CHAPTER 12

6 0 0
                                    

Pagkagising ko ay merong nakalagay na pulang card sa aking bedside table. I don't know what's gotten into me but I never dared to touch the tip of the paper. I ignored it, like before. Siguro ay dahil alam ko na kung ano ang nakalagay doon—pananakot.

Iyon din ang dahilan kaya nagising ako ng mas maaga. Kung may mangyayari nga mamaya sa school, kailangan kong ihanda ang sarili ko. Mukhang desperado na si Megan na masaktan ako ng sobra. Kaya hindi mga tao sa paligid ko ang peperwisyuhin niya kundi ako.

Matapos mag-ehersisyo at gawin ang mga kicks na ginagawa ko minsan noon, naligo na ako at nagbihis ng jeans at cotton t-shirt. Nagdala rin ako ng extrang damit kung kakailanganin.

Sa kusina ay abala sa pagluluto si Manang Tes habang nag-aayos ng mesa si Ate Sari.

"El, magandang umaga!" bati ni Manang Tes na nginitian ko lang.

"Maupo ka na, El. Malapit ng maluto ang ulam." Ipinaghila ako ng upuan ni Ate Sari.

Marami akong kinain sa almusal. Nagbaon rin ako ng ulam at kanin para hindi na ako bumili mamaya. Bago umalis ng bahay ay pinaalalahanan pa ako ni Manang Tes na mag-ingat na lihim kong inirapan. Manloloko! Magbabayad ka rin sa ginagawa mong kasamaan!

Gaya ng dati ay hinatid ako ni Ate Sari. Nang tumigil sa entrada ng paaralan ang kotse ay saka ko lang naramdaman ang magkahalong kaba at galit na kanina ko pa pala iniignora.

"El, magiging okay din ang lahat. At saka, tandaan mo ang sinabi ko na tawagan mo ako kapag kailangan mo ng tulong ko? Promise, darating ako."

Tumango ako bilang sagot at lihim na lumabas ng kotse. Ano man ang mangyari sa akin, uuwi akong mag-isa. Hindi siya pwedeng tumulong dahil baka pagsuspetyahan siya.

Hindi ko magawang makapokus sa klase. Nakikiramdam ako sa paligid, sa mga taong dumadaan sa labas ng kwarto. Napapatitig din ako ng matagal sa mga matang nakakasalubong kong tingin buong umaga. Pero higit sa lahat ay sensitibo ako sa bawat galaw ng babaeng nasa likuran ko. Pagpasok ko kanina, normal naman ang inaakto niya kaya mukhang wala pa siyang gagawin sa ngayon.

Huminga ako ng malalim at tumitig sa white board, nilulukob na naman ng malalim na pag-iisip ang utak ko.

Alam ni Megan na kaya kong protektahan ang sarili ko, na hindi sapat ang dalawang gangsters na iyon para labanan ako. Sino-sino ang ipapaharap niya sa akin ngayon? Marami ba sila? Kasama ba si Aya? Hindi ko alam kung bakit siya pinagtulungan noon ng dalawang kasama niya na sumasamba kay Megan pero sigurado ako na magkakampi sila. May posibilidad na nandoon siya mamaya. Dito ba sa paaralan o di kaya ay sa labas? Kaya ba nilang gumawa ng eksena sa harap ng mga estudyante o hindi?

Hanggang sa matapos ang klase sa hapon ay doon lang umikot ang isipan ko. Lumala lang dahil walang nangyaring kahit ano noong tanghalian.

Magkasalubong ang kilay na tinahak ko ang pasilyo, ang daan palabas ng gate. Akala ko ay wala na talagang mangyayari pero mabilis akong hinarangan ni Aya. Mukhang hinabol ako mula pa kanina sa classroom.

"Bakit?" supladang tanong ko. So tama nga ako, kasama siya.

Hinihingal na hinawakan niya ang balikat ko kaya bahagyang napaatras ako.

"Ano ba, Aya?" Ito ba ang pakulo nila? Ginagawa nilang pain ang babaeng ito para dalhin ako sa lugar na pinili nila.

"Shh, Ellah, hindi ka pwedeng dumaan sa gate kasi may nagbabantay sa 'yo," bulong niya na ikinakunot ng noo ko.

"Ano?"

Hindi ako makapaniwala sa sinasabi niya. Teka, tinutulungan niya ba ako?

Natatarantang tumingin siya sa dulo ng pasilyo na parang balisang-balisa. Natawa na lamang ako sa sarili ko. Ang galing niyang umarte, ah? Pero hindi effective para sa akin!

Tinabig ko ang kamay niya sa balikat ko at mabilis na naglakad paalis. Malas lang nila at si Aya pa ang ginawa nilang pain, dahil mabubulilyaso ang plano nila.

"Ellah!" tawag pa ni Aya pero hindi na nakahabol sa akin dahil hinarangan siya ni Louwell na mukhang kanina pa nakamasid.

