Kabanata VI

187 21 0
                                    

"MAGKASINTAHAN ba kayo ni Ning?" Nagulat ako sa itinanong niya. Hindi ko alam kung bakit hindi pa rin ako nasasanay sa ganitong tanong kahit lahat ng kaibigan at kakilala namin ay natanong na ako tungkol sa aming dalawa ni Ningning.

Lahat, maliban kay Pael—naalala ko bigla. Ah, kaya siguro.

"Hindi," sagot ko. "Matalik na magkaibigan lang kami ni Ningning."

"Pero mahal mo ba siya? Liligawan mo ba siya?" magkasunod na tanong niya.

"Hindi. Bakit?" Parang alam ko na yata ang pinatutunguhan nito.

"Mahal ko siya. Matutulungan mo ba ako?" tanong niya.

Natahimik ako. Nakakagulat pa rin kahit may kutob na ako.

"Fer, maaari ba? Matutulungan mo ba ako kay Ning?"

"Oo. Sige. Paano mo ba gustong tulungan kita?"

"Hindi ko nga rin alam, e. Saka na natin pag-isipan. Sapat na sa akin, sa ngayon, na pumayag kang tulungan ako."

Ngumiti ako sa kanya. "Magiging masaya ako kung magiging magkasintahan kayong dalawa ni Ning."

Ngumiti rin siya."Salamat. Ikaw, wala ka pa bang nagugustuhan?"

"Si Cita pala, kilala mo ba kung sinong gusto niya?" Hindi ko napigilang magtanong.

"Ha?" bulalas niya. "Sa bagay, baka dapat mo na rin malaman."

"Malaman ang alin?" tanong ko.

"Mahal ka ni Cyn. Hindi mo ba napapansin? Palagi ka niyang nilalapitan kahit parang wala ka naman gana sa kanya. Akala nga namin kaya ka palaging tahimik ay nangungulila ka kay Ning."

Nananaginip ba ako? Tama ba ang mga naririnig ko? Gusto kong suntukin ang sarili ko para malaman kung totoo ba talaga ito. Paano ako naging bulag at manhid sa nararamdaman ni Cita?

"Fer?" basag niya sa katahimikan.

"Nabigla lang ako, pasensya na."

"Huwag mo sana siya iwasan dahil dito." Nakita ko ang pag-aalala sa mga mata niya. "Wala naman masama ro'n. Hindi ka naman obligadong mahalin siya pabalik. Hayaan mo na lang siya. H'wag ka sana umiwas."

"H-hindi, hindi ko gagawin 'yon. Mahal ko siya, mahal ko rin siya."

NAKITA ko sa mukha ni Ning ang labis na pagkabigla sa sinabi ko. Napaisip tuloy ako kung mali ba ang paraan ng pagkakasabi ko sa kanya ng tungkol sa espesyal na nararamdaman ni Pael sa kanya.

"Ano?" gulat na tanong niya sa akin. "'Di ko gaanong narinig."

"Mahal ka raw ni Pael," ulit ko. "Mapagbibigyan mo ba siya?"

"Ha?" Halata sa mukha niya ang pagkalito.

"Gusto ka raw niyang ligawan, sabi niya sa 'kin."

"Hindi p'wede, e. Hindi p'wede kasi... b-baka magalit si Tiya Fely."

"Bawal ka raw ba magpaligaw?"

"Oo. Bawal. Sige, kailangan na naming umuwi. Hanggang sa muli!"

Lumabas si Pael sa tinataguan niya. "Bawal pala siya."

"Oo nga. Maghintay ka muna na makapagtapos siya."

"Paano kung may mauna sa akin?"

"Wala 'yan. Pati bawal pa siya, 'di ba? Pa'nong may mauuna?"

"Tama ka. Ikaw? Hindi mo ba liligawan si Cyn?"

"Ayoko pa. Hindi ko pa kasi alam kung paano."

"Teka, si Cyn iyon, ha." Itinuro niya si Cita. May dala itong timba.

Tumakbo ako sa kanya at kinuha ito. "Sampaguita?"

