Kabanata 38

12 2 0
                                    

Luna's POV

Ang gaan-gaan ng pakiramdam ko nang bumangon sa kamang nilatagan ko kagabi. Kahit papaano ay naibsan ang mabigat kong pakiramdam. Hindi pa rin maiwaksi sa aking isipan ang masamang bangungot na nagpasariwa ng kirot sa aking puso. Mula noon kasing nasaksihan ko ang mga kababalaghang ito ay ipinasya ko ng abalahin ang sarili ko sa paghihigante. At sa mga sandaling iyon ay nagtagumpay ako na makalimutan sandali ang sakit ng pagkawala ng aking kapatid.

Mataas na ang sikat ng araw ng ako'y dumungaw sa bintana. Wala na rin ang mga kasama kong natulog dito sa silid. Tumayo ako at tinungo ang isang maliit na banyong naroroon sa kwartong iyon. Naghilamos ako at napaupo sa inidoro. Kailangan kong magpakatatag. Malapit ko ng matamo ang paghihiganteng inaasam-asam ko. Kailangan kong mapatay si Guido kahit anong mangyari.

Inayos ko ang aking sarili at inihanda ito sa pagharap sa mundong nag-aantay sa akin sa labas. Nadatnan kong nakatayo sina Hannah at Rey sa isang sulok. Nakatalikod sila sa akin at batid kong may pinag-uusapan sila. Naririnig ko kasing tumatawa paminsan-minsan ang lokong si Rey. Inikot ko ang aking paningin at nakita ko naman sina Ram at Lei na nakikipag-usap sa limang batang sumalubong sa amin. Nakikipaglaro pala ang mga ito. Kung hindi lang sana namatay si Kean ay masaya rin itong nakikipaglaro sa mga ito ngayon. Lalo na kay Brandon, ang batang nasa gitna kagabi. Siya kasi ang pinakamatalik na kaibigan nito sa limang kabataan.

"Mister," tawag sa akin mula sa likuran. Isa sa mga tauhan pala ni Narciso.

"Pinatatawag kayo ni Narciso," sabi nito. Hindi kasi pinapayagan ni Narciso na tawagin siyang panginoon o boss o anu pa man. Ipinaparamdam niya kasi sa mga ito na pantay-pantay sila sa kabila ng kayamanang ninanakaw nito.

"Sige, susunod na."

Naaalala ko pala na tumugon itong magkikita-kita kami sa almusal ngayong araw. Anong oras na ba ito at hindi pa sila nakapag-almusal?

"Buti gising ka na," napalingon ako sa nagsalita. Si Hannah.

"Oo nga. Matagal na kasi akong hindi nakapagpahinga ng mabuti eh."

"Hayaan mo hindi magtatagal ay matatapos din ito."

Nakita kong umakyat sina Lei, Ram at Greenus. Hindi nila kasama ang mga bata. Marahil ay naiintindihan nila na ang almusal na inihanda ay para sa amin lang.

Tumuloy na kami sa pinakatuktok ng yate kung saan nakahanda ang mahabang mesa. Puno ito ng mga pagkain. Halos ay pagkaing-dagat. May inihaw na mga bangus, may sinabawang pisugo, mga malalaking hipon at iba't-ibang shells. Meron ding mga prutas sa gitna. Tatatlo ang mga upuan sa magkabilang gilid habang may isang upuan sa isang dulo. Doon nakaupo ang nag-aantay na si Narciso.

Tumabi ako sa kanya. Tumabi naman si Hannah sa akin na sinundan ni Rey. Sa kabila naman napaupo sina Ram, Lei at Greenus.

"Nasasabik ako sa pag-uusapan natin ngayon," masiglang bungad ni Narciso sa amin.

"Hindi ko alam kung ano ang nasa kukuti mo pero sasabihin ko sa iyo, wala kaming gustong nakawin sa ngayon," tugon ni Ram na siyang pinakamalapit dito sa kabila.

"Wala naman akong sinasabing ganon, kaibigan Ram. Ikaw talaga, ginagamit mo talaga ang talino mo," magiliw namang sagot ni Narciso.

"Nandito kami para makahanap ng pansamantalang matutuluyan. Hinahabol kasi kami ng awtoridad. Nasabi naman namin kagabi ang dahilan kung bakit,"si Ram.

Inabot ni Narciso ang balikat ni Ram. "Huwag kang mag-alala. Kahit kailan ay tanggap na tanggap kayo dito. Maaari kayong manatili dito hanggang kailan ninyo gusto."

Masasabi nga naming ang swerte namin sa kay Narciso. Pero hindi ko alam kung bakit kinukutuban ako dito. Mukhang sa likod ng kabaitan nito ay may hinahangad itong masama.

