"Saan?"

Ipinakita niya ang relo. "May GPS ang smart watch ni Francine. Nakakonekta iyon dito sa smart watch ko at maaari na nating mahanap kung nasaan man sila ngayon."

"Totoo ba?" manghang tanong ni Jackson. "Kung gano'n, alamin na natin kung nasaan sila ngayon bago pa mahuli ang lahat."

"Sige, sige..."

---

Nagising si Francine nang maramdaman ang pananakit ng kanyang ulo. Nang imulat niya ang mga mata ay nakita niyang nakaupo pala siya sa isang lumang silya.

Pagkuwa'y inilibot niya ang tingin ang paligid. Nalaman niyang nasa ibang lugar na pala siya. Madilim doon at tanging ang maliliit na butas sa bubong ang nagbibigay-liwanag.

Nang maaninag niya ang isang bintana ay kaagad niyang binuksan iyon. Bahagyang lumiwanag na sa buong paligid.

Subalit nanlaki ang kanyang mga mata nang makita ang dalawang naglalakihang kabaong sa kanyang likuran.

"Ahhh!" sigaw niya.

Nanghilakbot siya sa dalawang estatwang anghel na nanggigitata sa dumi at tila mga demonyo dahil sa nakakatakot nitong hitsura. Nakita rin niya ang mga pangalan ng patay na nakaukit sa lapida.

Doon lamang niya narealize na nasa sementeryo pala siya. Ikinulong siya ni Vera sa isang lumang mosoleyo!

Sa mosoleyo ng mga magulang nito!

Sa takot ay tumakbo siya patungo sa pintuan at pilit na pinaghahampas iyon. "Veraaa! Pakawalan mo 'koo! Pakawalan mo 'ko ritooo! Veraaa!" mangiyak-ngiyak niyang pagmamakaawa.

Hanggang mapatili siya nang biglang may humawak na kamay sa kanyang binti.

"Ahhh!"

Nag-panic siya at nagpatuloy sa paghampas ng pinto.

"B-babe..."

"Bitawan mo ko! Ahhh! Bitawan mo 'kooo!"

"Babe, ako ito... A-ako ito si Miggyn" nahihirapan nitong pagkakasabi.

Napahinto si Francine. Dahan-dahan siyang tumingin sa likuran at napaiyak na lang siya nang makita ang asawa.

"M-miggy?"

"Oo, ako ito."

Halos madurog ang puso niya nang makita ang mga sugat nito sa mukha. May malaking sugat din ito sa kanyang balikat. Napansin din niya ang suot nito na barong tagalog.

"S-si Vera ba ang may gawa sa 'yo nito?"

"Babe, baliw na si Vera. Sinaksak niya ako sa balikat at itinulak ako sa mga bubog kaya nagkaganito ang mukha ko. Pinagsuot pa niya ako nitong barong tagalog na isinuot ko noong kasal natin," paliwanag ni Miggy. "At si Mommy... Sina M-mommy at Yaya Seba..."

Nagtaka si Francine. "A-anong mayroon kina Mommy at Yaya?"

"Ang mommy mo at si Yaya Seba... P-pinatay sila ni Vera. Pinatay sila ni Veraaa!"

"H-hindi! Hindi 'yan totoo!" Nangatal ang panga na napahagulgol siya ng iyak. "Hindi pa patay sina Mommy at Yaya Seba! Nangako sa 'kin si Mommy na hindi sila makikialam sa problemang ito kaya imposibleng mangyari 'yon!"

"Babe, wala na sila. Bago pa man ako umuwi sa bahay natin at magkaganito, pinatay na sila ni Vera. Kitang-kita ko sa mga mata ko na duguan si Vera at nakahandusay sa sahig ang mga wala ng buhay na sina Mommy at Yaya Seba. Walang awa siyang pinatay ni Vera! Inihulog pa niya ang mga bangkay nila sa nadaanan naming bangin bago niya tayo dalhin dito."

"H-hindi! Ang Mommy kooo!" sigaw niya.

Humagulgol ng iyak na napasandal siya sa pader at halos mapahiga na sa sahig sa lungkot na naramdaman.

Hindi siya makapaniwala na magagawa ni Vera na pumatay ng tao. Kung nangyari iyon, malaki ang posibilidad na gano'n din ang gawin sa kanila nito.

Pagkuwa'y dahan-dahang hinawakan ni Miggy ang mga kamay ni Francine. Tumingin siya rito ng diretso sa mga mata at saka nagsalita, "Kailangan nating gumawa ng paraan para makatakas ka rito." Hinaplos niya ito sa pisngi. "Kailangang makaalis ka rito bago pa man dumating si Vera. Iwan mo na ako rito. Ako ang dahilan ng kaguluhang ito kaya ako ang dapat na magsakripisyo. Hindi ka na guguluhin ni Vera kung mananatili ako rito."

"H-hindi... Hindi puwede!" pailing-iling na sagot ni Francine.

"Ayokong may mangyaring masama sa 'yo, babe. Mas lalo kong hindi mapapatawad ang sarili ko kapag nawala ka sa buhay ko."

"Hindi! Hindi kita iiwan!"

"Gusto kong pagbayaran ang mga kasalanang nagawa ko sa 'yo. G-gusto kong patunayan sa 'yo na mahalaga ka sa 'kin at kahit ano ay nakahanda kong gawin maging maayos ka lang. Nakahanda akong isakripisyo ang buhay ko para sa 'yo dahil mahal na mahal kita. Sobrang mahal na mahal kita, Francine. Sobrang pinagsisisihan ko na pinagtaksilan kita."

"H-hindi puwede! Hindi kita iiwan dito!" Tumingin-tumingin muna siya sa buong paligid at ibinalik ang tingin sa asawa. "Sabay tayong aalis dito ngayon. Sabay tayong makakaligtas at hindi ako makapapayag na may masaktan na naman sa 'tin si Vera!"

"Babe..."

Then suddenly, nagulat silang dalawa nang mahulog ang takip ng isa sa mga kabaong.

Biglang bumangon mula sa loob si Vera, suot ang damit pangkasal ni Francine noon at may hawak na isang bouquet ng rosas.

Iminulat nito ang mga mata at nanlilisik na biglang tumingin sa kanila.

"Sa tingin nyo ay hahayaan ko kayong makatakas? Walang makakaalis ditooo" galit na sabi ni Vera at tumawa siya ng pagkalakas-lakas.

Napayakap na lang sa isa't-isa sina Francine at Miggy nang dahil sa takot.


*****

Sinful Heaven [Completed]Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon