Prologue

619K 14.9K 8.1K
                                    

"Maria, takbo lang! Bilis!"

Halos panawan na ako ng ulirat sa sobrang pagod at hingal dahil kanina pa kami tumatakbo. Hindi ko na nga maramdaman ang mga binti ko at ang dibdib ko ay sumasakit na sa paghingal at pagkabog ng puso ko. Pero hindi dapat ako tumigil. Hindi kami pwedeng huminto.

"Tigil!" narinig kong sigaw ng mga humahabol sa amin kasabay ng paputok ng baril. Sa sobrang gulat ay muntik pa akong madapa, mabuti na lang at inalalayan ako ng taong may hawak sa braso ko.

"Bilis, Maria! Aabutan nila tayo!" hinihingal nyang sigaw sa gitna ng pagtakbo at halos kaladkarin na ako para lang makasabay sa malalaki nyang mga hakbang. Maigsi pa ang mga binti ko na hindi pa tuluyang nahuhubog dahil sa murang edad.

"K-kuya..." napahikbi ako. "S-sina Mama at Papa..."

Bumalik sa alaala ko ang katawan ng mga magulang kong wala ng buhay. Naliligo sa sarili nilang mga dugo. Muling bumuhos ang mga luha ko pababa sa bata kong mukha. Ang mga hikbi ay naging sunod sunod.

Humigpit ang kapit sa akin ni Kuya dahil sa paghikbi ko. Naaninag kong nagpunas sya ng mga mata nya kaya mas lalong lumakas ang paghikbi ko. Pero pigil na pigil dahil ayokong kapusin ng hininga.

Lumiko kami sa isang eskinita at nakita namin ang isang abandunadong warehouse. Hinila ako ni Kuya patakbo doon. Hindi na alintana ang mga maliliit na batong sumisiksik sa mga daliri sa paa ko dahil sa suot kong sirang tsinelas.

Nang makarating sa loob ay sumalubong sa akin ang amoy ng mga kalawang dahil sa pinabayaang mga bakal doon. Sobrang lakas ng amoy pero hindi ko na nagawang pansinin. Titiisin ko ang mabahong amoy para lang makaligtas kami sa panganib na ito.

Nakakita kami ng isang kahon na may kalakahan. Kinuha iyon ni Kuya at mabilis ang kilos nyang binuksan iyon at itinabi sa gilid. Binuhat nya ako at ipinasok sa loob.

"Makinig ka, Maria." seryoso ang mga matang sabi nya sa akin. Hinihingal sya at pinilit kong intindihin ang sinasabi nya kahit na paputol-putol gawa ng paghingal. "Huwag na huwag kang gagawa ng kahit na anong ingay. Kahit ang paghinga mo ay hinaan mo."

"Kuya, saan ka pupunta?" tanong ko at hinawakan ang kamay nya nang akmang isasara nya ang kahon.

"Pareho tayong mamamatay kapag sumama ka sa akin. Kahit ikaw na lang ang makaligtas, Maria." nabasag ang boses nya at nagsimula na naman akong maiyak.

"Kuya, huwag mo kong iwan..." hikbi ko at hinigpitan ang pagkakakapit sa kamay nya. May tumulong luha sa mga mata nya na mabilis nyang pinunasan.

"Dito ka lang. Mas ligtas ka dito." sinimulan nyang tanggalin ang pagkakakapit ko sa kamay nya pero mas lalo ko iyong hinigpitan.

"Kuya, huwag... Huwag kang aalis. Huwag mo kong iwan!" humagulgol na ako. Hirap na hirap pa akong sabihin iyon dahil sa mga paghikbi ko.

Pero tinanggal pa din ni Kuya ang kamay kong nakakapit sa kanya. Walang laban ang bata kong katawan sa lakas nya. Mas lalo akong napaiyak nang pilit nya akong nilulubog papasok ng karton.

"Babalikan kita, Maria. Huwag kang lalabas hangga't hindi kita binabalikan." ang huli nyang sinabi bago tuluyang isinara ang karton.

Dilim. Iyon ang sumalubong sa akin. Wala akong makita na kahit na ano. Dinig na dinig ko ang sariling paghikbi kaya tinakpan ko ang bibig ko.

Ang sabi ni Kuya ay huwag akong gagawa ng ingay.

Kahit na nakadilat ako ay wala akong makita na kahit na ano. Para lang din akong nakapikit. Nagsisimula na akong matakot kaya mas pinili ko na lang na isara ang mga mata ko. Pero sa pagsara ay nakita ko na naman ang katawan ng mga magulang kong punong puno ng dugo.

Chess Pieces #1: Creed CervantesTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon