"Hay, nako." Biglang nagsalita si Gwendelyn. "Nakakapagod namang makipaghabulan sa inyo. Prinsesa Andromeda, maaari bang kayo na lang ang bahala sa kanila?" nakangiting baling nito kay Eda.

"Mauuna na ako sa taas ah." Sa isang iglap, pare-pareho kaming nagulat nang maglaho si Gwendelyn sa kinatatayuan kasama ang liwanag na taglay niya. Parang isang bula.

"A-anong nangyari?" saad ng isang guard.

"Nasaan na siya?"

Nagpalinga-linga sila sa paligid upang hanapin si Gwendelyn. Ang isa sa kanila ay bumaling sa amin. "K-kayo? Saan siya nagpunta? E-engkanto ba kayo?" nagigimbal na tanong nito.

Imbes na sumagot ay napalingon kami ni Eda sa dalawang guards na papaakyat na papunta sa amin. Sila iyong guards na humahabol sa amin kanina. Mukhang nakabawi na sila.

"Lagot kayo kay Mrs. Del Carpio kapag nalaman nila ito!" sigaw ng isa sa kanila.

Nagmadali kaming tumakbo ni Eda palayo sa kanila ngunit sinalubong naman kami ng apat pang guard na naghahabol kanina kay Gwendelyn. Nakangisi pa ang mga ito habang dahan-dahang pinapalibutan kami.

"Uunahin na lang namin kayong huliin, bago ang isang 'yun," pananakot ng isang guard. Mukhang ito 'yung head nila.

Nang makakita ako ng pagkakataon ay hinila ko si Eda at agad kaming pumasok sa isang nakabukas na elevator. Nagmadali akong pindutin ang mga button nito ngunit hindi ito gumagana. "Tsk! Brownout!" singhal ko sa sarili nang mapagtantong nawalan nga pala ng kuryente kanina matapos kumidlat. Hindi ko naman inaakalang pati sa Casa Simeon ay walang kuryente.

Napadako ang tingin namin sa mga guards na nakaabang na sa labasan ng elevator. Napaatras na lang ako kay Eda at tanging malalalim na paghinga ang namutawi sa pagitan namin sa ilang segundo.

"Tatakas pa kayo. Ngayon makikita niyo ang kalalagyan niyo," habol-hiningang sambit ng head guard nila.

"Eda, maglaho ka na," halos bulong na suhestiyon ko kay Eda habang nakatutok ang mga tingin namin sa guards. Mukhang naghihintay lang sila ng tiyempo para dakipin kami.

"Limitado ang kapangyarihan ko Eda. H-hindi ko kayang gawin ang ginawa ni Auriga," paputol putol na tugon ni Eda sa pagitan ng kaniyang paghangos. Halatang napapagod din siya dahil sa patuloy na paglabas ng mga kapangyarihan niya.

"Anong ibinubulong-bulong niyo diyan? May sa engkanto siguro talaga kayo!" sumbat muli ng head guard. Sinenyasan niya ang mga kasamahan niya. "Hulihin niyo na sila!"

Napakapit na lang ako kay Eda hanggang sa maramdaman ko ang mas malakas na pwersa ng kapangyarihan niya. Nasulasok ng liwanag ang loob ng elevator at sa isang sigaw ni Eda ay buong lakas na lumabas sa kaniya ang isang malakas na pwersa na tumangay sa mga guards palabas. Maging ako ay nakabitaw kay Eda at tumama sa dingding ng elevator.

Unti-unting humupa ang malakas na liwanag at nakita ko na lamang na nakakalat ang mga walang malay na security guards sa labas ng elevator. Napahawak pa ako sa nanakit kong balikat bago nakabawi ng lakas. Halos paluhod na akong lumapit kay Eda na humahabol din ng kaniyang hininga. Muntikan pa siyang bumagsak sa sahig pero agad ko siyang nasalo.

"Kaya mo pa ba Eda?" tanong ko sa kaniya habang inaalalayan siya.

Ilang segundo siyang bumawi ng paghinga at saka napalunok. "Oo, halika na," aniya.

Lumabas kami ng elevator habang hawak-hawak ko siya. Walang malay ang mga nakatumbang guards kaya napanatag kami. Nagtungo kami sa hagdan at nag-umpisa muling umakyat dito.

Habang mas tumataas kami ni Eda ay mas nararamdaman ko ang pananakit ng katawan ko. Tila bumibigat na rin ang bawat mga hakbang ko. Maging si Eda ay nanghihina na rin.

Till I Rewrite The Stars (Under Revision)Where stories live. Discover now