37

59 11 1
                                    

Chapter's Theme Song: Goodbye by Air Supply


Chapter 37

2019 | Philippines


"Narito na tayo Juliet. Nakabalik na tayo sa 2019."

Nang maramdaman ko ang dahan-dahang pagtigil ng pag-ikot ng paligid, unti-unti ko ring iminulat ang mga mata ko. Matapos maging maliwanag sa akin ang lahat, kusa akong napahagulhol nang matagpuan ang sarili ko dito-sa loob ng kwarto ko mismo.

"Nagbalik na tayo sa panahon mo Juliet," sambit ni Eda saka ako inalalayan paupo sa kama ko. Nandito na nga kami at naiwan doon si Estefanio...

"P-paano sina Estefanio?" pilit kong tanong kahit na naiiyak pa rin ako. Kahit na gusto ko nang lumabas at makita ang pamilya ko hindi ko magawa, dahil iniisip ko pa rin ngayon kung ano na ang maaaring nangyari sa mga naiwan sa 1996-lalong-lalo na si Estefanio.

"Huwag kang mag-alala Juliet, makakalimutan din nila ang lahat ng nangyari at nakita," aniya. Napayakap na lamang ako sa mga braso niya habang umiiyak.

Akala ko magiging madali lang ang magpaalam at bumalik sa totoong panahon ko, pero hindi pala talaga, lalo na't alam kong may tao akong iniwan na umaasang bumalik ako.

"Huwag ka ng malungkot Juliet sa mga nangyari," mahinang sambit ni Eda. "Lahat ng nangyari may dahilan, at kung masakit man ito sa'yo ngayon, mawawala rin ito dahil pati sila makakalimutan mo..."

Kumalas ako sa pagkakayakap kay Eda saka siya tinitigan. "Patas ba 'to Eda? Hindi ba dapat akong magdusa sa sakit at kalungkutan dahil ito ang naging disesyon ko? Ayoko silang makalimutan...ayokong mawala siya sa isipan ko. Mas pipiliin ko pang masaktan ng panghabang buhay kaysi kalimutan ang taong nagmahal sa'kin ng lubos."

Malungkot niyo akong tinitigan saka dahan-dahang hinaplos ang buhok ko. "Juliet, kailangang mangyari 'to. Ito ang kasunduan sa unang kahilingan mo. Hindi nila tayo pwedeng maalala at hindi mo sila pwedeng maalala dahil gugulo lang ang lahat. Para rin ito sa inyo..."

Wala na akong nagawa kundi umiyak na lamang sa kaniya. Gusto kong kontrahin si Eda pero hindi ko magawa. Kung ako lang ang masasaktan, ayos lang sa akin pero ang isipin na pati ang mga taong hindi dapat madamay sa ginawa kong kahilingan ay masasaktan, parang hindi ko kaya.

"Juliet...aalis na rin ako. Ibigay mo na ang ikatlo mong kahilingan."

Napahagulhol ako nang mas malakas. "Eda, k-kahit ikaw na lang, m-manatili ka na lang..." pagsusumamo ko sa kaniya.

"Juliet..." Pilit niya akong iniharap sa kaniya. Nakita kong maging siya ay naluluha na rin sa nangyayari. "H-hindi ko pwedeng kontrahin at baliin ang sarili kong kapangyarihan. Gustuhin ko mang maging kaibigan ka ng panghabang-buhay, hindi maaari. Marami na akong ginawang paglabag sa Celestial Realm, hindi ko na pwede pa itong dagdagan ng paulit-ulit. Mortal ka at kami ay hindi. Kahit kailan hindi maaarin maging isa ang mga mundo natin. Kung pwede man, magiging pansamantala lamang," malungkot niyang paliwanag.

Hindi ko siya sinagot. Patuloy lang ako sa paulit-ulit na pag-iling sa kaniya habang umiiyak.

"Juliet..." muling pagtawag ni Eda sa pangalan ko. Pilit niyang nilalakasan ang loob na kausapin ako kahit na bakas na sa mukha niya na ano mang sandali, iiyak na siya. "Tandaan mo ang sinabi ko noon sa'yo, ikaw ang napili kong mortal na makasama sa nakaraan kasi may mahalagang rason. Gusto kong patunayan sa'yo na hindi ka mahina at napatunayan mo nga 'yun. Nagawa mong lampasan lahat ng balakid at nakabalik tayo sa totoo mong mundo. Ngayon, may panibago ka na namang haharapin pero naniniwala ako sa'yo na mapagtatagumpayan mo rin ito."

Till I Rewrite The Stars (Under Revision)Where stories live. Discover now