikaw ba talaga si Dumanga- hindi maaari, hindi ba at si Felipe at si Dumangan ay iisa? 

"Riona, halika at hayaan na nating mag-usap ang kapatid na Pingkian at ang Supremo." Naputol ang aking pag-iisip nang tawagin ako ni Felipe na kalalabas lamang ng silid. Nag-aalinlangan akong bumaling sa siwang ng pintuan ngunit tinanguan lamang ako ng Supremo. 


"Bakit ako naririto?" nagugulumihan kong tanong habang pinipilit ngumiti.

"Binibining Paulina! Hindi mo alam kung gaano katindi ang paghihinagpis ng aming puso nang mabalitaan na kami ay mawawalay sa iyong piling."

"Gabi-gabi tumatangis ang bawat isa noong malipat kami rito sa Banlat."

"Higit na malubha pa ang natamong sugat na sanhi ng pagsinta kaysa ang natamo noong pinasabog ang aming kuwartel sa Zabarte."

"Hinay-hinay lang po, nakikita ko naman na hindi pa lubusang naghihilom ang sugat ng iba sa inyo," pasuko kong saad nang makita kung gaano sila kagalak sa aking pagbisita.

Iginala ko ang aking mata sa bagong kuwartel ng mga kawal na hawak ni Felipe. Mas malaki na itong bago nilang tinutuluyan kahit pa mas maliit itong bayan na kanilang kinasasakupan.

Hindi pa rin nagbabago ang pakikitungo sa akin ng mga taong aking nakilala noong nagtatrabaho pa ako. Mainit pa rin ang pagtanggap nila sa akin kahit na sinabi ko na nagsinungaling ako at hindi naman talaga Paulina Ramirez ang aking totoong pangalan. Ipinakilala rin sa akin ni Felipe ang mga bago niyang tauhan na matagal nang gwardya sibil sa Banlat.

Mabilis lamang kami roon sapagkat may kukuhanin lang pala si Felipe. Isinama niya lang ako dahil napag-initan siya noong minsang mabanggit na dito na ako naninirahan at nakipagkita siya sa akin upang muling mag-ensayo sa paghawak ng mga patalim. Hindi ko inaakalang masyaa pa rin nila akong sasalubungin sa aming muling pagkikita.





"Ginoong Salvatierra, naririto ka na rin naman kaya samahan mo na kami na mananghalian," pag-aalok ni Maypagasa nang makabalik kami.

"Ri-Riona!" Pagbaling ko sa aking kaliwa ay sinalubong ako ng isang mahigpit na yakap galing sa binibini na tila balisa. Hindi ko alam kung anong nangyari subalit mahalaga na pakalmahin siya. Pinakawalan niya na ako kaya lumayo kami nang kaunti kina Felipe at ang Pangulo, saka ko siya tinanong kung anong problema. Tumingin ako sa itinuro niya at nakita ko na lumabas na rin sila Miling, Sam at Jm.

"Oh, anong mayroon sa kanila? Nag-away ba kayo?" naguguluhan kong tanong. 

"Tanga! Hindi mo ba naaalala kung sino ang gag*ng iyon?" mariin niyang bulong saka itinuro ang gawi ni Felipe.

"Anong nga? May ginawa ba siya sa iyo?"

"ZAPOTE! INILIGTAS MO KAMI NI JACINTO!" Napatakip ako ng tainga dahil sa pagsigaw ni Claire sa tapat ko. "Inabutan mo ng mamahaling panulat ang pari sa Zapote at iniligtas mo kami ni Jacinto mula sa kamay ng demonyong katabi ng Kataas-taasang Pangulo!" 

Nanlalaking mata akong lumingon sa mga tao na nasa likuran namin ni Claire. Hindi nila narinig ang huling sinabi ng aking katabi kaya halatang nagtataka sila kung bakit ganoon na lamang kung sila'y aking titigan. 

Naalala ko na. Nangyari iyon noong panahon na muli kong nakita si Gregorio. Tumakas ako upang mapag-isa sila ni Felicidad, ngunit hindi ko inaasahan na matatagpuan ko sila. Naalala ko pa ba pinagtitinginan ako ng mga tao dahil sa aking pagbahing ngunit iisang ginoo lamang ang nagbigay sa akin ng taklob. Marahil iyon ang tinutukoy ni Miling noong sinabi niya na nagkakilala na kami. Naaalala ko pa ang usapan namin, siya pala ang lalaking iyon! 

"Riona, may problema ba?" nag-aalalang tanong ni Felipe. Agad namang nagtago sa aking likuran si Claire nang makita na papalit ang ginoo.  Hinatak ko na muna si Felipe upang makalayo siya kay Claire. Hindi ko alam kung na-trauma ba siya, pero baka kung ano pa ang mangyari kung sakaling magtama ang kanilang tingin. Alam ko naman na ginagawa lamang ni Felipe ang kaniyang trabaho dahil mahalaga ito upang makakuha ng impormasyon na makatutulong sa samahan. Ngunit hindi ko rin naman masisisi si Claire sapagkat kamuntikan na siyang mabawian ng buhay noon.

"Pasensya na Felipe, pwede bang bumalik ka na muna? Isasalaysay ko na lang sa iyo ang lahat sa susunod nating pagkikita," bulong ko upang hindi marinig ng Pangulo na nag-aya sa kaniya.

"Ayos lang, naiintindihan ko," mahinahon niyang saad saka tinapik ang aking balikat. Bumalik kami sa tapat nina Maypagasa at Miling, nakita ko naman na nagtatago si Claire sa likod ni Jm at Sam habang matalim na sinusuri ang bawat kilos ni Felipe.

"Paumanhin Kataas-taasang Pangulo, subalit hindi ko mapapaunlakan ang iyong mabuting loob na pag-iimbita sa akin sapagkat marami pa ang kailangang asikasuhin sa kuwartel."

"Kung gayon ay sa susunod na lamang. Maraming salamat at ipinagbigay-alam mo sa akin ang balitang yaon."

"Maraming salamat din po sa inyong suporta." Bumaling sa akin si Felipe saka muling nagsalita, "Riona, ipinaaabot nga pala ng aking Kuya Lorenzo itong liham at singsing. Alam mo naman na kung saan ang kuwartel, pumaroon ka na lamang kung may sagot ka na. Maaari rin namang ipabigay mo na lamang sa mga madadaanang kawal sapagkat kilala ka na nila." Kinuha ko ang dalawang bagay mula sa kaniyang kamay. Hindi ko maintindihan kung bakit napasinghap ang aking mga kaibigan dahil lamang sa sinabi ni Felipe. Lingid sa aking kaalaman na halos lahat pala ng nasa tahanang iyon ay nasaksihan ang mga naganap dahil sa palahaw ng aking kaibigan.

Sa Harap ng Pulang BandilaWhere stories live. Discover now