"Ang lakas naman!" sabi ko at mabilis na inalis ang earpiece sa tenga ko.

Tinawanan nya ako at may pinindot sa cellphone nya bago inalis ang pagkakasaksak ng earphones doon at itinago sa bulsa nya. Tumayo sya at naglahad ng kamay sa akin na tinanggap ko naman.

"Naiirita kasi ako sa katabi kong kanina pa nagpapapansin sakin." sabi nyang nakangiti pa talaga!

Napatingin tuloy ako doon sa babaeng katabi nya na alam kong narinig ang sinabi ni Gray. Namula ang mukha sa pagkapahiya. Hinampas ko tuloy ang braso ni Gray na natatawang dumaing.

"Tara na nga!" sabi ko at nauna nang maglakad palabas. Mabilis naman nya akong sinundan.

Isa pa 'tong si Gray na parang kabuteng bigla na lang sumulpot sa buhay ko. Sya na kasi ang tumitira doon sa condo unit ni Sir Creed. Tapos palagi nya pa akong hinahatid sa pagpasok at pag uwi ko kapag nagtatrabaho ako sa law firm. Nang tinanong ko naman kung bakit nya ginagawa iyon, ang sinagot nya ay dahil daw bored sya sa buhay nya at ang buhay ko daw ang guguluhin nya.

Eh, kung sya kaya ang ginugulo ko? Magulo na nga ang buhay ko tapos guguluhin pa nya? Ang gulo nya!

Sa huli ay nasanay na lang din ako. Ang kulit, eh. Noong unang araw ay pinagpilitan nya pa talaga akong isakay sa kotse nya! Binuhat nya ako noon na parang isang sako ng bigas! Sinumbong ko sya sa guard pero mukhang close sila ni kuya guard! Napahiya pa tuloy ako. Kaya ayun. Kapag sinabi nyang ihahatid nya ako ay hindi na ako nagrereklamo.

"Libre mo ako ng dinner." sabi nya habang nagmamaneho at nakita ko na nilagpasan nya ang building kung nasaan ang condo unit.

Ang galing-galing. Hindi man lang tinanong kung ililibre ko nga sya.

"Wala akong pera." sabi ko kahit meron naman. Hindi kasi ako ang nagbabayd ng kuryente at tubig sa condo unit ko. Malamang ay si Sir Creed na naman.

Napakamot si Gray sa batok nya. "Kahit kwek-kwek na lang? Pasasalamat mo na lang sa pagbabantay ko sayo."

"Hindi ko naman sinabing bantayan mo ako."

"Basta! Magpasalamat ka!"

Ay, bwisit! Pumayag na lang ako! Wala naman akong magagawa dahil nandito ako sa kotse nya. Baka ibangga pa nya kapag hindi ako pumayag.

Nang makakita kami ng bilihan ng tusok-tusok ay ipinarada nya ang sasakyan. Mabilis syang bumaba na parang wala syang kasama at agad na dumiretso sa kariton ni Manong na nagtitinda.

"Manong, sampung kwek-kwek po tsaka bente pesos na fishball. Sya po magbabayad." at itinuro pa talaga ako ni Gray nang makalapit ako.

"Sabi mo kwek-kwek lang!"

"Fishball na din."

Naiinis na dumukot ako ng pera sa wallet ko. Pambihira 'tong lalaking 'to! Kaya nga ako hindi na nag-overtime para makatipid pero binuburaot nya naman ako!

"Ikaw?" tanong pa nya habang inilalagay sa baso ang mga kwek-kwek. Ipapa-take out pa yata.

Umiling ako. "Nakakahiya naman sa dami ng binili mo. Wala na akong pera." pangongonsensya ko sa kanya na hindi naman tumalab.

Bwisit!

Nang makabalik kami sa kotse nya ay hindi nya muna pinaandar ang sasakyan. Tumingin sya sa rearview mirror at sumeryoso ang mukha nya kaya napatingin ako doon pero hindi ko naman makita kung anong tinitignan nya doon.

May pinindot sya sa dashboard screen at ilang sandali ay may narinig akong parang may nagri-ring. May tinatawagan pala sya.

"Kuya Vander. May sumusunod sa amin." sabi nya pagkasagot ng tao na nasa kabilang linya.

Chess Pieces #1: Creed CervantesWhere stories live. Discover now