Kabanata 43

10 0 0
                                    

Luna's POV

Tatlong araw pa ang lumipas bago namin lihim na pinuntahan ang isla ng Sardinia. Tatlong araw ng matinding ensayo at paghahanda ang ginawa namin. Tatlong araw kung saan wala kaming inisip kundi kung paano namin matatagumpayan ang labanang ito.

Sa loob din ng tatlong araw na iyon ay hindi kami pinabayaan ni Narciso. Sa totoo lang nahihiya ako at napagsabihan ko siya ng hindi maganda noon. Nahihiya ako na pinagdudahan ko siya. Alam ko kaya kung paano mag-isip ang isang magnanakaw?Pero alam ko din kung bakit nila ginagawa ang mga iyon. Kaya't bago namin nilisan ang yate nang marating namin ang Sardinia ay isang mahigpit na yakap ang ibinigay ko dito.

"Maraming salamat sa kabutihan mo kaibigan. Kailanman ay tatanawin ko itong isang malaking utang na loob," pagpapasalamat ko dito.

Nakita ko ang pamumuo ng mga luha sa mga mata nito kaya't mahina ko siyang sinuntok sa tagiliran nito.

"Ano ka ba? Hindi ako mamamatay kaya't huwag kang iiyak."

"Hindi naman sa ganoon. Ganito lang kasi ako kapag may nagawa akong mabuti sa kapwa ko. Alam mo naman, himala para sa atin kapag nakagawa tayo ng kabutihan sa iba," madamdamin nitong pahayag sa akin.

Napansin ko naman na halos mangiyak-ngiyak din ang dalawa nitong alalay, sina Josh at Jess.

"Batid kong hindi iyon himala. Kahit ano ka pa,o ano man ang kasalanang nagawa natin, likas pa rin sa atin ang gumawa ng kabutihan. Kaya't tandaan mo iyan, kaibigan."

Tumango-tango na lamang si Narciso. "Mag-ingat kayo at nawa'y pagpalain kayo sa inyong misyon. At huwag niyong kalimutan. Andito lang kami, handang dumamay sa inyo kapag kinakailangan."

Nginitian ko siya at kinawayan sa pagpapaalam. Mabilis naming pinasok ang madawag na gubat. Dito namin napagkasunduang dumaan para hindi mamalayan ng mga Rectus ang aming pagdating. Dapat namin marating ang paanan ng bundok Limbara para gumawa ng eksena. At habang gumagawa ng eksena sina Rey at Greenus sa paanan ay lihim naming apat na pasukin ang control center nang sa ganoon ay mapatay ang mga surveillance camera at isa-isang mapatalsik ang mga Rectus sa loob nito.

Nang marating namin ang paanan ng bundok ay bumuo ng malalaking mga sand storm si Greenus. Sinubukan niyang palakihin ito ng palakihin para mapansin ng mga Rectus.

"Mag-ingat kayo dito," wika ni Ram bago pumasok sa portal. Lumabas ako, si Hannah, Lei at Ram sa tuktok ng control center. Agad na pinatulog ni Hannah at Lei ang dalawang Rectus na doon nagbabantay. Inasinta naman ni Ram ang doorknob ng pintuan doon para gumawa ng ingay. Narinig namin ang yabag ng mga nagtatakbuhang mga Rectus papalabas ng rooftop. Pero naghiyawan lamang ito nang mahulog sila sa portal na binuo ni Hannah sa sahig malapit sa pintuan.

"Sa ibaba nito ang main center," sabi ni Ram.

"Tayo na," utos ko dito.

Pagkababa ay nakasalubong namin ang dalawa pang mga Rectus pero agad na inasinta ni Lei gamit ang kanyang armas ang isa sa mga ito habang bumaon naman ang isang punyal sa ulo ng isa.

Dali-dali kaming pumasok sa main control center. Makikipaglaban pa sana ang dalawa ngunit ginamitan ko na ng water balls para mapabilis ang paglaho ng mga ito. Wala ng natirang Rectus sa main center. Nakikita namin sa footage ang pagtakbuhan ng mga Rectus sa isang hallway. Patungo iyon sa kinaroroonan namin. Habang may iba naman na patungo sa istasyon ng mga sasakyang pang-ere. Mga sampung fighter jets ang naroroon at dalawang helicopter.

"Luna tingnan niyo..." tawag sa amin ni Ram. Makikita namin sa isang footage na may namumuong apoy sa pinag-iwanan namin kina Rey at Greenus.

"Mga high class Rectus ang pakana nun," sabi ni Hannah.

"Manalig na lang tayo kay Greenus at Rey," sabi ko. "Unahin muna natin sila," dugtong ko sabay turo sa footage na nagpapakita sa mga Rectus na inihahanda ang mga fighter jets.

