Kabanata XVI

159 19 2
                                    

NAPAKATINDI ng sikat ng araw ngayong hapon pero hindi ko ito iniinda, kahit pa ang lilim ng punong sinisilungan ko ay hindi sapat para bigyan ako ng proteksyon. Ibinabaling ko na lamang ang atensyon ko sa mga ibong nagliliparan sa kalangitang aking natatanaw sa tuwing tumitingala ako. Mabuti pa sila, malalaya. Hindi katulad ng damdamin kong hindi ko magawang pakawalan.

Sa pagkakataong ito ay nakasisiguro na ako. May pagtingin na ako kay Lia. Napagtanto ko iyon habang malayo siya - lalo na noong mga panahong magkasama kaming dalawa ni Cita.

Sa kabila nito, natitiyak ko na mahal ko pa rin si Cita. Hindi nga siguro madaling kalimutan ang isang taong lubusan mong minahal, lalo na kung ipinipilit mong huwag matuloy ang pagkalimot na ito.

Sa mga panahong ito ay hinihiling ko na sana ay maari akong umibig sa dalawang tao nang walang nasasaktan na kahit sino, kabilang na ang sarili ko.

Napabuntong-hininga ako. Nahihibang na marahil ako sa mga nagaganap. Para bang nakikita ko si Lia kung saan-saan lalo na nang sabihin niya sa akin na hindi pa siya makakauwi kaagad. Katulad ngayon, parang nakikita ko siyang palapit sa akin kahit na sa susunod na linggo pa ang balik niya.

"Fernan!" Tinawag niya ako. Nababaliw na yata talaga ako.

"Ano ba naman, Lia? P'wede ba? Layuan mo naman ako kahit minsan. Ginagawa mong mahirap para sa akin ang lahat, e."

"Paano ko ginagawang mahirap ang lahat?" Nagulat ako nang marinig ko siyang muli. Totoo ba ito? Umuwi na ba talaga siya?

"Fernan? May problema ba tayong dalawa? Bakit gusto mong layuan kita? Kababalik ko lang tapos pinapaalis mo na ako kaagad."

Napabangon ako. "Akala ko sa isang linggo ka pa uuwi?"

"Naniwala ka naman kaagad. Nagbibiro lang ako noon," natatawang tugon nito.

Niyakap ko siya nang mahigpit. Naramdaman ko ang mabilis na tibok ng aking puso - para bang kagigising ko lamang mula sa isang masamang panaginip kung saan ay hinahabol ako ng lahat ng mga bagay na kinatatakutan ko. Nasabik nga ako marahil sa kanya.

HINDI na ako natutuwa sa nangyayari.

"Bakit ka ba tawang-tawa sa sulat na 'yan?" tanong ko.

"Wala naman," nakatawang sagot niya.

"Hindi ka ba nagagandahan sa nilalaman?"

"Maganda naman." Tumawa siya ulit.

"E bakit ka tawa ng tawa?" usisa ko.

"Wala lang. Sino kaya 'tong 'Nagkukubling Mangingibig' na 'to? Sa tingin mo kilala natin siya?"

"Aba'y ewan ko!" Ito ang tanging nasabi ko.

"'Nagkukubling Mangingibig'," ulit niya, tapos ay muling tumawa.

Nanatiling seryoso ang mukha ko. Bigla akong nanlumo. Bakit ko ba kasi naisipan na bigyan siya ng ganoong sulat? Si Cita nga ay hindi ko nasusulatan ngayong mga panahong ito. Siyang hindi ko naman kasintahan at malapit lamang sa akin ay sinulatan ko.

Tumawa ako para hindi niya mahalatang hindi ako natutuwa na pinagtatawanan niya ang hawak niyang sulat, ang liham na inipit ko sa kuwaderno niya.

"Gusto mo ba na sa wikang Ingles ka sinusulatan?" tanong ko.

"Hindi naman," malumanay niyang sagot. "Nakakapanibago lang. Ilang beses na rin naman akong nabigyan ng sulat pero ngayon lang ako nakatanggap ng katulad nito. Masyadong makata. Sa totoo lang, napakaganda ng nilalaman nito. Kung gusto mo ay basahin mo pa."

"Naku, hindi na. Para iyan sa 'yo , e. Akala ko lang e pangit ang nakasulat kaya pinagtatawanan mo."

"Hindi naman dahil tumatawa ako ay natatawa na ako sa nagpadala nito. Nakatawa ako dahil natutuwa ako. Iba ang natatawa sa natutuwa. Dapat matutunan mong kilalanin ang pagkakaiba ng dalawang mukha ng kaligayahan."

CynthiaWhere stories live. Discover now