Kabanata XXIV

154 11 0
                                    

TUMAYO ako sa kinauupuan ko sa likuran ng bahay nang marinig ko si Noni na tinatawag ang pangalan ni Min. Nagmadali akong lumabas.

Sa gilid ng kalsada, nakita kong hawak ni Noni si Min sa braso. Nakabalik na pala siya. Ang laki ng pinagbago niya—sa ayos at pananamit. Malayo talaga sa dating kasintahan ng kaibigan ko.

"Wala na tayong dapat pag-usapan," matigas na sabi ni Min.

"Alam ko na ang lahat, Min! Si Enrico mismo ang nagsabi sa akin!"

"Matagal na 'yon." Kalmado siyang nagsalita. "Tapos na ang lahat."

"Min, sigurado na ako ngayon. Hindi na si Isyang ang mahal ko. Napagtanto ko noong nawala ka. Ikaw na ang mahal ko noon pa. Hindi lang nagkaroon ng magandang kinahinatnan ang nakaraan at may mga bagay akong pinagsisisihan noon kaya naguluhan ako," paliwanag ni Noni.

"Noon pa? Pero hindi mo ako hinanap," tugon ni Min.

"Dahil akala ko ay may iba ka na."

"Iyan ang mali sa'yo. Bago ka pa lumaban, talo ka na sa isip mo. Kaya 'di mo sinusubukan. Takot na takot kang mabigo kaya ang daming multo mula sa nakaraan mo. Hindi ka naman dapat tinatakot ngayon ng mga multong iyan kung 'di ka nagiging duwag sa tuwing hawak mo ang pagkakataon."

"Kaya nga itinatama ko na. Handa akong gamutin ang mga sugat, alam ko na nasaktan kita. Pag—"

"Gamutin?" Humalakhak si Min. "Kahit kailan 'di ka naging doktor at kahit ang kapatid mong nag-aral ng medisina e hindi kayang gamutin ang sugat na nilikha mo noon. Pero, alam mo? 'Di na kailangang gamutin ang mga iyon dahil matagal na silang naghilom. May mga marka, oo. Pero hindi dahil narito pa ang mga bakas ay tatanggapin ko ang inaalok mo. May mga bagay na 'di nabubura. Hayaan na nating manatiling 'di kaaya-aya ang 'di naman talaga maganda. Huwag mo na subukang itama ang lahat. Nasa tama na ang lahat sa buhay ko, hindi na kailangan."

Tumalikod na ito pero hinila siya ni Noni. "Kailangan mo ako!"

"Alam mo ba kung bakit ako bumalik? Susunduin ko ang mga magulang ko dahil ikakasal na ako sa isang linggo."

Unti-unti siyang binitawan nito. "Ikakasal? Ikakasal ka na?"

"Huli na ang lahat, tanggapin mo na lang."

"Hindi pa, Min. Sumama ka sa akin. H'wag mo siyang siputin."

"Mahal ko siya Noni!" sigaw nito. "Tum-"

May humintong isang itim na kotse sa harapan nila. Agad na bumaba ang isang lalaking mukha talagang mayaman.

"May problema ba rito?" tanong ng lalaki. "Sino siya?"

"Si Noni," tugon ni Min.

Kinamayan niya si Noni. "So, ikaw pala si Noni. I'm Manuel."

"Kilala mo ako?" nagtatakang tanong ng kaibigan ko.

"Oo naman, kilalang-kilala kita. O paano, mauna na kami."

Tumango si Noni. "Sige, best wishes."

Bago umalis ay sinabi ni Manuel kay Noni na padadalhan niya ito ng imbitasyon—bagay na alam kong hinihiling ni Noni na hindi sana makarating sa kanya kailanman.

"Dapat 'di muna ako dumiretso rito, e," sabi ni Noni habang kinukuha ang mga gamit niyang mukhang itinapon niya lang nang makita si Min. "Dapat pagbaba ko ng bus e nagpahinga muna ako kung saan. Hay. Nataon pa na narito siya ngayong kaarawan ni Tiya Cely."

"Noni." Ito lang ang nasabi ko.

Ngumiti siya, isang pilit na ngiti. "Tara na nga sa loob. Si Min lang naman iyon, babae lang 'yon. Marami riyan, nagkalat ang mga babae riyan."

CynthiaTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon