Kabanata 29

23 3 0
                                    

Lei's POV

Biglang nanikip ang dibdib ko nang makita ang dambuhalang zombie. Wala na ang fire truck na siyang nagdadala ng panlaban namin dito. At ikinababahala ko din ang biglaang pagkawala nina Luna at Greenus. Paano na ngayon namin magagapi ang naturang halimaw? May pag-asa pa kaya kaming magtagumpay sa labang ito?

"Lei, ingat.."

Awtomatiko akong napalundag nang makitang hahampasin ako ng dambuhalang zombie. Napatingin na lamang ako kay Ram bilang pagpapasalamat.

Umugong ang mga putok ng baril sa kabilang dako. Ngunit kahit anong gawing pagpapaputok ng mga sundalo ay hindi nila ito nasusugatan kahit gas-gas man lang.

"Hannah, nasaan sina Luna?" tawag ko nang tumakbo ito papalapit sa akin.

"Iyon din ang ipinagtataka ko. Masyado akong namangha sa halimaw at nawala na sa isipan ko si Luna. Maging si Greenus ay nawawala din," sagot nito.

Hindi mo pala tinatantanan ang Luna ko. Hmmp, pero hindi ito oras para riyan. Kailangan namin na magapi ang isang ito ano man ang mangyari.

"Pagtutulung-tulongan natin siya," suhestiyon ni Rey mula sa malayo.

Tumango na lamang kami bilang pagsang-ayon. Nakita kong may gumagalaw sa lupa. Ugat ng puno pala iyon na minamanipula ni Hannah. Bumulaga ito sa harapan ng halimaw at pumulupot sa kanang paa.

Dagli naman akong tumalon at winasiwas ang kaliwang paa. Bahagya itong nahiwa kaya napatupi ang tuhod nito. Bago ito nakatayo ay inasinta siya ni Rey sa magkabilang mata. Umalingawngaw ang hiyaw nito. Ngunit lalo lang kaming nabahala nang hinugot niya ang dalawang duguang mata at itinapon sa lupa. Hindi nagtagal ay lumitaw muli ang mga mata nito.

"Ipinabalik ko na ang mga kasamahan ko para kumuha ng tubig sa Tiber," si Officer Lilac na lumapit sa kinaroroonan ko.

"Ang tubig ng Tiber na lang nga ang pag-asa natin. At maramihang tubig dapat hanggang sa maubos na matunaw ang halimaw na iyan," tugon ko dito.

"Ingat..."

Napadapa kami dahil sa pag-atake ng halimaw. Hindi namin inaasahan na babatuhin kami ng isang puntod na binunot nito. Mabilis kaming bumangon at nagtago sa isang malaking puntod.

"Masyadong mapanganib kung magpatuloy tayo sa pakikipaglaban sa kanya. Mas mabuti siguro na pag-igihan ang pag-iwas sa kanya habang wala pa tayong mabisang armas," may halong kabang isinambit ni Officer Lilac. Namamawis na rin ito sa sobrang takot.

May lumitaw na isang portal sa gilid namin at lumabas doon sina Rey at Hannah.

"Kailangan nating hanapin sina Luna. Hindi natin makakayanan ang isang ito," muling suhestiyon ni Rey.

"Aaahhh..."

Si Ram iyon. Nang sumilip kami ay nakita naming hawak-hawak siya ng halimaw.

"Hindi maaari, ang kambal ko," si Rey na hindi mapakali sa kalagayan ng kakambal.

"Sige na, hanapin niyo na sina Luna bago pa mahuli ang lahat," utos ko sa dalawa. "Ako na ang bahala sa kay Ram."

Agad na bumuo ng portal si Hannah at sumunod naman sa kanya si Rey sa pagpasok.

"Andito lang ako sa likuran mo Ms. Fang."

Tumango at mabilis akong tumakbo. Tumalon ako sa isang mataas na puntod at tumalon ulit para maabot ang isa pang mas mataas na maosuleum. Namimilipit si Ram sa higpit ng pagkahawak sa kanya. Nagsisigawan ito.

"Heto na ako, aah!" wasiwas ko sa kamay na nakahawak sa kay Ram matapos talunin ang mataas na maosuleum.

Naputol ang palad nito. Bumagsak si Ram kasabay ng palad na naging mga zombies. Kinarate niya ang ilan habang ang ilan ay binaril ni Officer Lilac mula sa kalayuan. Sapul naman ang mga ulo nito.

Ako na naman ang punterya ng halimaw kaya't nagpalipat-lipat ako ng maosuleum para hindi niya maabutan. Sinisira niya naman ang bawat puntod na nadadaanan.

"Nasaan na ba kayo Luna?"