Gayunpaman, hindi ko magawang hindi maniwala sa sinabi niya na may nagbabantay dito sa labas. Malakas ang tahip ng puso ko habang papalapit na ako sa gate. May mga kasabay akong estudyante na lumalabas at lahat sila ay minamatyagan ko.

Nakalabas ako ng payapa, ngayon ay sa sakayan na ako ng jeep papunta. Walking distance lang naman pero may mga eskinitang madadaanan. Sinubukan kong sumabay sa iilang estudyanteng naglalakad. Pero hindi pa man ako nakakasabay sa dalawang babae ay merong umakbay sa aking dalawang malalaking braso. Umatake sa ilong ko ang matapang na amoy ng perfume kaya nalaman ko agad na lalaki ang lumapit sa akin.

"Hi, miss, baka gusto mong sumama sa amin?" mahinang bulong ng isa sa tenga ko.

Nanlamig ang buo kong katawan pero sinubukan ko pa ring kumawala sa pagkakaakbay nila, lalo pa at unti-unting pinapasok nila ako sa isang hindi pamilyar na eskinita. Ramdam ko ang pwersang hindi ko magawang salungatin.

"Bitawan niyo nga ako!" sigaw ko.

"Shh, kapag nagpasaway ka raw, may mapapahamak. Kaya sumama ka na lang, hm?" Inamoy pa ng isa ang buhok ko kaya kinilabutan ako ng matindi.

Ito ba ang sinasabi ni Megan? Ibig sabihin, walang panggugulpi na mangyayari? Bakit dalawang lalaki itong humihila sa akin? Naluha ako at tuluyang nagpumiglas sa kanila dahilan para lalong humigpit ang hawak nila sa braso ko at sapilitan pa akong hinila sa mas kailaliman ng eskinita. Walang mga bahay. Dead-end. Bakit may ganitong lugar dito?!

Sinipa ko ang lalaki sa tuhod kaya napaluhod siya at nabitawan niya ang isa kong kamay. Isusuntok ko na sana sa isa pero naunahan niya ako. Umigkas ang palad niya sa pisngi ko na halos mamanhid iyon. Ang tunog ay tila umalingawngaw sa aking pandinig.

Pinigilan kong maluha, pinigilan kong maiyak kahit na may takas ng butil sa aking pisngi. Nilabanan ko pa rin ang kahinaang unti-unting nagpapakita.

"Kayo ang pinadala niya? Ha! Nalakahiya naman at kailangan pa niya ng mga lalaki para pabagsakin ako."

Isa lang ang pinaghuhugutan ko ng tapang ngayon, ang galit ko. Kaya kahit na nasa ganitong sitwasyon ako, pinili ko pang magtapang-tapangan. Tama, ano naman ang kwenta kung magmakaawa ako sa kanila? Siguradong isa lang ang misyon ng mga gagong ito at kung nakaya nilang gawin ito, siguradong hindi ko na mababali ang desisyon nilang sugurin ako.

"Sinong nagsabi na sila ang makakaharap mo?"

Napalingon ako sa daang pinanggalingan ko kanina. Lumitaw doon ang limang babaeng sa unang tingin pa lang ay malalaman mo ng kasali sa gang. Ni hindi ko alam kung nag-aaral ba sila rito? Pero namumukhaan ko ang dalawang babae na nasa gitna. Ang dalawang seniors na nanggulpi kay Aya. Hindi nga pala talaga ako nagkamali, dahil nandito talaga sila.

Nakangising umatras ang dalawang lalaki at nanigarilyo pa sa isang gilid, nakabantay na lang sa mangyayari. Umusbong lalo ang galit na nararamdaman ko. Dahan-dahan akong tumayo at matalim silang tiningnan.

"Nahihiya naman ako sa dami ninyo," panunuya ko.

Kumunot ang noo ng isang babae sa likuran nila at natawa.

"Ang tapang nito Marga, ah? Hoy, hindi ka ba natatakot sa amin?"

Muntik na akong matawa kaya pinakita kong tinakpan ko ang bibig ko sa harapan nila. Halatang nainsulto ang nagsalita at umabante agad na parang susugod na pero pinigilan siya ng isang senior. Tumingin sa akin at ngumisi.

"Ano pang nginingisi mo riyan? Alam ko namang ganting-ganti ka na dahil inupakan ko kayo nitong kasama mong lampa!" Dinuro ko pa ang katabi niya.

Lahat yata sila ay nainsulto sa sinabi ko at gustong-gusto ng sumugod. Kumuyom ang mga palad ko, unti-unting nanginig, kasabay ng pag-apaw ng sobrang galit sa puso ko. Galit na matagal kong kinimkim, ngayon mailalabas ko na.

Hilam sa luha ang mga mata, ngumisi ako ng may panunuya. "Ano na? Kasi ako, ganting-ganti na rin!"

Hindi na nagtagal pa at nag-uunahan silang sumugod sa akin. Dumakma ang pagkakataon kong ilabas ang lakas kong uhaw sa hustisya.

CHASE (Drama-Mystery)Where stories live. Discover now