Kabanata XII

173 16 0
                                    

BUMILIS nang bahagya ang tibok ng puso ko. Paano ko nga ba masasabi sa kanya na kailangan kong umalis para sundan ang mga pangarap ko? Paano ko maipadarama sa kanya na ang bawat pangakong sasambitin ko ay totoo at paninindigan ko?

Labag naman talaga sa loob ko na umalis at iwanan ang lugar na ito subalit kailangan kong lumayo dahil nasa ibang lugar ang mga bagay na magbibigay ng katuparan sa mga ninanais kong makamtam. Mahirap para sa akin na iwanan si Cita ngunit kailangan ko itong gawin bilang paghahanda sa aming hinaharap.

"Fer." Hinawakan niya ang aking kamay. "Sabihin mo sa akin, ano ba 'yang gumugulo sa isip mo?"

"Ano, ano kasi–"

Hindi ko magawang ituloy ang sasabihin ko. Habang tinitingnan ko ang mga mata niyang puno ng pagmamahal ay parang lalong nadudurog ang puso ko. Hindi ko kayang paluhain ang mga matang iyon.

"Fer, huwag kang mahiya. Para sa'n pang naging magkasintahan tayo?"

"Aalis ako, Cita."

"Saan ka pupunta?"

"Kina Tiya Fely."

"Bibisita ka lang pala roon, e. Ayos lang sa akin iyon. Naging mabuti naman sila sa 'yo noong naroon ka kaya tama lang na puntahan mo sila paminsan-minsan. Saglit ka lang naman mawawala rito. Walang problema sa akin 'yon."

"Hindi saglit iyon."

"Magbabakasyon ka roon? Alam mo, ayos lang na–"

"Matagal akong mawawala. Mag-aaral ako. Pag-aaralin nila ako."

"Gano'n ba?" Binigyan niya ko ng isang matamis ngunit may bahid ng pait na ngiti. "Mabuti 'yan. Matutupad na ang pangarap mo."

Niyakap ko siya nang mahigpit.

"Babalik ako, Cita. Babalik ako at kukunin kita. Ilalayo kita sa maruming hangin, sa mga tirahang tagpi-tagpi ang dingding, sa mundong malayo sa gusto natin. Hindi mo na kakailanganin pang mangalakal, o kaya ay magtuhog at magtinda ng sampaguita. Mag-aaral akong mabuti, gagamitin ko ang aking talento para magawa kong iguhit ang isang napakagandang kapalaran. Pagkatapos, magpapakasal tayo sa simbahang kinaiilangan natin pasukin kapag araw ng Linggo dahil sa marurumi nating tsinelas. Ikaw ang magiging pinakamaganda sa lahat ng ikinasal doon. Babalik ako para sa 'yo at sa habambuhay na gusto kong sulitin kasama ka. Pangako, babalik ako. Babalikan kita."

HALOS araw-araw ay sinusulatan ko ang aking mahal at inilalagay sa isang sobre nang magkakasama. Tuwing araw ng Biyernes ay inihuhulog ko ito at tuwing araw ng Miyerkules o Huwebes ay nababasa ko na ang sagot niya rito. Madalas ay tumatawag ako kina Isyang at nagpapaabot ng mga mensahe kay Cita at kung minsan ay siya naman ang nakikitawag sa kanila para makausap ako sa bahay na tinutuluyan ko.

Biyernes ngayon. Wala kaming pasok kinabukasan. Habang nagpapahinga sa hardin sa pamamagitan ng pagguhit ay may nakita kong pumasok si Tiya Fely kasama ang isang napakagandang dalaga – maganda pa kay Isyang na tinaguriang prinsesa ng mahirap na lugar namin.

Sino ang babaeng ito? Parang hindi ko man lang siya nakita noong nanirahan ako rito noon. Bagong lipat ba sila rito? Pero, bakit parang palagay na palagay sila ni Tiya Fely sa isa't isa?

Maya-maya ay lumabas din sila. Napalingon sa akin si Tiya Fely. Nilapitan ako ng dalawa.

"Fernan!" bati ni Tiya.

"Tiya," magalang kong tugon.

"Ito nga pala si Lia."

