Hindi ganoon kalala ang mga sugat ni Max liban sa hiwa niya sa braso. Ginamot agad iyon at nilagyan ng gamot.

"Kailangan mo pang ma-X-ray para malaman natin kung may bali ka," sabi ni Rayson habang pinanonood na bendahan ang braso ni Max.

"Anong nangyari kay Mama? Bakit nagkagano'n sya?" balisang tanong ni Max na kanina pa tulala.

Isang malalim na hininga ang pinakawalan ni Rayson dahil sa tanong na iyon.

"Ang totoo, ito ang unang beses matapos ang isang dekada na tatanggap siya ng dugo mula sa kapatid mo. Hindi namin inaasahan na ganito ang mangyayari," sabi ni Rayson.

"Kasalanan ba ng dugo ni Arjo?"

"Hindi ko alam na mangyayari ang ganito. May side effects ang transfusion sa kaniya. Masyado nang lumala ang kaso ng katawan niya, hindi na kaya pa ng katawan niyang tanggapin ang dugo."

Napatingin sa kanya si Max.

"Pero bakit . . . bakit sinasabi niyang hindi niya 'ko anak? At sinabi niyang siya raw si Erah."

Nagkibit-balikat din si Rayson. "Hindi ko alam. Ngayon lang 'to nangyari."

"Pero parang alam ni Papa."

Napailing na lang si Rayson para sabihing hindi niya alam. Tiningnan niya sandali ang relo. Pasado alas-nuebe na.

"Ang importante naman, naisalin ang dugo. Makakatulong 'yon kahit paano sa mama mo."

Tumango na lang si Max dahil kahit paano'y nakatulong din pala ang plano niya kahit na nagkaproblema.

"Tara na, iuuwi na kita sa inyo. Baka kung ano pang mangyari kung magtatagal ka pa rito," aya ni Rayson.



Sa kabilang banda . . .



Tapos nang maasikaso ng mga nurse si Armida. Nakaupo si Josef sa gilid ng kama at nakatingin lang sa mukha ng asawa niyang bumalik na ang dating kutis nito. Kung pagtatabihin sila, mas mukha pa itong kaedad ng panganay niya kaysa asawa.

Hindi niya alam kung sino ang unang iisipin. Napansin niya naman kanina si Max kaso mas nag-aalala pa rin siya sa asawa niya. Hindi niya inaasahang aatakihin ito sa oras na wala siya sa paligid.

Hinawakan niya ang kamay nito.

Ang layo na ng kutis at kinis ng kamay ni Armida kompara kaninang umaga nang huli niya itong makita.

Ganoon kalaki ang epekto ng dugong kailangan ng asawa niya para sa katawan nito.

Unti-unting itong dumilat kaya biglang nabuhayan si Josef.

"Armida . . ."

"Josef . . ."

"Armida, kumusta na ang pakiramdam mo?" mahinahong tanong ni Josef nang dumulog sa asawa.

"Josef, nasaan ako . . . ?"

"Sa ospital. Nag-collapse ka na naman."

Unti-unti itong bumangon kaya inalalayan na siya ni Josef para hindi siya mahirapan.

"Ospital . . ." Tiningnan niya ang paligid. Simpleng kuwarto lang iyon, walang kahit anong naroon maliban sa upuan at hinihigaan niyang kama.

Napanguso siya at curious na tiningnan si Josef.

Nagbago ang reaksiyon ni Josef at napalunok nang makita ang kilos ng asawa niya.

"Josef, bakit parang tumanda ka lalo?" nagtatakang tanong nito sa mas matinis na boses.

Nanlaki ang mga mata ni Josef dahil narinig na naman niya ang timbre ng boses na iyon ng asawa niya.

Matagal na panahon na rin. Sobrang tagal na panahon. At alam niyang isang tao lang ang nagmamay-ari ng ganoong tono ng pananalita.

"J-Jocas?" hindi pa niya siguradong tawag sa asawa.

"Bakit?" may ngiti nitong sagot.

Napapikit at napayuko na lang si Josef. Parang binarahan ang lalamunan niya at pinigil ang paghinga niya dahil sa isinagot nito.

"Jocas . . ." sagot niya sa sarili habang tumatango.

Nanginig bigla ang labi niya at hindi na alam kung ano na ang susunod na sasabihin.

"Ayos ka lang?" tanong pa nito.

Dahan-dahang nagbuga ng hangin si Josef at nalito na. Hindi na niya alam kung paano ito kakausapin. Halos dalawang dekada rin niya noong huli itong makausap. Ganoon na katagal.

"B-Bakit ka—" Natigilan na naman si Josef. Nailang itanong kung bakit ba ito lumabas samantalang matagal na dapat itong wala sa katawan ni Armida. "Paano ka nakabalik?"

"Uhm . . ." Itinutok nito ang hintuturo sa ilalim ng ibabang labi at tumingin sa itaas na para bang nag-iisip. "Kasi nakikita namin siya."

"N-Nakikita n'yo siya?" takang tanong ni Josef. "P-Paanong nakikita n'yo siya?"

"Hinahanap niya kami."

"Nino?"

"Ni Milady."

"S-Si Armida?"

Mabilis lang itong tumango.

"Bakit?" Lalong nalito si Josef. Hindi niya nasusundan ang sinasabi nito.

"Babalik na kami."

"B-Babalik saan?"

Nagkibit-balikat lang si Jocas at ngumiti nang sobrang tamis. Iyong klase ng ngiti na hindi kayang gawin ng asawa niya dahil nakakatakot ito kung matuwa.

Hindi alam ni Josef kung matutuwa ba sa nangyayari o hindi. Si Armida ang gusto niyang makausap, hindi si Jocas.

Hinawakan nito ang magkabilang pisngi niya at ngumiti na naman ito nang sobrang tamis. Napakainosente, klase ng ngiti na parang hindi gumagawa nang masama. Parang ngiti ng batang naglalambing.

"Josef, bakit mukhang nag-aalala ka?" tanong pa nito.

Biglang umiwas ng tingin si Josef at napayuko. Hinawakan niya ang magkabilang kamay ni Jocas at ibinaba iyon. "Jocas . . ."

"Yes, husband?"

Mariing napapikit si Josef sa pagtawag nito sa kanya. Ayaw ni Armida ng mga endearment kasi naiirita ito sa ganoong kaartehan. Hanggang maaari, milady at mama lang ang tinatanggap nito o di kaya ay buong pangalan.

"Uhm, mapapalabas mo ba si Armida ngayon?" pakiusap niya.

Kahit nakangiti, umiling lang ito. "May kinakausap siya."

"Ha?" Lalong nalito si Josef sa sinabi nito. "K-Kausap? Sino?"

"Si Jin."

"Kausap niya si Jin? At nandito ka?"

"Malapit na kaming bumalik. Malapit na malapit na . . ."

At kung ano man ang sinasabi ni Jocas, hindi niya iyon naiintindihan. At kung babalik sila? Paano iyon mangyayari?

"Alam mo kung kailan siya babalik sa . . . katawang . . . ?" Hindi niya matapos-tapos ang sinasabi.

Itinutok lang ni Jocas ang hintuturo sa bibig para sabihing huwag maingay si Josef. "Babalik siya. Babalik kaming lahat."

Secrets of the Malavegas (Book 7)Where stories live. Discover now