Kabanata XXI

143 13 0
                                    

NAGULAT ako sa sinabi ni Tiya Cely. "Kasal ho? Biglaan naman ho yata? At saka... hindi ho ba wala namang kasintahan si Felice?"

"Iyon ang akala natin. Kaklase raw niya 'yon noong elementarya. Nagkita raw sila rito noong nagbakasyon iyon dito bago tuluyang manirahan sa ibang bansa. Nagsulatan daw hanggang sa umabot sila roon. Kaya pala napadalas ang pagbabakasyon ni Ate Felice sa ibang bansa." Iiling-iling na tumugon si Noni.

"Ikaw na talaga ang nagkuwento," puna ko sa kaibigan ko.

"'Di naman kasi magkukuwento si Tiya, e. Kay Ning ko nalaman 'to."

"Pero bakit ho biglaan masyado?" Bumaling ako kay Tiya Cely.

"Nagdadalantao siya." Nakita ko ang pait sa mga mata ni Tiya Cely. "Hindi ko alam kung saan kami nagkulang at nagawa niya iyon. Ginawa nila iyon sa labas ng kasal. Bunga ang batang iyon ng kamalian."

"Tiya, maaaring mali ho ang ginawa ng kanyang mga magulang pero ang bawat buhay ay biyaya. Walang buhay na pagkakamali lamang. Hindi po magbubunga ang tinatawag nating 'pagkakamali' kung 'di ito kalooban ng Diyos. Tanggapin ho natin nang maluwag ang lahat. Wala naman ho mangyayari kung sisisihin natin ang mga sarili natin, 'di ho ba? Ang mahalaga ay may trabaho na si Felice, pati ang mapapangasawa niya."

Ngumiti siya. Mas maaliwalas na ang kanyang mukha ngayon.

Masakit nga talaga siguro para sa isang magulang na hanapin ang sagot sa tanong na "Saan ako nagkulang?" Lalo na pagdating sa mga ganitong tagpo. Naiintindihan ko na si Lolo.

Niyakap namin si Tiya Cely - ang babaeng tumatayo naming pangalawang ina.

AGAD akong tinanong ni Ning tungkol sa amin ni Cita.

"Ang tagal na ng sa amin, Ning." Ito ang tanging nasabi ko.

"Hindi mo naman ikinuwento ang lahat sa sulat, e. Sige na! 'Di naman kita tinutulan, a. Gusto ko lang malaman, mas malinawan."

"Wala, 'di ko na siya mahal, e." Nagsinungaling ako dahil alam kong hindi talaga makatuwiran ang aking naging pasya. Alam kong makasarili ako.

"Ilang taon mong minahal si Cyn tapos sa isang iglap e si Lia na?"

"Hindi mo ba gusto si Lia?" Medyo inilihis ko ang usapan.

"Si Lia, gusto ko siya. Pero si Lia para sa 'yo, hindi. Si Cyn pa rin ang mahal mo, alam ko. Sigurado ako."

"Gusto ni Lolo si Lia para sa akin. Sabi niya noon, natutuwa raw siya na marunong akong pumili, ganito, ganiyan. Ayaw kong biguin siya, matanda na ang lolo ko."

"I guess 'di ko na talaga mababago ang desisyon mo." Bumuntong-hininga siya. "Oo nga pala, 'di ko 'to tinatanong sa sulat pero gusto ko malaman kung ano ang nangyari sa nanay mo."

"Bakit? Gusto mo sa personal talaga itanong?"

"Oo. Baka kasi maging emosyonal ka. Gusto ko kung magiging emosyonal ka man, katabi mo ako para may tagapahid ng luha mo."

"May kamay naman ako," biro ko, pero natuwa ako sa sinabi niya. Kaya pala hindi siya nagsimula ng malungkot na usapan ni minsan.

Tumawa siya. "Loko ka talaga. Magkuwento ka na nga."

"Ikakasal na siya noon kay Ramon. Kung natatandaan mo, 'di sila kasal ni Itay kaya walang problema ro'n. Maayos na raw ang lahat pero sa araw mismo ng kasal ay nawala bigla si Inay. Nag-iwan siya ng sulat sa kanyang silid na babalik na siya sa amin, 'di raw niya kami kayang ipagpalit. Magulo lang talaga ang isip niya kaya umalis siya sa amin."

"Pero hindi na siya nakabalik. Ano ang nangyari?" tanong niya.

"Naaksidente ang bus na sinasakyan niya, nabalita raw 'yon. Siya lang ang namatay doon. Ang iba e nagtamo ng grabeng pinsala, habang ang iba naman ay kaunting sugat lamang ang nakuha."

"Hanggang doon na lang pala sa pag-alis ng nanay mo ang pag-iibigan nila ng tatay mo. " Bakas sa mukha niya ang awa at lungkot.

"Mali. Hanggang ngayon, si Inay pa rin ang mahal ni Itay. At alam kong si Itay pa rin ang mahal ni Inay, nasa'n man siya."

Ngumiti si Ning. "Kumusta na si Pael?"

"Ha?" Nagtaka ako sa bigla niyang pagtatanong tungkol sa kay Pael. "A... e... maayos naman. Maayos yata? Bihira na kasi kami magkita, e. Pero, maayos naman siguro. Teka, hindi ba kayo nag-uusap?"

"Minsan, sumusulat siya. Sumasagot naman ako. Okay naman, pero 'di kasi maganda ang huli naming pag-uusap bago ako umalis."

"Hindi naman niya kayang magalit sa 'yo, e."

"Siguro nga. Sabi niya, mahal pa rin daw niya ako at naghihintay pa rin siya."

"Kaso may kasintahan ka na, 'di ba?"

"Wala na. Hindi naman kami nagtagal."

"Hindi? Bakit parang hindi ka naman naapektuhan? Ni hindi mo nakuwento sa amin na wala na kayo!"

"Hindi ba nakuwento ni Pael na wala na akong boyfriend?"

"Alam ni Pael?"

Natawa si Ning. "Hayaan mo na nga. Sinubukan ko lang naman noon 'yon. Wala lang 'yon."

"E, 'di may pag-asa na si Pael?"

Ngumiti siya. "Hmmm, kung makakapaghintay pa siya."

***

(Ang Cynthia ay nailathala sa pahayagang Balita, ang tabloid ng Manila Bulletin, simula 2013 hanggang 2014.

Ang pagkopya ng anumang bahagi ng nobelang ito nang walang credit sa manunulat ay labag sa batas.)

CynthiaTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon