Tumakbo agad ako papunta sa kumpulan ng mga tao. Walang nagawa si Andromeda kundi sundan ako. Nagawa ko na ring iwan ang mga gamit dahil sa sobrang excitement ko na masaksihan ang younger version ni Estefanio Del Carpio sa personal. Isa itong dream come true kung totoo man.

Nang makarating ako sa kumpulan, wala na akong naging choice kundi makipagsiksikan na lang ako at nakipagtulakan gaya ng iba. Hindi ko na inisip kong anong iisipin ng mga tao sa akin dito basta ay makita ko nang malapitan si Estefanio Del Carpio-ang napakatagal ko ng idolo.

Lalong lumalakas ang mga hiyawan at hindi ko na alam ang nangyayari nang makarating ako sa gitna ng pagsisiksikan. Halos hindi na rin ako makahinga. Hindi rin ako ganoon katangkad kaya hindi ko masyadong maaninag ang mga tao sa unahan. Pawang mga ulo na lamang ang nakikita ko sa pagtalon-talon na ginagawa ko ngayon.

Ilang saglit pa ay mas lalong lumakas ang pagtitilian at hiyawan. Halos dumadagundong na ang buong paligid hanggang sa may sumigaw na lamang na naririyan na si Estefanio.

"WAHHH!"

"Es-te-fa-nio! Es-te- fa-nio!"

"Estefanio, my worlddd!!!"

"Del Carpio!"

"You're sooooo handsome!"

"Ahhhhh! I'm your number one fan!"

"Welcome to the Philippines!"

Kaniya-kaniyang hiyawan at sigaw ang mga fandom at heto ako, patuloy na iniinda ang ingay at pinipilit ang sariling makipagsiksikan mapunta lang sa unahan. Makita ng harapan at malapitan si Estefanio Del Carpio, okay na okay na ako.

Sa patuloy na ingay ng bawat isa ay swerteng nagawa kong makigirian at makarating sa unahan ng kumpulan ng mga tao. Parang isang malaking tagumpay na magawa kong makahinga nang maayos. Nang may pagkakataon na ay pilit kong inabot ang mga kamay ko sa mga taong dumadaan sa harap namin kahit na patuloy din sa pagpiggil ang mga security personnel sa amin, pero sa kasamaang palad, isang body guard lamang ang nahawakan ko na mukhang nainis pa yata sa akin. Naaninag ko na lang na naglalakad na palayo sa pwesto namin ang ilang mga sopistikadong tao kasama ang isang lalaking na sa tindig pa lamang, alam ko nang si Estefanio Del Carpio.

Nakita ko pang kumaway si Estefanio sa ilang mga nadadaanang fans pero hindi na ito lumingon pa. Nasa tabi niya ang isang nakapulang matangkad na babae na deritsyo lang ang tingin. Walang sinuman sa mga kasamahan at grupo nina Estefanio ang lumingon pa sa mga nadadaanang tao kaya likod na lang nila ang naaninag ko. Tuluyang silang nawala sa paningin ko nang magdagsaan na naman ang mga fans sa unahan.

Nanghihinayang akong nakatayo sa paligid ng napakaraming naghihiyawan na tao. Unti-unti na ring pinapaalis ng mga security ang bawat isa na naroon pa sa paligid. Siguradong nakasakay na ng convoy ang grupo nina Estefanio kaya wala na akong nagawa pa kundi umalis na lang sa kinatatayuan ko at hanapin si Andromeda.

Bitbit ko ang halos magkapunit-punit ng poster ni Estefanio nang nadaanan ko pa ang mga news anchor na nagbabalita tungkol sa pagdating ng worldwide phenomenal actor na si Estefanio Del Carpio. Sa kabilang banda ay ang masasayang ngiti naman ang dala ng karamihan sa mga taong personal na nakita ang mukha ni Del Carpio habang ako naman ay patuloy pa ring nanghihinayang na hindi ko nakita nang harapan ang iniidolo ko.

Walang ano ano'y sumulpot sa harapan ko si Andromeda na mukhang napagod rin sa pagsisiksikan ng mga tao. Natawa na lang ako nang bahagya nang mapagtantong nakasuot pa siya ng dress. Tili tuloy naiiba siya sa mga tao rito. Bale kaming dalawa, dahil halos kami ang may pinakakaibang suot sa mga taong naririto pa rin.

"Talagang gwapo ang idolo mong si Estefanio," saad nito sa akin at saka ngumiti.

"Ahhh!! Nakita mo siya?!" paghihinayang na tanong ko na agad niya namang sinuklian ng isang tango. "Mabuti ka pa! Sayang ako. Hindi ko man lang naaninag ang mukha niya. Puro na lang kasi likod ang nakita ko," singhal ko pa.

Till I Rewrite The Stars (Under Revision)Where stories live. Discover now