XXXVIII. Limutin

140 56 16
                                    


"Paano mo nagagawang lihim na makipagkita sa lalaki? At sa dis oras pa mismo ng gabi!"

"Gregorio utaang na labas. Huminahon ka muna."

"Napakaluwag mo! Hindi ko nais magkaroon ng ganiyang klase ng babae sa aking paligid."

"Ano ang iyong ang ibig mong sabihin?"

Nanatili lamang siyang tahimik kaya muli akong nagsalita. "Tama ba ang aking narinig?"

Tila hangin lamang ang aking kinakausap kaya naman lingid sa kaalaman ko na naibulobg ko naa pala ang aking damdamin. "Napakababa naman pala ng tingin mo sa akin. . ."

"Paulina, bahala ka! Pinuputol ko na lahat ng ating ugnayan. Kailanman ay wala na akong kilalang Paulina Ramirez sa aking buhay."

"Gregorio. Pag-usapan natin ito. Ano ba ang iyong problema? Bumalik ka rito. Gregorio!"

"Sandali lang, huwag kang umalis..." Hindi ko na napigilan ang pagtulo ng luha mula sa aking mga mata. Ito ang unang beses kong umiyak sa panahong ito.

Hindi, kahit noong nasa modernong panahon ako, wala rin akong iniiyakan. Kahit noong umalis ang aking ina, noong nasira ang aming pamilya, noong panahong palagi akong nag-iisa at nalugmok sa napakaraming problema, kailanman ay hindi ako tumangis.

Sa dalawang taon kong pamamalagi sa panahong ito, kahit ang pag-iisip na baka hindi na ako makabalik ay hindi ko iniyakan. Dahil sa kaniya, dahil lagi siyang nariyan sa aking tabi, nakalimutan ko nang isipin ang aking mga suliranin.

Kung hindi dahil sa pangungulit niya, baka hanggang ngayon ay hindi ko pa rin sinubukan na pagkatiwalaan ang mga taong nagbigay sa akin ng tulong. Nang dahil sa mga pang-aasar niya, natuto akong sabihin lahat ng aking saloobin. Kung wala siya, sigurado ako na hanggang ngayon ay kinikimkim ko pa rin lahat ng mga nararamdaman ko.

Ipinaramdam niya sa akin ang magkahalo-halong galit, saya, lungkot. Ipinakita niya sa akin na dapat ay araw-araw, wala akong sasayangin ni isang segundo sa paggawa kung ano ang nagpapasaya sa akin. Siya ang naging halimbawa na dapat akong lumipad sa abot ng aking makakaya bago pa man ako maigapos ng mga nakapaligid sa akin. Siya ang naging daan upang makayanan kong mabuhay sa panahong ito.

"Paulina? Ano ang nangyari sayo? Nakarinig ako ng sigawan, kaya nagmamadaling lumabas ako upang tingnan kung ano ang nangyayari."

"Ate Felicidad..."

"Si Gregorio ba ang naghatid sa iyo? Ano ang nangyari? Halika na at pumasok na tayo sa loob upang mahimasmasan ka."

SIMULA nang gabing iyon ay inabala ko na ang aking sarili sa paghahanap ng panibagong pagkakakitaan kaya naman lagi kong nakakasalubong sa bayan si Felipe.

"Binibini? Naririto ka na naman, ano ba ang iyong pinagkakaabalahan? Tila napakaseryoso ng iyong pagkatao nitong mga nakaraang araw."

Oras na ng pananghalian, sa halip na kumakain ay naririto siya at nakikipag-usap sa akin. Sinabi niya naman na isang oras ang pahinga nila kaya kinausap ko na siya dahil masasayang pa ang oras kung sakaling pinilit ko siya na kumain muna.

"Ginoong Felipe, naghahanap lamang ako ng trabaho." Nakita ko ang pagkagitla sa kaniyang mukha. Hindi na nakapagtataka, walang babaeng may koneksyon sa mga matataas na estado ang magkukusang hahanap ng trabaho.

"Ano? At bakit naman? Kung salapi lamang ang iyong kailangan, huwag ka mag-atubili na manghingi sa akin."

"Salamat sa pag-aalok subalit hindi salapi ang rason kung bakit nais kong magtrabaho. At kung saka-sakaling iyon ang rason, hindi ko rin magagawang kuhain na lamang ang hindi naman galing sa aking sariling kakayahan," pagtanggi ko dahil hindi ko naman talaga kailangan ng pera.