"Alam kong magkaibigan tayo, pero alam naman natin na sa balat mo rin ang pagkatuso para lamang sa kayamanan," seryoso kong sinabi sa kanya.

"Easy naman kaibigan. Ano ba ang pinagsasabi mo? Hindi pa ba sapat ang pagtanggap ko sa inyo dito?"

"Hindi naman iyon ang iniisip ko. Nararamdaman ko lang kasi na mukhang may masama kang binabalak. Pero kung ano man iyon, pakiusap huwag mo ng ituloy. Mahirap kaming kaaway sa ngayon," sabi ko sabay bumuo ng water dragon sa gilid ng yate.

Namangha siya sa ginawa ko. Hindi siya makapaniwala na may kapangyarihan ako. Kahit maraming kababalaghan siyang narinig pero iba naman kung nakita mo ito ng mga sariling mga mata. Dinig ko din ang pagsisigawan ng mga bata sa gilid ng baybayin bilang paghanga sa kanilang nakita.

"O ikaw Ram, Rey? Ano naman ang kapangyarihan niyo?" sabik nitong tanong sa dalawa.

Ngumiti lang ang dalawa sa kanya.

"Maniwala ka man o hindi ako lang ang may kapangyarihan sa aming tatlo. Hindi ko na isasalaysay ang lahat kung paano ako nagkaroon nito. Ang mahalaga ay nakita mo na ang kaya kong gawin," mahinahon kong sabi dito. May tono ng pagbabanta pero hindi natinag ang mukha nito.

"Kung hindi niyo mamasamain, ano ang binabalak niyo ngayon?" muling tanong nito.

"Kailangan naming makapaghanda para talunin ang pinuno ng mga Rectus, sila ang tunay na mga terorista na bumuo ng invisible shield at nagpadala ng mga halimaw sa Roma," sagot ko dito.

"Kung ganoon ay hindi na pala kayo mga wanted ng bansa. Mga bayani na pala kayo," sabi nito at humalakhak.

Nakakainis pero pinakinggan ko na lang. May hihingin pa kasi kaming pabor dito.

"Wala sa isip namin ang pagiging bayani. Ang gusto ko lang ay maipaghiganti ang pagkamatay ng aking kapatid."

Inabot ni Narciso ang aking balikat at mahinang hinaplos-haplos ito. "Nabalitaan ko nga ang sinapit ng kapatid mo,Luna. Ikinalulungkot ko iyon. Sige, sabihin mo lang kung ano pa ang mga kailangan niyo at ibibigay ko sa abot ng aking makakaya. Tutal para sa amin din naman kung mawala na ang I na pumapalibot sa ating bansa. Hayan tuloy hindi kami makapagikot sa buong mundo."

"Salamat kung ganoon. Sa katotohanan, kailangan namin ng masasakyan papuntang Sardinia. Sa bundok Limbara kasi ngayon nakatago ang aming mga kaaway."

"Ah.. ah..." alinlangan nitong sagot. "Ang mga kaaway niyo ba ay may mga kapangyarihan din?"

"Oo," sagot ko.

"Iisa lang ang yateng ito. Pero para sa inyo, sige ihahatid ko kayo doon. Kailan niyo balak na pumunta doon?"

"Baka sa susunod na araw kapag napagplanuhan na naming mabuti ang gagawin."

Tumango lang si Narciso. Nagpatuloy kami sa aming almusal. Pinagpyestahan namin ang mga masasarap na pagkaing inihain sa aming harapan.

"Kailangan nating mag-ensayo," suhestiyon ni Greenus.

"Salamat sa pagpapaalala. Maaaring marami nga tayong makakalaban at hindi basta-basta ang mga kapangyarihan ng mga iyon. Baka kukulangin nga tayo laban sa kanila," pahayag ni Hannah.

"Saan kaya tayo makakapag-ensayo?" tanong ko sa kanila.

"Magandang lugar ba para pag-ensayuhan ang hanap niyo? Huwag kayong mag-alala, may malapit na isla dito na pwede niyong pag-ensayuhan." Tumayo siya at itinuro ito, "Doon sa isla ng Levanzo."

"Isla ng Levanzo???"

Pag-uulit ng kambal at nagkatinginan ito. Mukhang nagulat ang dalawa at hindi ko alam kung masama o mabuting balita iyon. Sa kabila ng mahaba naming pagsasama ay ngayon ko lang narinig ang isla na iyon. Maliban riyan, wala din akong ideya na may alam ang kambal sa isla. Ano kaya ang meron doon at bakit gulat na gulat talaga sila ng marinig ito? At bakit nasasabing magandang lugar iyon para makapag-ensayo kami?

(Ipagpapatuloy...)

Algera Unang Aklat : Hangin at TubigDonde viven las historias. Descúbrelo ahora