"Hoy! Buhay pa ba kayo?!" tanong ni Arjo habang pinipilit sumilip sa piring niya. Tumingala-tingala pa siya para makita ang ibaba ng mata.

Walang sumagot sa kanya.

"Hoy! Anak ng—! Don't tell me, iniwan n'yo 'kong mag-isa rito!"

Lalo lang siyang kinilabutan. "Mga baliw talaga kayo, paano ako aalis dito?!"

Iniisip niyang sana ay wala pang 7 ng gabi dahil gigisahin na naman siya ng Mama niya. Sinasabi pa naman nito na huwag siyang lalabas ng bahay kapag gabi na.

"Hoy! Pagagalitan ako ng Mama ko 'pag gabi na 'ko nakauwi! Pakawalan n'yo 'ko rito!" Nagpapasag pa siya, malay niya at baka biglang lumuwag ang nakatali sa kanya. "Mga letse kayo! Lalakas din ng trip n'yo, a!"

Bigla siyang nakaamoy ng mabango maliban sa alikabok kaya napahinto siya sa pagpalag.

Singhot-singhot pa.

"Hoy, pare! Alam kong pare ka! Panlalaki 'yang pabango mo! Please naman o! Pakawalan mo na 'ko rito! Hahanapin ako ng Mama ko sa 'min!"

Napansin niyang biglang lumuwag ang gapos niya sa paa.

"Oy, bro! 'Wag mo 'kong hihiritan ng joke lang 'to lahat kasi magugulpi talaga kita 'pag nakatakas ako!" warning ni Arjo.

Lumuwag na rin ang gapos sa kamay niya kaya dali-dali niyang tinanggal ang piring nang makawala.

"Hoy! Sino ba talaga ka—" Napahinto siya nang makitang nakabulagta na ang mga kumidnap sa kanya. "Teka! Anak ka ng—! Kayo yung mga retarded kong classmate sa psychology, a!"

Nilapitan niya ito isa-isa at saka sinipa sa sikmura. "Sinabi na nga ba! Mga baliw talaga kayo! Ang lalakas ng loob n'yo! Argh! Argh! Argh!"

Nang mapagod ay agad niyang nilingon-lingon ang paligid.

Wala halos laman ang bahay na iyon maliban sa upuan niya kanina.

Naamoy pa rin niya ang mabangong amoy na iyon. Mukhang may kakaiba roon. Bagsak na ang mga siraulo niyang classmate at wala na siyang makitang ibang tao sa lugar liban sa kanila.

Mukhang may nagligtas sa kanya mula sa mga classmate niya.

"Sino kaya 'yon?" tanong niya sa sarili.



Seryoso nga ang mga classmate niya sa sinabi nitong walang makakarinig sa kanya kahit anong sigaw niya dahil sobrang layo ng abandonadong bahay na iyon sa bahay nila. Labas na ng Grei Vale iyon. Wala pa ang bike niya. Wala namang bumabiyaheng sasakyan sa loob ng Vale maliban sa mga private cars kaya hindi siya makapag-commute. Kaya hayun siya at naglakad na lang talaga pauwi.

Ang tahimik ng bahay nila sa labas. Bukas ang ilaw sa front door.

Napalunok muna siya bago buksan ang pinto.

Maaga pa naman kung tutuusin. Alas-diyes pa lang naman ng gabi.

Pagbukas niya ng pinto . . .

"Uhm-hmm!" masungit na himig ang bumungad sa kanya.

Nagtakip agad siya ng mukha gamit ang kanang palad para hindi makita ang Mama niyang nakakrus ang mga braso, nakataas ang kilay, habang tina-tap ang sleeping shoes sa sahig. "Tsk!" nakagat niya ang labi dahil sa inis.

"Marunong ka palang umuwi," sarcastic na sinabi ni Armida.

Hindi na tuloy makapasok si Arjo sa loob dahil nakahambalang ang Mama niya sa pintuan.

"Ma, puwedeng pumasok mun—"

"Saan ka galing?"

"Uhm . . . " Napakamot agad siya ng ulo. "Ano kasi, Ma, e . . ." Itinuro niya ang likuran. "Traffic . . ."

"Aaah . . . oo nga pala, traffic." Tumango naman si Armida sa sagot ng anak. "Dito!" Itinuro niya ang ibaba. "Dito sa pwesto ko, tanaw na tanaw ko yung gate ng school n'yo," sabay turo doon sa HMU. "Tapos ikakatwiran mo, traffic?"

