Kabanata XIV

185 14 0
                                    

"ANO'NG mayroon sa Ate Yin mo at kailangan mo pa siyang puntahan sa ibang bansa?" tanong ko. "May pasok pa sa eskwela ngayon, ha. Baka naman p'wede mong ipagpaliban ang pagbisita sa kanya."

"Ikakasal na kasi si Ate," masayang sagot niya.

"Ganoon ba?" Bigla akong nanamlay.

"Alam mo bigla akong nabuhayan. Parang nawala 'yong takot ko. Iniiwasan kong umibig noon dahil ayaw ko matulad kay Ate Yin. Kung hindi rin dahil sa pagkabigo niya, magkasama pa rin kami rito sa Pilipinas. Pero ngayon naisip ko na patas pa rin pala ang pag-ibig sa lahat. Bawat lungkot ay may kapalit na saya. Bawat pagkabigo ay may kapalit na tagumpay kung bubuksan mo ang iyong mga mata. Nagiging malupit lamang ang pag-ibig dahil nagiging malupit ang mga tao sa iba at sa sarili nila. Hawak natin ang susi para maging masaya."

"Tama ka," sang-ayon ko. "Pero hawak na kaya talaga ng pinsan mo ang susi para maging maligaya? Hindi ba biglaan ang lahat? Hindi ba kailan lang ay nagdurusa siya?"

"Iyan din ang una kong naisip. Baka 'ka ko nabibigla lang siya. Alam mo 'yon? Iba ang hitsura ng liwanag sa mga taong matagal na nabuhay sa dilim. Subukan mong magsuot ng sunglasses sa loob ng isang buong araw. Makikita mo, sa oras na tanggalin mo ito ay tiyak na magiging maganda ang tingin mo sa bawat bagay, pati sa mga bagay na hindi naman kaaya-aya. Ganoon iyon, dahil sabik ka, dahil naninibago ka sa liwanag."

Natawa ako sa kanya. "Ang lalim ng sinabi mo."

"Sinabi ko 'yan kay Ate." Nakangiti siyang sumagot.

"Ano'ng sabi niya?" tanong ko.

"Totoo raw ang sinabi ko pero hindi sa kanya. Sa pakiramdam niya ay parang ito ang unang beses niyang umibig. Iba raw ang pakiramdam niya ngayon. Ibig kaya sabihin nito ay hindi pagmamahal ang naramdaman niya noon?"

"Hindi naman sa hindi niya minahal iyong dati niya, gano'n naman kasi talaga iyon, e. Sa tuwing iibig ka, iba ang mararamdaman mo. Parang palagi talagang una, parang fingerprints, walang magkatulad."

"Isa pa nasaktan siya noong nang husto kaya imposibleng hindi niya talaga ito minahal."

"Nagdusa siya nang husto dahil iyon ang unang pagkakataon na umibig at nasaktan siya. Wala pa siyang batayan ng pag-ibig at ng sakit na dala nito noon. Akala niya ay iyon na ang lahat, pero ang totoo niyan ay may mas matinding klase pa ng pag-ibig at may mas ipapait pa ang pagkabigo," wika ko.

"Ngunit sa huli, ang tunay na pag-ibig ay tunay na pag-ibig--mananaig, aabot hanggang sa dulo, kahit pa wala na ang isa sa inyo. Katulad ng kapatid ko sa kanyang kabiyak; na hanggang sa malagutan siya ng hininga ay binabanggit niyang iniibig niya. Katulad ng kabiyak niya na patuloy na nangungulila," pagpapatuloy ko.

"Kung sa bagay," pagsang-ayon niya. "Siguro nga tama si Ate, hindi dapat palagpasin ang pagkakataong lumigaya. Regalo raw iyon sa sarili mo. Sa tingin ko naman ay mahal din talaga siya nito. Matagal na namin kakilala 'yon at noon pa man ay napapansin ko nang may pagtingin ito sa kanya. Kaya nga nasa ibang bansa ito dahil sinundan siya nito."

"Ganoon naman pala. Mabuti na rin ang nangyari. Natagpuan niya rin... Mali, natagpuan din siya ng totoong pagmamahal."

Ngumiti lamang siya.

"Ikaw, wala ka bang balak na magmahal?"

"Noon wala."

Hindi ko alam kung bakit naitanong ko iyon pero pinanindigan ko na rin. "Ngayon ba handa ka na?"

"Oo. Pero hindi pa handa ang mga bagay na maaaring makaapekto sa damdamin ko."

"Ano'ng ibig mong sabihin?"

CynthiaTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon