Kabanata XI

166 17 0
                                    

DALAWANG buwan na ang lumipas mula nang mawala si Kuya Roberto. Dalawang buwan na rin kami nangangapa sa hustisyang para bang ikinubli ng dilim.

Pera at kapangyarihan. Hindi pa ba nagsasawa ang dalawang ito sa pagpapatakbo sa napakalaking mundo? Hanggang ngayon ay hindi pa rin nahahanap, ni napapangalanan, ang tumapos sa buhay ng nakatatandang kapatid ko. Batid ko, sa anyo pa lamang ng lalaking iyon, na isa siyang maimpluwensyang tao. Malinaw na mukha niya ang naiguhit, ayon sa paglalarawan ko, sa presinto ngunit wala pa rin nakakikita sa kanya. Paano naman siya makikita? Wala man lang naikalat na kopya ng iginuhit na mukha niya. Wala rin siya sa listahan ng mga taong pinaghahahanap ng pulisya. Tiyak na naharang na ang katarungan bago pa ito makarating sa libingan ni Kuya. Kung alam ko lamang, paghinto pa lang sana ng sasakyan ng taong iyon ay kinuha ko na ang numero ng plaka nito.

Hirap na hirap na ako. Kahit anong paliwanag sa akin ng mga tao ay hindi ko matanggap ang sinasabi nila na hindi ko kagustuhan at wala akong kasalanan. Oo, hindi ko iyon kagustuhan pero kasalanan ko pa rin ang nangyari. Hindi ko siya natulungan. Pinanood ko lamang na malagutan siya ng hininga sa aking harapan.

Hanggang sa mga oras na ito ay hindi ko pa rin matingnan si Ate Maria sa mga mata. Hindi ko rin magawang makalong at laruin ang mga pamangkin ko. Nakokonsensya ako sa sinapit nila dahil sa kahinaan ko. Duwag ako. Nakasusuklam ako.

Gusto kong ipaghiganti ang sinapit ng pamilya namin. Kung hindi kayang itumba ng hustisya ang taong dahilan ng kalbaryong ito, ako na mismo ang tatapos sa kanya. Pero, gustuhin ko man, hindi ko iyon magagawa. Hindi ko alam ang pangalan niya at kung saan siya hahanapin.

Kung may pera lang kami, siguro buo pa ang pamilya ko. Hindi sana umalis si Inay. Tiyak na hindi rin ganoon ang magiging pakikitungo kay Kuya ng lalaking pumatay sa kanya, baka siya pa ang humabol sa kapatid ko at magpumilit na pakasalan nito ang anak niya.

Narinig kong sumigaw si Cita. "Bakit ako maniniwala na hindi gulo ang dala ninyo rito? Namumukhaan ko kayo. Kayo 'yong mga kasama ni Angeline dati. Masasamang tao kayo! Umalis na nga kayo!"

Sumilip ako sa siwang ng bintana namin na noon at hindi na binubuksan dahil tiyak na magigiba na sa kalumaan at karupukan. Nakita ko ang dalawang matipunong lalaki na pareho ang kasuotan. Sila ang mga kausap ni Cita.

"Hindi kami masasamang tao," pagtanggi ng isa sa sinabi ni Cita.

"Mga bodyguards kami ni Ma'am Angeline," dagdag ng isa pa.

"Hindi masasama? E binubugbog ninyo lagi si Kuya Roberto noon. Hindi ako nakapag-aral pero hindi ninyo ako maloloko! Umalis na kayo! Hindi ko ituturo sa inyo kung nasaan ang pamilya niya!"

"Bakit ka ba nakikialam?" Nagtaas na ng boses ang isa.

Hindi ko alam pero wala akong lakas ngayon na lumabas at tulungan ang kasintahan ko. Natatakot ako na matulad kay Kuya. Kapag nangyari iyon ay mawawalan ng katulong si Itay sa pagtataguyod sa mag-iina ng kapatid ko. Ayaw ko na matulad sila sa amin.