Biglang nawalan ako ng timbang nang muli akong batuhin ng halimaw. Bumagsak ako sa pagitan ng dalawang puntod at nahihirapang makatayo dahil masyadong masikip ang ibinagsakan ko. Patay, mukhang maabutan niya ako dito.

Narinig ko ang dagundong ng malaking yabag. Papalapit na papalapit na ito. Bumibilis na rin ang tibok ng puso ko. Masyadong mabilis na mas lalong nagpasikip sa kinaroroonan ko. Hindi ako dapat na mataranta. Kailangan kong makaalis dito.

Pinilit kong makaalis ngunit masyadong masikip. Sinubukan kong tumagilid at kahit masakit ay ipinilit ko para lang makaalis. Nagtagumpay nga ako ngunit napahiyaw ako sa sakit nang makitang natapilok yung kaliwang paa ko.

Nanlumo ako nang bumungad na ang halimaw sa harapan ko. Handa na ito para sunggaban ako.

"Andito na kami Lei, andito na ako..." boses mula sa itaas.

Nakita ko si Luna na nasa loob ng isang bula habang nakabuntot naman sa kanya ang marami pang mga bula.

"Heto sa iyo, Bubble spring!"

Bumuhos ang munting ulan sa halimaw at napahiyaw ito. Muli siyang inatake ni Luna at ganoon din ang naging reaksyon nito. Nagpatuloy si Luna sa pag-atake hanggang sa tuluyan na itong natunaw. Hindi nagtagal ay naglaho na tila bula din ang halimaw.

"Ok ka lang?" tanong ni Greenus na biglang sumulpot sa aking likuran.

"Oo, pero natapilok ang isang paa ko."

"Halika at bubuhatin kita," binuhat niya nga ako at dinala sa kinaroroonan nina Hannah at iba pa naming kasamahan.

Nakita ko na ibinuhos lahat ni Luna ang mga natitirang bula sa gitna ng puntod kung saan may ilaw na sumisingaw. Makalipas ang ilang segundo at nawala ang ilaw. Tumigil din ang paglabasan ng mga zombies sa magkabilang puntod habang ang ibang nakalabas ay naging abo.

Nagyakapan sina Rey at Ram nang makitang pareho silang nasa maayos na kalagayan. Nagkamayan naman sina Officer Lilac at Greenus. Walang hiya-hiya ko namang niyakap si Luna kahit batid kung matalim na paningin ang ipupukol sa amin ni Hannah.

"Salamat at nakarating ka sa tamang oras. Salamat talaga, muntik na kaya ako doon?"

"Walang anuman, tungkulin ko iyon."

"Saan pala kayo nanggaling?"

"Nakaharap namin si Ariah, iyong pinuno nila. Sa kasamaang-palad napatay namin siya," malungkot na pagbabalita ni Luna.

"Bakit mo naman ikalulungkot ang pagkamatay ng bruhang iyon? Halimaw kaya iyon?"

"Ewan ko nga ba, parang naawa ako nang makita siyang hindi na kayang makipaglaban."

Naputol ang pag-uusap namin nang gumalaw ang puntod na nasa gitna at biglang sumabog. Bumagsak kaming lahat sa tindi ng pagsabog. Napaubo ako at napamulat nang bumungad sa amin ang isang lalaki. Hubo ito at may mga punit-punit na telang nagliliparan sa paligid nito. Minulat nito ang kanyang mata at bahagya kaming pinagmamasdan.

"Batid kong kayo ang nagpalabas sa akin mula sa kapangyarihan ng aking kapatid. Tinatanaw ko na utang na loob iyon. Ako pala si Diego ang nag-iisang kapatid ni Guido," malumanay nitong sabi.

"Pero kahit nagpakilala ako ay hindi ibig sabihin noon na magiging magkakampi tayo. Sa ngayon, hindi ko muna itutuloy ang misyon naming habulin ang mga agimat," namuo ang makahulugang ngiti nito, "pero sa susunod nating pagkikita, ay hindi ko na palalampasin ang pagkakataon."

Wala ni isang nakapagsalita dahil sa aming nakita. Akmang aatake si Greenus ngunit pinigilan siya ni Luna.

"Hindi pa ito ang tamang panahon," sabi nito.

"Tama, hindi pa nga ito ang tamang panahon," pahayag ulit ni Diego at bumuo ng portal. "Hanggang sa muli nating paghaharap, tagapag-alaga!" Mataman nitong sinulyapan si Luna bago ito tuluyang pumasok sa portal.

"Paghahandaan namin iyan..." ang mahinang tugon ni Luna.

(Ipagpapatuloy...)


Algera Unang Aklat : Hangin at TubigKde žijí příběhy. Začni objevovat