"Oo," nakangiting tugon niya. "Ititinda ko ito kapag nagawa ko na."

"Hindi ka na mangangalakal?" tanong ko.

"Mangangalakal pa rin. Kapag ubos na 'to."

"Ang sipag mo naman," nakangiting puri ko sa kanya.

"Kailangan, e. Manganganak na si Nanay, mga isang buwan siguro mula ngayon, hindi na siya p'wedeng magtrabaho."

"Gusto mo tulungan ka namin ni–" Nilingon ko si Pael sa kinatatayuan namin kanina. Wala na siya roon.

"Nino?" tanong ni Cita.

"Wala. Ibig ko sabihin, tutulungan kita. Kung... kung ayos lang."

Ngumiti siya. "Sigurado ka, Fernan? Sige ba."

TATLONG linggo ko nang tinutulungan si Cita sa pagtitinda ng sampaguita. Pagkatapos namin maipaubos ang mga ito ay sabay kaming nangangalakal. Masaya ako sa ganitong sistema. Hindi man niya alam na may pagtingin din ako, wala man kaming relasyon, ay masaya ako ngayon kasama niya. Natutuwa ako dahil nagkalapit kami muli katulad noong mga bata pa kami. Para bang nagbalik ang panahong ng kasal-kasalan.

Wala kami kinita ngayon sa pangangalakal. Hapon na kasi. Sampung piso lang ang kinita namin kaya hindi na ako nakihati. Umuwi ako sa bahay nang walang dala kung hindi ang pagod kong katawan.

Nadatnan ko si Kuya Roberto na nakaupo sa sahig. Hindi ko alam kung bakit pero nakaramdam ako ng kaba. May kakaiba kay Kuya ngayon. Hindi ko lang mawari kung ano.

"May dala ka bang pagkain?" tanong niya, seryoso ang mukha.

"Wala po," nakayuko akong sumagot. "Wala po akong kinita eh."

"Lintik!" sigaw niya sabay hagis ng bote ng alak. "Bakit wala?"

Noon ko lang napansin na umiinom pala ng alak ang kapatid ko.

"Umiinom ka na rin, Kuya?" Naglakas-loob akong magtanong habang nanginginig. "H-hindi mo naman ginagawa 'yan dati."

Hindi siya sumagot. Napansin ko na dumudugo ang kanang kamay niya. Nanginginig kong inabot iyon.

"A-anong nangyari sa 'yo, Kuya?"

"Wala kang pakialam! Makaalis na nga! Pesteng buhay 'to!"

Ibinalibag niya ang bote ng alak. Nabasag iyon.

Mabilis na nakalabas ng bahay si Kuya. Halos magiba ang maliit at marupok naming bahay sa pagbalibag niya ng pinto.

Nilinis ko ang kalat na iniwan niya. Nahiwa pa ng bubog ang tuhod ko ng hindi ko ito mapansin at aksidenteng maluhuran habang pinupunasan ang alak na nagkalat sa sahig.

"Gutom na ako," narinig ko si Itay. "Fernan! Roberto!"

"Ito pa isa," naisip ko habang nakatingin sa bumubukas na pinto.

"Saan po kayo galing, Itay?" magalang na tanong ko.

"Wala kang pakialam kung saan! Pagkain ang gusto ko!"

"W-wala po tayong makakain ngayon, Itay, e."

"Lintik! Anong wala? Peste! Wala talaga kayong mga silbi!"

Lumabas ulit siya. Naiwan akong nakaupo sa sahig habang nakatingin sa nakabukas na pintuan. Nagpatuloy sa pagdurugo ang tuhod ko. Dama ko ang pag-agos nito sa kamay na nakatakip sariwang sugat ko. Sa isip ko, nakita ko ang mukha ni Inay. Napaluha ako.

***

(Ang Cynthia ay nailathala sa pahayagang Balita, ang tabloid ng Manila Bulletin, simula 2013 hanggang 2014.

Ang pagkopya ng anumang bahagi ng nobelang ito nang walang credit sa manunulat ay labag sa batas.)

CynthiaWhere stories live. Discover now