Pinakilala niya sa akin ang magandang babae. Siya si Natalia Alcantara, isa sa mga naging kaibigan ni Ningning dito noong mga bata pa sila. Hindi kami nagkita noon dahil nasa Tarlac siya kung saan talaga sila nakatira. Sa bahay lamang nila rito sila nagbabakasyon. Ilang taon din daw siyang hindi nakasamang magbakasyon dito.

Sa unang pagkikita pa lamang ay naging palagay na kaagad ang loob ko sa kanya. Mababakas sa kanyang mukha ang kabaitan. Mahinhin siya at talagang kilos mayaman. Kung sa bagay, mayaman naman talaga sila.

SA KABILA ng pagkamahiyain ni Lia ay masasabi kong magiliw pa rin siya. Marami siyang kuwento tungkol sa mga lugar na napuntahan niya at mga taong kanyang nakasalamuha. Nakakaaliw siyang pakinggan dahil parang nararating ko na rin ang mga pook na kanyang nabisita.

Hindi nagtagal at naging mas malapit pa kaming dalawa. Sa Quezon na nag-aral si Lia at siya lamang ang naging kaibigan ko rito bukod kay Noni. Madalas kong maikuwento si Cita sa kanya, samantalang siya ay palaging kinukuwento ang kanyang Ate Yin na bagama't hindi ko pa nakita kahit minsan ay para bang kilalang-kilala ko na.

Hindi pa umibig kailanman si Lia. Hindi niya kaagad natutunan ang mga bagay tungkol sa pagmamahal. Sa panahon naman na alam na niyang may ganitong bagay na bahagi ng daigdig ay kinatakutan niya ito buhat noong mamatay ang kasintahan ng kanyang Ate Yin.

Mahilig siyang sumulat ng mga katha. Naisip ko tuloy na bagay na bagay kaming dalawa – siya ang gagawa ng kuwento at ako naman ang guguhit. Parehas din kami ng mga hilig gawin at kainin. Marahil, naisip ko, kung nauna lamang siyang dumating sa buhay ko o kung hindi kami naging magkasintahan ni Cita ay tiyak na iibigin ko siya.

Sa totoo lang, 'tila nahuhulog na ako sa kanya. Hindi na ako gaanong sabik sa iniwan kong pag-ibig. Bihira ko na rin magawang sulatan si Cita at kapag nagagawa ko ay maiikli lamang. Wala akong ibang gustong gawin kung hindi ang umupo sa tabi ni Lia at pakinggan ang kanyang mga istorya.

Marami na rin akong natutuhan dito–kasama na ang pagiging praktikal. Sapat ba ang mga ito para makalimutan ko ang babaeng isinumpa kong ibigin bago ko pa nalaman kung ano ang pag-ibig?

Nakilala ko ang pag-ibig dahil sa kanya pero ngayong may nakilala akong iba ay nalito na lang ako bigla. Ang unang pag-ibig ba, kahit napakatamis, ay nawawalan din ng lasa?

Sa aking isipan ay naririnig ko, paminsan-minsan, ang tinig ko habang nangangako noon kay Cita.

"Babalik ako, Cita. Babalik ako at kukunin kita. Ilalayo kita sa maruming hangin, sa mga tirahang tagpi-tagpi ang dingding, sa mundong malayo sa gusto natin. Hindi mo na kakailanganin pang mangalakal, o kaya ay magtuhog at magtinda ng sampaguita. Mag-aaral akong mabuti, gagamitin ko ang aking talento para magawa kong iguhit ang isang napakagandang kapalaran. Pagkatapos, magpapakasal tayo sa simbahang kinaiilangan natin pasukin kapag araw ng Linggo dahil sa marurumi nating tsinelas. Ikaw ang magiging pinakamaganda sa lahat ng ikinasal doon. Babalik ako, Mahal, para sa 'yo at sa habambuhay na gusto kong sulitin kasama ka."

***

(Ang Cynthia ay nailathala sa pahayagang Balita, ang tabloid ng Manila Bulletin, simula 2013 hanggang 2014.

Ang pagkopya ng anumang bahagi ng nobelang ito nang walang credit sa manunulat ay labag sa batas.)

CynthiaTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon