Kabanata 22

32 3 2
                                    

Lei's POV

Halos kalahating oras na kaming tumatakbo ngunit hindi pa namin naaaninag ang lagusan ng tunnel. Mahaba pa ata ang aming tatahakin bago marating ang Ilog ng Tiber. Ngunit, ligtas ba talaga kami doon? Paano namin matitiyak na hindi kami masusundan doon?

"Ram, dapat mayroong mauuna doon sa lagusan ng tunnel na ito. Dapat mabatid natin na ligtas tayo doon. Sabihan mo ang iilang kalalakihan na mauna doon," utos ko dito.

Agad niya naman akong sinunod at iniwan kami nina Mona na nakabuntot sa grupo.

Nanindig naman ang balahibo ko nang maramdaman ang bigat ng yabag na nagmumula sa likuran namin. Huminto ako at pinakiramdaman ang lupa na siya namang ipinagtataka ni Mona.

"May problema ba?"

"Kailangan niyo ng magmadali, mukhang nasundan na tayo. Bilis,"

Kahit medyo madilim ay nakikita ko pa rin ang pagbuo ng takot sa mukha nito.

"Eh ikaw?" tugon nito.

Nginitian ko siya, "Huwag kang mag-alala sa akin. Salamat pero kaya ko ang sarili ko. Kailangan niyo nang makahanap ng mas ligtas na lugar."

Nagpaiwan ako habang pinapabilis ni Mona ang pagtakbo ng mga kasamahan. Pinagmamasdan ko na lamang ang kanilang pagkaripas hanggang sa mawala na sila sa aking paningin.

Mabuti at napalayo na sila dahil mas nararamdam ko na ang bigat at lakas ng bawat yabag na papalapit sa kinaroroonan ko. Kumaripas ako ng takbo patungo sa direksyon ng mga kalaban at ng maaninag ko na ang mga ito ay agad kong inasinta ng aking armas ang isa at winasiwas pa ang ibang kasama nito. Isa-isang nagbagsakan ang mga ito. Habang nagsisitakbuhan pa ang ilang mga zombies papalapit sa akin ay inihanda ko muli ang aking armas at ibinato sa kanila.

Isa-isang nagsilaho ang mga zombies na aking napapatay. Bilang isa sa kapatirang binuo ni Master Huan, kailangan kong ipagpatuloy an gaming adhikain kahit sa ganitong sitwasyon na mag-isa na lamang ako sa laban. Hindi ko dapat biguin ang kapatiran na siyang nagturo sa akin ng lahat ng bagay. Ang mahabang panahon na iginugol naming sa pag-eensayo ay hindi dapat maiwalang saysay. Lalong-lalo na rin sa dignidad na binuhay ni Luna. Kaya't sa abot ng aking makakaya ay kailangan kong gampanan ang aking tungkulin. At kahit buhay pa ang kabayaran, handa akong ibuwis ito matamo lamang naming ang tagumpay.

Muling nagsidatingan ang mga halimaw sa aking likuran. Winasiwas ko ulit ang aking kadena at sa bawat natatamaan ng punyal ay nahihiwa kaya't mabilis ko silang napabagsak. Kumaripas ako ulit pabalik sa pinagmulan namin. Napamura na lamang ako sa dami ng zombies na naroroon sa lagusan na binuo ni Greenus. Triple ang dami ng mga ito sa nakaharap ko. Kahit nanginginig ay inihanda ko ang aking armas. Makakayanan ko pa kaya ito? Mas nandilat ang mga mata ko nang nagsilabasan ang kumpol-kumpol na mga zombies sa butas.

Mukhang katapusan ko na yata? Kumaripas ang mga ito sa aking kinaroroonan nang mapansin nila ang presensya ko. Kahit matapang ako ay may takot pa ring nababalot sa aking kalamnan. Pero kahit anuman ay dapat ko itong kaharapin. Naalala ko tuloy ang turo ni master,

"Ang kasawian ay hindi kailanman nabibilang sa bokabularyo ng isang magiting na mandirigma. Dahil ang kasawian ay nararapat lamang sa kalaban, at hindi sa mga taong nagtatanggol ng mga naaapi at walang kalaban-laban."

Ilang metro na lang at handa na akong magwasiwas muli ng aking armas. "Aaah..." sigaw ko sa kawalan sabay sugod sa kanila.

"Land mines!"

Malakas ang pagkabagsak ko dahil sa pagsabog. Nagliwanag naman ang mukha ko nang maaninag ko si Greenus.

"Ha ha ha, o ba't nanginginig ka kanina sa takot ha?" biro pa nito.

Inasinta ko siya ngunit mabilis niya itong naiwasan. Oo nga pala, isa ring halimaw ang kaharap ko.

"Huwag ka ngang magbiro ng ganyan. Hindi ka bagay na maging komedyante."

"Pasensya na. Pero nasaan na sila?"

"Baka nakarating na sa lagusan."

"Sa lagusan?" bulalas nito.

"Bakit?"

"Muntik ko ng makalimutan, nagsilipana ang mga halimaw sa kung saan-saan at maaaring hindi din ligtas ang pupuntahan nila."

Nanindig muli ang mga balahibo ko. Agad kaming kumaripas para sundan ang mga tao. Kahit pagod na pagod na ako ay hindi ko iyon inisip. Isinantabi ko muna iyon dahil hindi ko matatanggap na may masamang mangyayari kina Mona at Ram.

Makalipas ang halos kalahating oras ng pagtatakbo ay naaninag na namin ang lagusan. Mas lalong bumilis ang tibok ng puso ko at nasasabik na makitang maayos ang kalagayan nina Mona. Dumampi na ang sikat ng araw sa aming balat ngunit kahit isang tao ay wala kaming matatanaw. Halos maiyak na ako sa puntong ito.

"May mga patay doon."

Mas lalo pa akong kinabahan sa aking narinig. Lumapit kami sa mga bangkay at namukhaan naming ang mga ito. Mga kasamahan sila nina Mona.

"Huwag naman sana..." biglang namutawi ko sa kawalan. Naglakad-lakad pa kami at nakita namin ang mga yapak ng mga tao. Patungo iyon sa ilog. Nawala ang mga ito nang marating na namin ang tubig.

"Hindi kaya nakatawid sila?" tanong ni Greenus.

"Sana iyon nga ang nangyari. Hindi ko mapapatawad ang sarili ko kapag naubos sila ng mga zombies."

Natutuliro na talaga ako. Mukhang hindi ko kakayanin kapag...hindi naman sana.

"Lei, may mga paparating."

Bumaling ako sa lagusan ng tunnel at nagsilabasan ang mga zombies. May nagsilabasan din mula sa mga parang - kaliwa't kanan.

"Napapalibutan na tayo..."

Humanda kami ni Greenus sa kanilang pag-atake.

"Lei... Greenus..."

Napalingon kami sa pinagmulan ng sigaw - si Ram. Nagliwanag ang mukha namin sa aming nakita. Salamat... bulong ko sa hangin.

"Lumusong kayo sa tubig, bilis," sigawan ni Ram at ng mga kasamahang kalalakihan sabay senyas na pumunta sa tubig.

Kahit naguguluhan ay lumusong kami sa tubig. Napansin naming na hindi umatake sa amin ang mga zombies kaya't lumangoy kami Greenus patungo sa kanila.

Isinalaysay ni Ram ang pag-atake sa kanila ng mga zombies pagkalabas ng tunnel. Wala silang nagawa kundi ipagtanggol ang mga sarili hanggang sa lumusong ang karamihan sa ilog para makasampa sa bangkang naroroon. Marami na ang nalagas sa kanila at iniisip na katapusan na ng mga ito. Pero nagtaka sila na hindi sila sinundan sa ilog at ang mga zombies na nakaapak sa tubig ay biglang natunaw at naglaho.

"Kaya't doon namin nabatid na mabisang panlaban sa kanila ang tubig mula sa ilog. Pinagbabato naming sila ng tubig kaya't nagsitakbuhan sila. Dahil iisang bangka lamang ang naririto ay unti-unti naming itinawid ang mga tao sa kabila. May mga halimaw din sa kabila ngunit mayroong mataas na gusali doon na napapalibutan ng mga sundalo. Ginawa pala iyong kampo ng mga ito ng nagsilabasan ang mga zombies. Ibinahagi namin ang aming nadiskubre at naghahanda na sila para dito," pagsasalaysay ni Ram habang binabaybay namin ang ilog pagtawid papunta sa kabilang bahagi.

Napayakap na lamang ako sa kay Ram at naramdaman ang pag-agos ng aking luha. Hay... sana magkaroon na ako ng magandang tulog mamaya. At sana matapos na ang kaguluhang ito.

Sina Luna kaya? Kamusta na kaya sila? Sana nasa mabuting kalagayan din sila. Sana...

(Ipagpapatuloy...)

Algera Unang Aklat : Hangin at TubigTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon