Kabanata XVII

158 13 0
                                    

PARANG may iba kay Noni.

"Ngayon ka lang yata nagbanggit ng pangalan sa akin, ha? Sa dinami-rami ng mga naging babae mo, ngayon mo lang ginawa iyan," wika ko.

"'Sus! Natutuwa lang ako sa kanya. May iba sa kanya." Kasabay ng masiglang sagot niya ay ang pagkislap ng kanyang mga mata. "Ipakikilala ko siya sa 'yo minsan. Siguradong magugustuhan mo siya."

"Mukhang seryoso ka sa 'Min' na 'yan ah," sambit ko. Hindi naman nagpapakilala ng kasintahan sa amin si Noni.

"Seryoso? Mukha ba akong marunong magseryoso?" Tumawa siya. Mali, humalakhak siya. "Tatlo kaya sila ngayon."

Hindi ko talaga alam kung ano ang ginawa sa kanya ng lugar na ito at naging laruan ang tingin niya sa mga babae. Hindi ba siya natatakot na bumalik sa mga kapatid niyang babae ang mga panlolokong ginagawa niya sa mga nagiging kasintahan niya? Sa totoo lang, ito ang dahilan kung bakit madalas sumama ang loob sa kanya ni Ningning. Matigas ang ulo ni Noni pagdating sa pinakapaborito niyang laro. Hindi rin siya nakikinig sa mga payo ni Tiya Cely tungkol dito.

PUMASOK na ako nang diretso sa silid ni Noni pagkatapos kong tawagin ang pangalan niya. Hindi niya naisarado ang pintuan ng kanyang kuwarto.

"Sandali lang, Fer." Narinig ko siyang sumagot. "Naliligo pa ako."

"Sige."

Nagpalinga-linga ako sa kanyang silid. Malinis ito, akala mo ay babae ang may-ari. Pumunta ako sa mesang-aralan niya sapagkat napansin ko na may mga larawan kaming magkakaibigan doon. Kinuhaan ang mga iyon sa mga pagdiriwang ng kaarawan nila ni Ning kaya malilinis at medyo maayos ang mga suot namin. Mayroon din litrato ang buong pamilya nila; at ang buong pamilya ni Tiya Cely na kasama sila ni Ning.

"Ako nga, walang picture na naka-frame sa kuwarto ko, e," bulong ko. "Hanggang sa wallet ko lang ang mga litrato ng mga taong importante sa akin."

Nalingunan ko ang pitaka niya sa ibabaw ng kanyang mga libro. Makapal iyon.

Tatawa-tawa ko itong binuksan. "Siguro narito lahat ng larawan ng mga naging kasintahan niya."

Laking gulat ko nang makitang hindi mga larawan ang nagpakapal dito kung hindi mga sulat na hindi naibigay - mga liham na natitiyak kong hindi na niya maibibigay pa kailanman. Marunong din palang umibig ang kaibigan kong ito.

"Ano 'yan?" Nagulat ako sa biglang paglabas niya.

"Ha? Ah, w-wala! Tinitingnan ko lang kung marami kang pera." Humalakhak ako.

"Mukha mo!" sambit niya. "Halika na nga! Pumunta na tayo sa library! Pakiramdam ko talaga hindi ako papasa sa pagsusulit na 'yon."

"Sige!" sagot ko.

Nalulungkot pa rin ako sa mga nabasa kong sulat, kahit na alam kong mali na ikalungkot ko ito.

NAKITA ko sa mga mata niya kung gaano niya kagusto na sabihin kong hihiwalayan ko na si Cita.

"Hindi mo ba talaga kayang hiwalayan si Cynthia?" muling tanong sa akin ni Lia. "Hindi mo ba talaga kayang gawin 'yon p-para sa akin?"

Magagawa ko ba na iwanan ang unang babaeng inibig ko? Paano na ang mga pangakong binitiwan ko sa kanya noon? Itatapon ko na lang ba ang lahat ng paghihirap niya na panatilihin ang relasyong ito? Paano na ang lahat? Paano na ang pagmamahal, ang tiwala? At ang katapatan ba na ibinigay niya sa akin ay hahayaan ko na lang na masayang?

"Kung hindi mo pa kaya sa ngayon, handa akong-" Hindi na niya itinuloy ang sasabihin niya pero naunawaan ko iyon. Niyakap ko siya. Alam kong naunawaan din niya ako.