Mabilis na bumuo si Hannah ng portal at lumabas kami sa bukana ng nasabing istasyon. Napansin kami ng mga ito at ang iba ay kumaripas patungo sa kinaroroonan namin.

"Mukhang hindi ito ang inaasahan ko," may kabang sambit ni Hannah.

"Water canon!" Tumilapon ang dalawang Rectus na papalapit sa amin. "Anong ibig mong sabihin ha?" baling ko dito.

"Mukhang hindi pa nga sila handa sa pag-atake natin. Inaasahan ko kasing handa sila kahit anong oras."

Nagpatuloy kami sa paglupig sa kanila. Nagpalipat-lipat si Hannah para maipalabas ang mga Rectus mula sa mga fighter jets. Ang iba ay doon niya na sa loob kinikitil ang mga buhay nito.

"Water dragon!" Wala na kaming nakikitang Rectus sa lugar na iyon.

"Ngayon maghiwalay tayo nang makita natin agad ang kinaroroonan ni Guido," utos ko kay Hannah. Tumango ito at bumuo ng portal. Tumakbo naman ako patungo sa isa pang sulok ng gusali. Walang Rectus sa lugar na iyon kaya't kumaripas naman ako palabas doon. Pagkalabas ay may tumalon mula sa itaas na dalawang Rectus. Hindi ko ito agad napansin kaya't hindi ko naiwasan ang pagsipa ng isa sa aking leeg habang ang isa ay sa tagiliran ko. Tumilapon ako ng ilang metro at gumulong ng ilang beses. Agad akong tumayo at hindi ininda ang sakit para mapaghandaan ang muli nilang pag-atake.

Ngunit nagulat ako nang wala na sila sa aking harapan. Muli kong natamo ang malakas nilang mga sipa sa aking likuran. Napagtanto kong mga fullfiller ang dalawang ito.

Bumuo ako ng water shield. Isang kapangyarihan ng agimat ng tubig para maprotektahan ako sa mga pag-atake. Muli silang lumitaw pero sa pagkakataong ito ay mula sa itaas. Napansin ko sila agad at nagulat sila na hindi sila makalapit sa akin dulot ng aking water shield.

Agad ko silang inasinta ng aking water balls. Napuruhan ko ang isa habang nakaiwas naman ang isa na mabilis bumuo ng portal.

Inabangan ko ang mulit nitong paglabas. Inihanda ko na ang aking sarili para bumuo agad ng water canon para iasinta sa kalabang lalabas kung saan-saan. Hanggang sa bumagsak sa aking harapan ang nasabing Rectus. Wala na itong buhay at unti-unting naging abo. Sumunod na lumabas sa portal na nilabasan nito si Hannah.

"Salamat," nautal ko.

"Wala iyon," tugon nito. "Mukhang wala dito ang mga biological weapons na inaasahan natin. Napuntahan ko na rin ang kwebang kinaroroonan ng mga ito nung pumasok ako dito ngunit wala na ang mga iyon."

Makikita sa mukha ni Hannah ang kaba at takot sa maaaring mangyari at gawin ng mga kaaway namin.

"Si Guido, nakita mo ba?"

"Wala pero napag-alaman ko sa isa nitong kawal na doon siya sa tuktok ng Bundok Limbara. Doon ka niya inaantay. Minsan daw nagtalo ang magkakapatid at mula noon ay doon na nanatili si Guido sa itaas ng bundok para magpalakas. Iyan ang dahilan kung bakit hindi nakahanda ang mga ito. Wala na kasi silang pinunong gumagabay at umuutos sa kanila."

"Ang mga Rectus na nakalaban natin ay mga Rectus na tapat kay Guido. Kaya't sa kabila ng pagpapabaya nito ay nanatili sila dito at hindi nila iniwanan ang kanilang pinuno. Ang iba namang natakot kay Guido at mas natatakot sa kay Diego ay sumunod kay Diego. Dala nila ang mga biological weapons na sinasabi ko."

Napasinghap ako, "Kung ganoon ay pabor nga iyon sa atin. Mas madali nating matatalo si Guido kapag nag-iisa lang ito."

"Pero huwag kang magpakampante Luna. Kung naghanda si Guido, ibig sabihin ay pinaghandaan niya kung paano matatalo o maiiwasan ang mga ipinakita mong pag-atake."

"Kung ganoon, dalhin mo na ako doon sa tuktok nang malaman natin kung sino ang mananaig sa puntong ito."

Tumango lang si Hannah at bumuo ng portal. Malapit na lang at tuluyan ko ng maipaghihiganti ang kapatid ko. Malapit na lang at magiging abo ka na lamang, Guido.

(Ipagpapatuloy...)



You've reached the end of published parts.

⏰ Last updated: Jul 23, 2018 ⏰

Add this story to your Library to get notified about new parts!

Algera Unang Aklat : Hangin at TubigWhere stories live. Discover now