Kabanata 32

16 2 0
                                    

Rey's POV

Isang syudad na lamang sana ang lalakbayin namin para marating ang bayang tinitirhan ni Narciso Reyes ngunit pagod na si Hannah kaya't napagkaisahang sumakay na lamang sa isang karwahe. May mga sasakyan na mas mabilis sa karwahe pero napili ng mga ito ang subukan ang karwahe. Lalo na't malapit sa kabayo si Luna. Siguro dahil naalala niya dito ang kapatid na si Kean.

Nang bumukas ang pintuan nito ay mabilis kong inalalayan si Hannah na tila napagod sa pagbuo ng portal ng ilang beses. Pumuwesto ito sa likuran ng nagmamaneho. Apat ang kaya nitong isakay: dalawa sa likuran ng nagmamaneho at dalawa naman ang makakaupo sa upuang naghaharap sa nagmamaneho.

"Tumabi ka na sa kay Hannah," may awtoridad na utos ni Lei sa akin. Bago ako sumunod ay nakita kong pumuwesto sina Greenus at ang kambal ko sa harap, magkabilaan sa tabi ng nagmamaneho. Napaisip tuloy ako na binabalak ni Lei na magkatabi sila ni Luna kaya't hindi na akong nagdalawang-isip sa pag-upo sa tabi ni Hannah. Nakapikit na ito nang tabihan ko. Balak nito sigurong makaidlip habang naglalakbay.

Maliwanag naman ang mukha ni Lei nang umakyat ito sa loob at magiliw na igineya si Luna sa upuan. Medyo nakasimangot naman ang isa sa naging set up namin sa loob ng karwahe. Nagsimula nang tumakbo ang karwahe at mararamdamang pagod ang halos ng mga tao pagkat nakakabingi ang katahimikang sumakop sa loob. Natahimik na rin ako at halos humagikhik sa tawa sa kung paano kami titigan ni Luna. Nananalangin na lamang ako na hindi ito umalburuto at baka mapuno ng tubig ang loob ng karwahe. Mapapalangoy kami ng wala sa oras kapag nangyari.

Hindi nagtagal ay napangiwi ako nang nagsimula ng humilik si Lei. Nakasandal na pala ang ulo nito sa salamin at nakatulog na sa sobrang pagod. Tumingin na lamang ako sa labas para maiwasan ang mga paminsanang pagbaling ng paningin ni Luna sa amin. Ilang Segundo ang nakalipas nang isinandal ni Hannah ang ulo nito sa kaliwang balikat ko. Nahuli ko naman kung paano bumaling si Luna sa amin. Ano ba naman ito? Parang nahihirapan ako sa sitwasyong ito. Gusto kong sumigaw sa sobrang saya dahil ang lapit-lapit ko sa babaeng gusto ko ngunit ang hirap ipakita dahil batid kong may nasasaktan sa harap ko. Ngunit anong kabaliwan nang inayos ko pa ang pagkasandal nito sa akin. Bagay na mahinang napamura si Luna sa kawalan.

Totoo na ba ito? Nahuhulog na talaga ang kaibigan ko sa kay Hannah? Pero parang wala akong balak na sukuan ang isang ito. Sobrang ganda kasi at nakakaakit lalo na ang biluging mata nito. Maganda ang pilik mata na tila bumagay sa tindig ng ilong at pag-arko ng labi nito. Ngunit ang mas lalong nakakahalina para sa akin ay ang malago at makintab nitong buhok na tila isang modelo.

Sinulyapan ko si Luna at tila nananadyang nginitian ko ito. At sa inaasahan ay umasim ang mukha at ipinako ang paningin sa salamin. Nanatili kami sa ganoong posisyon sa loob ng halos tatlong oras bago ito huminto. Tumigil kami sa isang madawag at madilim na gubat. Halos wala na akong makikita dahil malalim na ang gabi.

"Anong nangyari?" nagtatakang tanong ni Lei. Awtomatiko itong nagising nang huminto ang karwahe. Akala niya ata may mga kalaban na naman kaya napataas nito ang isang kamay na hawak-hawak ang kanyang sandata.

May kumatok sa pintuan na agad naman naming pinagbuksan. Bumungad si Greenus, "Kailangan munang magpahinga ang mga kabayo. May dala naman tayong pagkain kaya't maghapunan na tayo dito."

Napatango kaming tatlo. Mahimbing pa ring natutulog si Hannah kaya't naaalinlangan ako kung gigisingin ko na ba ito o hindi. Gusto ko naman ang sitwasyon namin. Kung pwede nga na ganito na lang habangbuhay ay payag ako.

"Sige magsalitan tayo," si Luna. Matalim ang sulyap nito sa akin na tila namimilit na pumayag na ako.

"Ayos lang tol, mauna na lang kayong kumain," matigas kong sagot dito.

Hindi niya nagustuhan ang sagot ko. Hinila na lamang siya ni Lei nang maramdaman ang tensyon sa pagitan namin.

"Anong nangyayari?"

Napatigil ang dalawa nang nagising si Hannah at umalis sa pagkasandal sa balikat ko.

"Wala!" kaswal kong sagot. "Bumaba muna tayo para maghapunan."

"Malayo pa ba tayo?" muling tanong nito.

"Mga isang oras pa ang lalakbayin natin," si Greenus na ang sumagot.

"Oy, ano pa ang hinihintay niyo?" tawag naman sa amin ng kambal ko sa hindi kalayuan. Nakagawa na ito ng sigang at ang kaninang madilim na gubat ay maliwanag na ngayon. Lumantad tuloy ang mga naglalakihang mga puno at iilang hayop na naninirahan sa mga ito.

Naibaba na rin ng kakambal ko ang mga pagkain kaya napaupo na lamang kaming lahat sa paligid ng sigang at nagsimulang kumain.

"Akala ko hindi na tayo magkakaroon ng ganitong eksena na tila walang problemang kinakaharap," litanya ni Lei na nakaupo sa tabi ni Luna. Isang metro lang ang layo naman ni Hannah dito na maswerteng ako naman ang malapit dito. Malakas at mabilis na ngumunguya ang kasama naming nagmamaneho habang ang kakambal ko naman ay abala sa pag-aasal ng isang buong manok.

"Asan pala si Greenus?" biglang tanong ni Luna.

"Pumasok sa kagubatan, naalala niya yata ang pinanggalingan niya," sagot ni Lei.

Napansin kong lumalim ang pagtingin ni Luna sa kanyag kinakain. Nawala na rin ang tila inis sa kanyang mukha.

"Salamat pala kanina ha?" bulong ni Hannah sa akin.

"Para saan?"

"Sa balikat mo, nakatulog kasi ako sa sobrang pagod."

"Wala iyon, buti nga at nakapahinga ka na."

Nahuli ko na naman ang pagsulyap sa amin ni Luna. Pero sa oras na ito ay tila hindi na ito naiinis o konting talim sa mga mata nito. Baka tanggap niya na kami ang nararapat ni Hannah sa isa't-isa. Ngunit kahit na sumandal na ito sa balikat ko ay hindi ibig sabihin na isasandal niya na rin ang puso nito. Sana darating ang panahon na kapag natapos na ang lahat ng ito ay pormal ko na siyang ligawan. Sana nga, kahit ayayain pa akong sumunod sa mundo nito ay hindi ako magdadalawang-isip. Ano nga kaya ang meron sa mundo niya? Sa Algera...

(Ipagpapatuloy...)

Algera Unang Aklat : Hangin at TubigМесто, где живут истории. Откройте их для себя