IX. Alcoba

415 104 51
                                    

Naalimpungatan ako dahil sa maraming magkakasunod na katok na aking narinig.

"Gregorio? Ako ito, papasok na ako."

Tinig ng isang babae? Sino naman kaya iyan?

"Gregorio?"

Gabing-gabi na ah? Bakit hinahanap niya pa ang lalaking iyon? Saka maling kwarto ang napuntahan niya. Nananaginip lang ba ako?

"PAULINA?!"

Ngh. . . sino ba iyan? 'Kitang natutulog ang tao, istorbo naman.

"Paulina? Anong ginagawa mo rito? Hindi ba ito ang silid ni Goyo? Nasaan siya? Bakit nariyan ka sa kaniyang kama?" sunod-sunod niyang tanong kahit hindi pa ako nakababangon.

"Felicidad?" sambit ko habang inaaninag sa dilim ang aking kausap.

"Oo, ako nga. Ngayon ay sagutin mo naman ang aking mga katanungan."

Paano na ito? Hindi ko alam kung paano ko sasagutin ang tanong niya. Baka magalit pa siya sa akin kapag sinabi ko ang totoo na kung ano-anong kalokohan ang ginawa ni Gregorio. Hindi ko naman namalayan na nakatulog pala ako sa kwarto ng mokong na iyon.

"Napagod yata siya sa byahe dahil hindi na namalayan na maling silid ang kaniyang napasukan. Hindi ko naman nais na gambalain pa ang kaniyang pagpapahinga kaya hinayaan ko na lamang siya sa aking kwarto," pagpapalusot ko, sana umubra.

"Subalit, bakit ka naririyan sa kaniyang higaan?"

"Pasensya na, wala akong susi sa ibang kwarto kaya dito na lamang ako nanatili. Hindi ko inaakala na makakatulog pala ako habang hinihintay siyang magising," sagot ko habang sa loob-loob ay nananalangin na sa lahat ng pwedeng pagdasalan. Ayaw ko maging rason para magkaroon sila ng hindi pagkakaunawaan.

Tumayo na lamang ako at tumapat sa pinto ng aking silid. Naramdaman ko namang nakasunod siya at kinuha ang lamparang dala-dala. Wala kaming namataang Gregorio sa aming pagpasok.

"Akala ko ba ay naririto siya?" nagtatakang lumapit sa kama si Felicidad at ganoon din ang aking ginawa.

"Ako ba ang inyong sadya?" Sabay kaming napatingin sa labas ng silid nang marinig ang kaniyang tinig.

"Goyo! Kanina pa kita hinahanap," malambing na bigkas ni Felicidad saka nilapitan si Gregorio.

"Mukhang nagkasalisi tayo Binibining Felicidad. Ako ay pumitas ng mga bulaklak sa hardin upang ibigay sa iyo, subalit wala ka sa iyong silid," sagot ng lalaki sabay abot ng bulaklak sa babae. Halatang nahihirapan si Felicidad sa pagpigil ng kaniyang ngiti, nagmukha tuloy siyang nadudumi na ewan. Mabuti naman at nawala na sa kaniyang isip ang tungkol sa akin.

Dahil mukhang nakalimutan na nila ako, umupo na lang ako sa kama habang nakatitig sa kanila at umaasa na aalis na ang dalawa. Tila nanonood ako ng sine dahil sa aking nasasaksihan. Kung nakamamatay lang talaga ang tingin. Nakaharang kasi sila sa pintuan, hindi ko tuloy maisasara ang pinto. Inaantok pa naman ako at hayok na hayok nang makabalik sa pagtulog.

"Oh siya sige na Binibining Felicidad, sasamahan na kitang bumalik sa iyong silid upang ikaw ay makapagpahinga na. Lumalalim na ang gabi."

Mabuti naman at natauhan na itong lalaki. Agad kong isinara ang pinto pagkababa nila. Ngunit wala pang ilang minuto ang nakalilipas, narinig ko na ang pabukas na kalabog ng pinto sa aking silid. Kakapikit ko pa lamang pero napabalikwas na agad ako dahil sa isa na namang istorbo sa buhay. Sino na naman ba ito? Hindi talaga nila ako hahayaang makatulog?

Sa Harap ng Pulang BandilaWhere stories live. Discover now