Kabanata XXVII

138 12 0
                                    

HALATANG nabigla siya. "Ikakasal? Ikakasal ka na?"

"Oo," sagot ko. Tiniyak ko na walang emosyong bumakas sa mukha ko. "Gusto kong maging abay ka. Kayong lahat. Si Ning ang Maid of Honor, uuwi siya. Gusto ko kumpleto tayong lahat doon."

"Masaya ka ba?" tanong niya.

"Ano ba namang klaseng tanong 'yan?"

"Gusto ko lang malaman."

"Oo naman. S'yempre, masaya ako, sa wakas ikakasal na kami ni Lia."

Yumuko siya. "Patawarin mo ako."

"Patawarin? Patawarin saan?"

"Patawarin mo ako dahil hindi ko pa rin kayang maging masaya para sa iyo, sa inyo."

"Ano ngayon ang gusto mong sabihin?"

"Ayoko. Ayokong ikasal ka sa iba. Akala ko ba tayong dalawa?"

"Tapos na lahat ng namagitan sa atin. Matagal na tayong wala."

Tuluyan nang bumuhos ang mga luhang pilit niyang pinipigilan ang pagpatak.

"Kung tapos na lahat, bakit mahal pa rin kita? Bakit 'di pa rin kita nakalilimutan? Bakit hanggang ngayon ay umaasa pa rin ako? Wala na ba talagang naiwang pagmamahal sa puso mo? P-pagmamahal para sa 'kin?"

"H'wag mo na gawing kumplikado ang mga bagay," matigas kong sagot.

"Nangako ka, Fernan. Nangako ka sa akin."

"Alin ba ang pinaglalaban mo? Iyong pangako ko na ilalayo kita sa maruming lugar na ito?" Nagtaas ako ng boses.

Kinailangan ko na rin magbitaw ng mga salitang susugat sa kanya, maaaring ito lamang ang paraan para tuluyan na siyang sumuko. "Tigilan mo na 'to, Cita! H'wag kang mag-alala, tutulungan kitang makaahon. Iaangat ko–"

Hindi ko na natapos pa ang sasabihin ko dahil sa lakas ng pagkakasampal niya sa akin. Tumayo siya sa kinauupuan namin–ang nakatumbang puno kung saan madalas kaming nakaupo noon habang nangangarap ng mga pangarap na tutuparin sana pagdating ng araw, ng mga pangarap na hindi ko sinasadyang piliing matupad nang hindi siya kasama.

"Nagpapasalamat ako sa Diyos at hindi ako nakapag-aral," nanginginig na sabi niya. Halos pabulong lamang iyon pero sapat na para marinig ko. "Kahit mamatay ako sa mga oras na ito ay ikararangal ko na nalagutan akong mangmang. Kung ganiyan lang ituturo sa akin ng paaralan, hindi bale na lang."

Kitang-kita ko ang galit sa kanyang mga mata. Hindi ko na kayang tingnan ang mga iyon. Isinubsob ko ang aking mukha sa mga palad ko.

"Sobra mong sinamba ang karangyaan. Nakalimutan mo na ang mas magagandang bagay na ipinangako mo sa akin. Sa totoo lang, hindi ko nga maalala na sinabi mo 'yon sa akin, e, na aalis tayo sa lugar na 'to. Ang natatandaan ko lang ay nangako ka na mamahalin mo ako hanggang sa pagtanda, kahit hanggang sa kabilang buhay pa. Ipinangako mo na hindi ka magpapakasal sa kahit na sino, ako lamang ang babae na nanaisin mong makasamang bumuo ng pamilya. Hindi ka karapat-dapat mahalin. Pinagsisisihan ko na minahal kita. Sana naging kasing husay mo ako sa larangan ng paglimot. Masaya na sana kami ni Emil ngayon. Hindi mo na sana ako sinasabihan ng mga bagay na ayaw kong marinig."

Hinayaan ko lamang siya na magsalita. Hindi ko na rin kayang mag-isip at sumagot. Nanlalambot na ako nang husto.

"Ayaw na kitang makita ulit." Mas dama na ang galit sa pananalita niya. Sa pagkakataong ito, parang kausap niya ang dalawang lalaki noon na nais bayaran ang hustisya para sa pagkamatay ni Kuya. "H'wag mo akong asahan sa araw ng kasal mo. Kalimutan mo na rin na magkaibigan tayo katulad ng paglimot mo sa dating sarili mo."

CynthiaWhere stories live. Discover now