Mayamaya, naramdaman kong tila umalis na si Ate kaya ilang sandali pa ay tumayo na rin ako saka huminga nang malalim. Papatungo sana ako sa may bintana ng kwarto ko nang maagaw ang pansin ko ng poster ng isang younger version ng sikat na artista na nakadikit sa kwarto ko. Lumapit ako ng saglit dito. Ito na lang pala ang natitirang poster sa kwarto ko nang misang pagtatanggalin ni Ate ang mga idinikit ko rito dahil sa inis niya sa'kin. Napabuntong-hininga na lamang ulit ako.

Hayss. Estefanio Del Carpio... Ikaw talaga lagi ang nagpapalakas sa loob ko sa tuwing bagsak na bagsak na ako. Sayang nga lang at hindi tayo nabuhay sa parehong panahon.

Napangiti ako nang bahagyang maisip ko ito. Si Estefanio Del Carpio ay isang sikat na artista mula sa America.  Fourty-three years na siya ngayon pero inlove pa rin ako sa 20 years old version niya. Mula sa kanyang nagba-blonded na buhok, brown na mata,makinis na mukha, matangos na ilong at magandang ngiti, walang dudang pinagkakaguluhan siya ng mga kababaihan noon at ngayon. Swerte nga at may dugong Pinoy din siya.

Sa buong buhay ko wala pa akong naging boyfriend. Pero kung tatanungin ako kung may hinangaan na ba ako ng sobra-sobra, isa lang ang isasagot ko—si Estefanio. Hindi naman siguro maling mag-daydream kahit na napakaimposibleng makilala ko ang younger version niya.

Originally, si Mama talaga ang isa sa mga big fan ni Estefanio Del Carpio mula nang dalaga pa siya pero noong maintindihan ko na kung sino ba talaga siya, saka na rin ako nagkaroon ng paghanga sa isang tulad niya—sa isang Estefanio Del Carpio na nasa taong 1990s.

Nagdiretsyo ako sa may bintana ng kwarto ko. Mataas ang parte ng silid ko kaya tanaw ko ang ilang kabahayan sa baba ng bintana ko. Napabuntong-hininga na naman ako. Pakiramdam ko muli na naman akong nanghihina at nawawalan ng direksyon sa buhay ko. Gusto kong umiyak pero hindi ko magawa. Mas lalo lang bumibigat sa pakiramdam ko dahil dito.

Tanaw ko ang kalangitan at ang mga bituwing nagniningning mula sa bintana kong ito. Alas-sais pa lamang ngunit kitang kita ko na ang nagkikislapang mga tala sa madilim na langit. Marahan ding umiihip ang hangin. Kahit na opisyal nang tag-init, malamig pa rin ang simoy nito.

“Sana nakilala na lang kita. Baka sakaling sa tabi mo, ako'y maging masaya,” wala sa diwa kong saad habang nakatingin sa kalangitan. Umihip ng malakas ang hangin kaya't bahagya akong napapikit. Sa hindi inaasahan ay nakangiting mukha ni Estefanio ang nagpakita sa isip ko. Ang binatang si Estefanio. Ang artistang matagal ko na ring iniidolo.

“Kung bibigyan kita ng pagkakataon, ito ba ang hihilingin mo?”

Gulat akong napadilat nang marinig ang magandang boses ng isang babae. Nanlamig din ako at lumingon-lingon para tignan kong ano o sino ang narinig ko pero wala na mang ibang tao ang nasa paligid.

“Juliet!” Narinig ko muli ang tawag ni Ate Clara sa baba kaya agad akong naglakad para puntahan siya. Nagdire-diretsyo ako pababa sa kwarto ko nang hindi na lumilingon pa dahil na rin sa hindi ko maipaliwanag na pakiramdam sa paligid. Pagkababa ko ay nakaabang na sa akin ang galit na mukha ni Ate habang kalong-kalong ang mga damit na nais niyang palabahan sa akin.

“Kanina ka pa ha! Huwag ka ngang magbingi-bingihan. Ayusin mo na 'tong iniuutos ko. Puro ka pasarap sa kwarto mo!” sigaw nito at itinapon sa akin ang damit na dala niya.

Walang emosyon akong napatitig sa mukha niya. Sana nga ganoon, puro pasarap na lang ang gawin ko—pero hindi. Nahihirapan ako sa loob-loob ko at hindi ko maintindihan kung ano ba talagang pinagdadaanan ko. Kung alam mo lang nila...Kung alam lang sana nila...

Maganda si Ate Clara. Clara Jane ang kabuuang pangalan niya. Parang siya yung totoong buhay na Maria Clara at saktong ang apelyido namin ay Ibarra. Maganda nga si Ate pero hindi ko maiwasang isiping masama ang ugali niya at maarte kaya wala ding nagtatagal na lalaking gugustuhin siya. Masakit siya magsalita lalo na sa akin. Madalas din ang mga utos niya lalo na kapag wala si Mama kaya minsan hindi ko rin maiwasang makaramdam ng galit at paghihinakit sa kanya. Parang kahit kailan hindi ko naramdamang may pakialam at pagpapahalaga siya sa akin.

Till I Rewrite The Stars (Under Revision)Where stories live. Discover now