CHAPTER 22

4 0 0
                                    


"Sandali!" Inabot sa akin ni Ate Rossy ang isang papel na may nakalagay na number. "Tawagan mo ako kapag kailangan mo ako, okay?"

Sa huling pagkakataon ay niyakap ko siya ng mahigpit. "Salamat po."

Tumatakbong tinungo ko ang kotse kung saan balisang naghihintay si Ate Rossy. Malakas na isinara ko ang pinto at nag-seatbelt. Pinaharurot agad ni Ate Rossy ang sasakyan na tila hinahabol.

Maliban sa sinabi niya kaninang alam na ni Megan, wala na siyang iba pang sinabi. Tuluyan na siyang nilukob ng takot sa maaaring mangyari na siya lang ang nakakaalam.

"Ellah, ihahatid lang kita sa mansyon pagkatapos ay uuwi ako sa amin. Huwag kang aalis sa bahay at huwag kang gumawa ng mga bagay na pagsususpetyahan niya."

"Ate, sabihin mo sa akin ang nangyayari."

"Ellah," pumiyok ang boses niya. Huminga siya ng malalim at kinalma ang sarili, hindi hinayaang mangibabaw ang pagkabahala.

Awa at takot ang nararamdaman ko para sa kanya na hindi ko ipinapakita para hindi na lumala pa ang tensyon. Pero sa loob ko, nakakabinging ang sigaw sa akin ng utak ko. Kasalanan ko ito! Ang lahat ng nangyari at nangyayari sa mga tao sa paligid ko. Ngayon, si Ate Rossy na naman!

"Hindi ko alam kung paano niya natuklasan na tinutulungan kita. Siguro dahil sa sulat. O sa Olay na 'yon."

"Anong sinabi niya, Ate?"

"Nag-text siya. Ang sabi niya dahil sa ginawa ko, babawiin na niya ang binigay niya. Hindi ako sigurado sa sinasabi niya pero kailangan kong umuwi sa bahay para tingnan si Papa. Baka anong mangyari sa kanya."

Kasalanan ko 'to. Kasalanan ko 'to. Kung hindi sana kumampi sa akin si Ate Rossy, hindi mangyayari ito. Paano kung mapahamak ang Papa niya? Dahil sa akin, mapapahamak ang Papa niya!

"Ate, bababa na lang ako dito. Dalhin mo na lang ang kotse—"

"Hindi pwede. Baka malaman niya."

Pumailanlang ang katahimikan sa amin, parehong nalilito sa maaaring mangyari. Sinumbong ba kami ni Nang Olay? Kung oo, paano niya nalaman? Saan niya kami nahuli? Maingat naman kami sa mansyon ah?

"Nasabi ko na sa'yo, 'di ba? Baliw ang babaeng 'yon. Kaya kahit anong mangyari sa kahit na sino, h'wag mong sisisihin ang sarili mo."

"Paanong hindi ko masisisi ang sarili ko, Ate? Dahil sa akin kaya ka nagkakaganito ngayon. Kung hindi mo ako tinulungan—"

"Wala kang kasalanan! Alam mo 'yan, Ellah! Kahit kailan huwag mong isisi sa sarili mo ang nangyayari. Biktima lang tayong lahat dito. Biktima ng taong 'yon," matigas niyang sabi.

Marahas na sumandal ako sa upuan at napapikit. Ayokong umiyak, ayokong panghinaan kami ng loob. Pero ito na naman siya, may ginagawa na naman siya!

Mabilis kaming nakarating sa mansyon at ipinarada niya sa garahe ang kotse. Mabilis siyang bumaba at umikot para yakapin ako ng mahigpit. Matigas ang ekspresyon niya. Alam kong pinapatatag niya lang ang loob niya.

"Tatawag ako, okay? Kapag may mangyari sa akin," lumunok siya at hinawakan ang balikat ko ng mahigpit. "Pumunta ka sa sikretong silid. Kapag may nangyari sa akin, hanapin mo ang isang pulang box. Pwede mong magamit iyon kung sakali. Maliwanag ba?"

"Ate, ipangako mo na walang mangyayari sa'yo. Ipangako mo!" nanginginig ang katawan ko. Natatakot sa antisipasyon ng sinasabi niya. Hindi siya pwedeng mamatay! Hindi ko kakayanin na may mamatay pa ng dahil sa akin!

"Ellah, hindi ko maipapangako iyan. Ang tandaan mo, huwag na huwag kang susuko. Alam kong malapit ka na sa kanya. Malalaman mo rin kung sino siya. Kailangan mo lang maghintay sa tamang panahon. Aalis na ako."

CHASE (Drama-Mystery)Where stories live. Discover now