NAGDADALAWANG-ISIP ako kung aamin ba ako kay Noni o hindi. May parte sa akin na naniniwalang maiintindihan niya dahil ganoon din siya. Pero paano? Kaibigan niya rin si Cita.

"May sasabihin ako!" halos sabay na sabi naming ni Noni.

"Mauna ka na," sabi ko.

"Hiniwalayan ko na sila," waring nahihiyang kuwento niya.

"Ano 'ka mo?" gulat na gulat kong tanong.

"Si Min, siya na lamang ang kasintahan ko," tugon niya.

"Sigurado ka?" tanong ko.

"Oo! Bakit ba hirap kayong maniwala? Best friend mo nga si Ning," aniya. Pulang-pula ang mukha ng kaibigan ko.

"Paano? Bakit mo naisipan?"

"Mahal ko na talaga siya."

"Paano ka nakasisiguro?"

"Basta. Alam ko lang."

"Alam mo lang? Bakit? Nagmahal ka na ba noon?"

"P'wede ba, Fernan? Alam kong nabasa mo."

Natahimik ako bigla. Alam niya? Pero bakit hindi niya sinabi sa akin? Bakit hindi niya ako inaway? Bakit hindi man lang siya nagalit na pinakialaman ko ang mga gamit niya? Bakit hindi niya hiniling sa akin na ilihim ang mga nalaman ko?

"Nakita kita noon nang lumabas ako," wika niya.

Hindi ako nakaimik.

"Mas gugustuhin ko pa na magkunwaring wala akong alam na natuklasan mo na ang lahat kaysa harapin ang mga tanong mo sa oras na maging lantad na ang lihim na ilang taon kong ikinubli," aniya.

"Huli na ang lahat." Ito lamang ang nasabi ko sa kanya.

"Alam ko. Alam ko 'yon, Fernan. Noong naipon ko na ang lakas ng loob na kailangan ko para ibigay sa kanya ang mga iyon ay ginulat ako ng katotohanang hindi ko na ito dapat na ibigay sa kanya kahit kailan."

Natahimik akong muli. Parang hindi si Noni ang nagsasalita.

"Akala siguro ninyo hindi ako marunong magmahal, ano? Ako lang kasi ang may alam tungkol dito. Kung alam lang ninyo ang lahat. Marami akong naging babae dahil ayaw kong mag-isa. Napakasakit kapag nakikita ko silang dalawa na masaya, kaya gusto ko palagi akong may girlfriend. Dapat din palaging may reserba. Hindi ko rin ginusto na umibig ulit nang tapat dahil baka kapag ibinigay ko ulit ang puso ko sa isang tao ay ibalik lamang sa akin ito nang pira-piraso."

"Pero bago mo pa ibigay sa kanya ay may hawak na ang kanyang kamay. Hindi niya ito binalik na pira-piraso. Sarili mong kamay ang dumurog dito, ikaw at ang karuwagan mo. Masyado kang takot na mabigo," sabi ko.

"Aminado naman ako sa kasalanan ko, e. Napagtanto ko na rin ang dapat ay matagal ko nang batid. Maling manakit ng iba para lamang protektahan ang sarili mo sa posibilidad na masaktan. Hinding-hindi ko na iyon gagawin ulit. Hinding-hindi ko gagawin 'yon kay Min," sabi niya.

"Mabuti naman kung ganoon, Noni." Ngumiti ako. "Masaya ako para sa 'yo."

"Sayang lamang at huli na bago ko napagtanto ang lahat. Marami na akong nasaktan. Kung p'wede lang humingi ako ng tawad sa kanilang lahat, gagawin ko talaga."

"Hayaan mo na, Noni. Ang mahalaga ay natuto ka na."

"Dahil iyon kay Min. Hindi ko kayang saktan ang isang katulad niya. Isa pa, mahal ko na talaga siya."

"Iyan ang mahalaga ngayon. Huli na ang lahat para sa mga nasaktan mo. Pero para sa inyo ni Min, nag-uumpisa pa lang ang lahat."

***

(Ang Cynthia ay nailathala sa pahayagang Balita, ang tabloid ng Manila Bulletin, simula 2013 hanggang 2014.

Ang pagkopya ng anumang bahagi ng nobelang ito nang walang credit sa manunulat ay labag sa batas.)

CynthiaWhere stories live. Discover now