Napapikit si Arjo at pasimpleng kutos sa sarili. Hindi talaga siya marunong magsinungaling.

"A, e ano kasi . . . Ma, kasi ganito 'yan—"

"O, ngayon ka lang nakauwi?" putol ni Armida sa kanya.

Napalingon tuloy si Arjo sa likod niya dahil hindi na sa kanya nakatingin ang mama niya. Mukhang ngayon lang din nakauwi ang papa niya.

"Isa ka pa! Saan ka galing, ha?!" masungit na tanong ni Armida sa asawa niya.

"Uhm . . ." Napakamot din ito ng ulo at bahagyang tumatango. "Ano kasi, Armida . . ." Itinuro niya ang likuran. "Na-traffic ako e."

Tumaas ang kilay ni Armida sabay tap ulit ng paa sa sahig. Tiningnan nito ang kalsada. Sinilip nito ang garahe sa kanang gilid. "Nasaan yung kotse mo?"

Nagulat naman si Josef sa tanong na iyon ng asawa at saka hinanap ang kotse niya sa paligid.

"K-kotse?" Napakamot tuloy siya ng ulo nang wala sa oras. "A, e ano kasi . . . Armida, kasi ganito 'yan—"

"Enough!" putol nito. Napabuntonghininga si Armida at hindi na pinatapos pa ang pangangatwiran ni Josef. "Hindi kayo papasok hangga't hindi ko sinasabi," pokerfaced niyang sinabi sabay bagsak ng pinto sa anak at sa asawa.

"Great." Napa-facepalm na lang si Josef at napakamot na lang ng ulo si Arjo.

"Pa, bakit ba kasi kayo late umuwi?! Nagalit tuloy si Mama!" singhal na Arjo sa papa niya.

"Anak, may gawin ako man o wala, lagi namang galit ang Mama mo."

"Paano tayo papasok—" Magrereklamo pa sana si Arjo nang maamoy ang kaninang naamoy niya sa abandonadong bahay.

Hinanap niya ang mabangong iyon at nadako ang ilong niya kay Josef. Inamoy-amoy pa niya ang dibdib paakyat sa leeg nito.

"Arjo? Ano 'yang ginagawa mo, ha?" asiwang tanong ni Josef sa anak.

"Pa?" Inamoy pa ni Arjo ang braso ng ama niya. "Sa 'yo ba yung—" Amoy-amoy pa uli. "Sa 'yo ba yung pabango na 'yon?"

"Pabango?" Inamoy pa ni Josef ang damit niya. "A, ito ba? Gift sa 'kin 'to ng lola mo no'ng Christmas last year. Bakit? Hindi ba mabango?"

"Aaaah . . ." Napatango na lang si Arjo habang masama ang tingin sa Papa niya. "Uso ba 'yang pabango na 'yan, Pa?"

"Ha? I don't think so," hindi pa sigurado na sagot ni Josef. "Limited edition lang 'to ng mga Desimougne. Kami lang ang meron nito."

Napaatras naman si Arjo habang puno ng pagdududa ang tingin sa papa niya.

Naamoy niya rito ang naamoy niya kanina sa abandonadong bahay. At mukhang hindi pa common ang scent na iyon.

"Pa . . ."

"Ano na naman?"

"Yung kotse?"

"A, nando'n sa garahe." Itinuro pa ni Josef ang garahe nila.

"E di ba wala sa garahe yung—" Nanlaki ang mga mata ni Arjo nang makita ang garahe nila. Nandoon na ang kotseng kanina ay wala. "P- Paano napunta yung—" Tiningnan niya ang papa niya.

"Magic," at nginitian siya nito nang matamis. "Tara, doon tayo sa likod dumaan. OA lang talaga yung Mama mo."

"Pero naka-lock 'yon, Pa!" babala pa niya.

"Walang naka-lock na pinto pagdating sa 'kin, 'nak. Tara na."

Hinawakan siya ng papa niya sa balikat at tinangay siya nito papunta sa back door ng bahay nila.

Kapag talaga pananalisi sa Mama niya, expert na expert ang Papa niya roon. Ano pa nga ba ang aasahan niya?

Secrets of the Malavegas (Book 7)Opowieści tętniące życiem. Odkryj je teraz