"Bakit din kayo nakikialam? Dahil binabayaran kayo? Trabaho na rin pala ngayon ang manakit?"

Gusto ko na talagang lumabas. Pero, paano ang pamilya ko? Kung hindi naman, paano na si Cita?

"Hindi naman namin siya sasaktan kagaya ng ginawa namin sa kapatid niya noon." Binabaan ng lalaki ang boses niya. "Tutulungan pa namin sila. May dala kaming–"

"Pera?" Hindi na sila pinatapos ni Cita. "Babayaran ninyo sila para 'di na nila hanapin ang katarungan? Anong klaseng mga tao kayo? Paano kung kayo ang nasa sitwasyon nila? Ipagbibili ba ninyo ang hustisya? Mabibili ba ng pera ang mga alaalang sana ay mabubuo pa ninyo kasama ang taong ginawan ng gano'ng klaseng krimen? Kung sa tingin ninyo ay oo, simulan na ninyong isa-isahin ang mga bahay dito. Tanungin ninyo bawat makikita ninyo tungkol sa pamilya ni Roberto Francisco. Basta sa akin, wala kayong maaasahan."

Sumilip ako muli. Nakahanda na akong lumabas para sana matapos na ang lahat pero nakita kong tumalikod ang isa sa dalawang lalaki kay Cita.

"Halika ka na," sabi nito sa kasama niya.

"Saan tayo pupunta?" Tinanong siya ng isa.

Hindi na ito sumagot.

NAGULAT ako sa sinabi niya. "Seryoso ka ba, Cita?"

"Bakit naman ako magbibiro tungkol sa mga ganitong klase ng bagay, Fer?"

Hindi ako nakaimik.

"Oo nga, ibinigay niya iyan sa akin. Nagulat din nga ako, e."

"Para saan ang perang ito?"

"Para nga sa inyo! Hindi ka ba nakikinig, Fer?"

"Pero, bakit nga? Ba't naman niya kami bibigyan?"

"Tulong nga raw niya! Naliwanagan daw siya sa sinabi ko kaya umalis na siya sa trabaho niya na iyon. Ayoko nga tanggapin pero mapilit siya, ibigay ko raw sa inyo. Medyo malaki raw ang kita sa bago niyang trabaho."

"Sampung libo rin ito, ha."

"Ang galing, 'no? Naalala pa niya kayo. Mga tatlong buwan na rin ang lumipas mula noong manggaling siya rito. May puso rin pala ang maton na iyon."

"Sana may puso rin ang hustisya, Cita."

"Fer naman. Huwag ka na malungkot. Siyempre mayroon. Sa tamang panahon, mapaparusahan ang may kasalanan kahit nasa labas pa siya ng kulungan, kahit humadlang pa ang kamatayan."

Ngumiti ako – isang malungkot ngunit masayang ngiti. Kakayanin kong maging matatag sa mga pagsubok. Ngingiti ako sa kabila ng bawat pagkalugmok basta nasa tabi ko ang aking binibini. Siya ang lakas ko. Mahirap man ako ngunit sagana naman sa mga gunitang binuo at binubuo pa namin, sapat na upang maging inspirasyon ang langit na natagpuan ko sa piling niya. Siguro nga ay laging kumakalam ang sikmura ko subalit hanggang narito siya ay alam kong mananatili akong busog sa pag-ibig. Wala akong kapangyarihan at impluwensya pero habang kapiling ko ang pinagkukunan ko ng lakas ay makakaya kong humarap sa mundo. Naniniwala ako na isang araw ay magbabago ang buhay ko. Yayaman din ako, magsisikap ako para na rin kay Cita.

***

(Ang Cynthia ay nailathala sa pahayagang Balita, ang tabloid ng Manila Bulletin, simula 2013 hanggang 2014.

Ang pagkopya ng anumang bahagi ng nobelang ito nang walang credit sa manunulat ay labag sa batas.)

CynthiaWhere stories live. Discover now