"Oo nga pala, kahit na wari'y malamlam ka nitong mga nagdaang araw, ganoon pa nga rin pala talaga ang iyong pagkatao. Mayroon bang hindi kaaya-ayang pangyayari? May kinalaman ba ito sa iyong pagkakasasa na maghanap-buhay?"

"Nais ko lamang makalimot," mahina kong sambit.

"At ang paraan na iyong naisip ay ang abalahin ang sarili?"

"Ganoon na nga." Nasapul niya agad ang dahilan ko.

"Ano ba ang mga iyong mga kakayahan? Hindi kami naghahanap ng trabahador subalit malaking tulong kung mayroong tao na maglilinis ng aming kuwartel."

"Kaya ko rin ang paglalaba at pagluluto," pagmamalaki ko pa sa kaniya.

"Mas mainam! Kailan mo ba nais magsimula?"

"Kahit ngayon mismo ay kaya ko n-"

"Sandali lamang binibini. Nagpaalam ka na ba sa iyong mga magulang? Hindi ba at nabibilang ka sa principalia? Noong nakaraan ay aking napansin na kila Señora Marcela ng mga Aguinaldo ang iyong pinanunuluyan," pagpuputol niya sa aking nais sabihin.

"Wala akong magulang, nakikituloy lamang ako sa pamilya ng mga Aguinaldo, sa Cavite el Viejo." Napansin ko naman na parang lalong sumeryoso ang ekspresyon nito sa mukha nang sabihin ko na wala akong magulang.

"Kung gayon ay higit na mahalaga ang iyong pagpapabatid sa kanila ng iyong nais gawin. Sasamahan na kita, ako na ang magpapaliwanag."

Hinatid na muna ako ni Felipe pauwi. Sinabihan niya ako na pagkatapos daw ng kaniyang trabaho ay makikipag-usap siya kay Tiya Marcela at hindi niya naman ako binigo. Pagkatapos ng mahaba-habang usapan ay napapayag niya ito. Ngayon ay pinapaliwanag niya sa akin ang aking dapat gawin sa trabaho pati na rin ang mga kondisyon na ibinigay sa kaniya ni Tiya Marcela upang pumayag ito.

"Bukas ang simula ng iyong trabaho. Sa ganap na alas otso ay susunduin kita dito mismo sa entrada." Dahil sa narinig ko ay tiningnan ko kung anong oras na gamit ang pocketwatch na binigay sa akin noon ni Gregorio.

Si Gregorio. . .

"Binibini, hindi ko alam na ikaw pala ay mayroong sariling orasan at marunong basahin ito. Hindi ko nga rin nalaman ang iyong ngalan. Nalaman ko lamang nang banggitin ito ni Señora Marcela."

"Eh? Hindi ba ako nakapagpakilala sa iyo? Akala ko ay batid mo na dahil lagi tayong magkausap."

"Lagi nga tayong nag-uusap ngunit binibini lamang ang aking pantawag sa iyo, samantalang lagi mo akong tinatawag na Felipe."

"Paumanhin sa nagawa kong kahamakan, Señor Felipe." Narinig ko na napahalakhak siya dahil sa aking turan.

"Hindi iyon ang ibig kong sabihin. Maaari mo naman akong tawaging Felipe tulad ng iyong nakasanayan."

"Hindi na po, walang galang kung sa iyong ngalan lamang."

"Ikaw na ang bahala, kahit ano ay ayos lang naman sa akin, basta ba at huwag mo lamang gagamitin ang mga napakapormal na pantawag."

"Kuya!"

"Pupwede na. Oh sya, aalis na ang iyong kuya. Magandang gabi." Tumango ako bilang sagot at nginitian din siya pabalik.

Magkapatid talaga itong si Ginoong Lorenzo at si Kuya Felipe, parehong palangiti, lagi rin nila akong tinutulungan. At pareho ding nakakatakot kung magseryoso.

Tinitigan ko ang hawak ko na pocketwatch. Mukhang kahit anong gawin ko, hindi ko talaga magagawang maalis siya sa aking isip.

Gregorio, bakit ba nangyari sa atin ito?

Sa Harap ng Pulang BandilaWhere stories live. Discover now