UNANG YUGTO

6.5K 170 12
                                    

Binuksan ni Yvaine ang box at kinuha sa loob ang maskara na hugis paru-paro. Isinuot. Napanguso siya habang pinagmamasdan ang sarili sa salamin. Masyado yatang makapal ang kulay copper niyang lipstick.

Inabot niya ang tissue na nasa malapit. Pero hindi itinuloy ang balak na bawasan ang lipstick sa labi. Sabi doon sa pinanood niyang make-up tutorial sa youtube, mas maganda kapag makapal ang make-up sa gabi.

Ibinalik niya sa box ang Kleenex at sinipat naman ang suot niyang ball gown. Ang mama niya ang pumili niyon mula sa isang kilalang boutique sa bayan. Kulay puti at kumikinang dahil sa mga palamuting beads. Backless. Pero hindi naman siya naiilang dahil nakalugay ang mahaba at kulutan niyang buhok.

Ayaw niya na sanang sumali pa sa Masquerade ball ngayong gabi sa school nila. Pero masyadong atat ang mama niya. Minsan lang daw niya mararanasan iyon habang nasa high school siya kaya hindi dapat palagpasin.

"Yve, bakit ang tagal mo diyan? Kanina ka pa hinihintay ng traysikel sa labas." Sumilip sa pinto si Evangelyn.

"Palabas na po ako, Ma!" Sagot niyang nilapitan ang high heels niyang kulay silver at isinuot. Dinampot niya ang hand bag na nasa kama at lumabas ng kanyang silid. Masyadong apurado itong mama niya. Nagtawag pa ng susundo sa kanya.

"Mag-iingat ka doon. Huwag magmamadaling umuwi at mag-enjoy ka, okay?" Bilin ng kanyang ina at hinalikan siya sa pisngi.

Ngumuso siya. "Paano po kung aantukin ako?"

"Hindi ka aantukin doon, anak. Masaya doon." Pagbibida pa nito.

Natawa na lamang siya. Hinatid siya nito hanggang sa traysikel na nakaparada sa labas ng bakuran nila.

"Javier! Ingatan mo iyang anak ko." Bilin nito sa driver.

Javier? Nagsalubong ang mga kilay na sinilip niya ang lalaking nakaangkas sa motor. Si Javier nga! Ang anak ng may-ari ng Cinderella. Iyong boutique na pinagkukunan nila ng kanyang gown.

"Yes po!" Sumaludo ito sa mama niya at kinindatan siya. "Good evening, my lady! Prince Javier at your service. On the decree of your mother, I will escort you to the ball tonight." Yumukod ito sa harap niya. Ginagaya ang ginagawa ng mga prinsepe sa mga pelikula.

"Mama naman! Nakakahiya po sa kanya!" Reklamo niya sa ina na nakangiting nanonood sa kanila.

"Mas nakakahiya kung pauuwiin mo siya."

Binalingan niya si Javier. Nakabungisngis pa ang gagong ito. Madalas siya nitong kinukulit sa eskwelahan kapag uwian sa hapon. Sa isang exclusive private school ito nag-aaral pero laging nakatambay sa labas ng campus nila. May gusto raw itong pormahan doon at magpapatulong sa kanya. Akala yata nito kalahi niya si kupido.

"Sige na, umalis na kayo. Ingat!" Itinaboy na sila ng mama niya.

"Bye, Ma." Wala siyang nagawa kundi sumakay sa traysikel matapos halikan ang ina.

Todo-simangot siya habang binabagtas nila ang kalye papunta sa kanyang paaralan. Nakaiwas ang mukha niya kay Javier at nililibang ang sarili sa mga tanawin na nadadaanan nila.

Tahimik na ang mga kalye kahit alas-siete pa lamang ng gabi. Mula ng ipatupad ang nine o'clock curfew sa buong lungsod para sa mga minor de edad, wala ng naglalakas-loob na tumambay sa mga kalye pagsapit ng gabi. Dati talamak rito ang frat war kaya nagbaba ng ordinansa ang Sangguniang-Bayan para maagapan ang problema.

"Galit ka ba?" Tanong ni Javier na hindi na natiis ang pananahimik niya.

"Ano ba kasing ginagawa mo? Bakit ka pumayag sa pakiusap ni mama?" Sikmat niya rito.

"Bakit naman hindi? Friends tayo."

"Friends lang tayo kasi may kailangan ka sa akin." Supalpal niya.

"Ang ganda mo sana ngayong gabi pero pumapangit ka dahil diyan sa ugali mo." Kastigo nito. "Lagi ka na lang galit tuwing nagkikita tayo. Naiisip ko tuloy na baka may gusto ka sa akin." Ngumisi ito.

BGT 01: HIS X AND Y ✅Where stories live. Discover now