Kabanata 42

14 0 0
                                    

Luna's POV

Tahimik na nakalutang ang yate nang aming nadatnan ito sa tabi ng dagat. Sumayad ito sa buhangin at bumaon ng ilang pulgada sa puting buhangin na sumalubong sa katawan nito. Hindi rin nakatakas sa amin ang iba't ibang kulay ng ilaw na kumukuti-kutitap sa pinakamataas na bahagi ng sasakyan. Iyon lamang ang tanging ilaw na nagmumula dito. Patay ang mga ilaw sa ibabang bahagi kaya't masasabi naming walang tao sa loob ng yate. Maaaring andoon ang mga taong nag-aabang sa amin sa itaas nito kung saan sumasayaw ang mga ilaw sa paligid nito.

"Hannah doon," turo ko dito nang mapansin ko ang isang sigang na nagmumula sa di-kalayuan. May tatlong taong masayang nagkukwentuhan habang naka-upo sa paligid ng apoy. May iniihaw sila sa apoy. Isang malaking isda pero hindi ko maaninagan ng mabuti kaya't hindi ko masabi kung anong isda ang inihahanda nila sa amin.

Napalingon si Hannah at hindi na ito nag-atubiling sumagot sa halip ay bumuo ng portal para mabilis kaming makalapit sa mga ito. Lumabas kami sa likuran ng dalawang kasama ni Narciso. Napamura naman si Narciso at bahagyang napaigtad nang bumulaga kami sa harapan nito.

"Ano ba naman kayo? Muntik na akong mawlan ng ulirat sa ginawa niyo," ang halos mawalan ng hiningang sambit ni Narciso. Hindi naman nakapagsalita agad sina Jess at Josh sa halip ay napahagalpak sa kakatawa sa naging mukha ni Narciso.

"Marunong ka rin pala matakot, kuya Narciso," natatawang sabi ni Jess.

"Parang nakakita ka ng isang daang kaluluwa ng mga taong pinagnakawan mo," dugtong naman ni Josh.

Pinipigilan din namin ni Hannah ang aming pagtawa at naupo na lamang sa tabi ng mga ito. Katulad ng dalawa, ngayon ko rin nakita ang ganoong mukha ni Narciso. Kilala ko kasi siya bilang isang matapang at tila walang inuurungang kahit sinuman.

"Pasensya, hindi na mauulit," pagpaumanhin ni Hannah nang tuluyan ng nakaupo.

"Sanay kasi na siya ang nanggugulat sa mga biktima niya. Hayan tuloy nakarma," pabiro ko dito.

"Ikaw talaga, naghahanap ka pa rin ng pagkakataon para makabawi ka sa akin. Hindi mo kasi matanggap na hindi mo ako matatalo pagdating sa paramihan ng mananakawan," si Narciso sabay sulyap sa kay Hannah. "Lalo pa ngayong may kasama kang isang magandang dilag, malamang ay nagpapalakas ka." Pasipol-sipol pa ito matapos makapagsalita.

"Ikaw talaga, huwag mo nga akong itulad sa iyo. Nagnanakaw lang ako ng sapat lang sa pangangailangan naming magkapatid. Alam mo namang hindi sapat kung maninilbihan lang ako sa mga tao. Nais na sana kasi ni Kean na mag-aral," malungkot kong sabi dito. "At isa pa may mas mahalagang bagay kami na dapat pagtuonan kaysa sa mga ganyan." 

"Sandali, saan na pala ang mga kasama namin?"

"Akala ko ba magkakasama kayo? Oops, huwag mong isipin na pinagkaisahan niyong dalawa ang mga kasama niyo para masolo niyo ang isa't-isa ano?"

"Hindi ah!" sabay naming sagot ni Hannah. Nagkatinginan kami ni Hannah at mukhang nahihiyang nag-iwas sa isa't-isa.

"Baka gusto mo atang malunod kahit wala ka sa dagat ha?" pagbabanta ko kay Narciso nang makita ang reaksyon ni Hannah.

"Hindi ka naman mabiro, araayy... Ano ba iyon? May kung anong humapas sa likuran ko," si Narciso. Napahagikhik ang dalawa nitong kasama nang makita nila ang paghampas ng isang baging sa ulo ni Narciso. Malapit kasi sa isang mataas na puno ang kinaroroonan namin kaya't hindi nakapagtataka kung sino ang gumawa nun.

"Ayaw ko na ngang magsalita baka mamaya hindi lang paglatigo sa ulo ang matitikman ko," pabiro ang tunong sambit nito.

"Sige sa yate na lang muna kami at ng makapagpahinga," ani ko sa kanila.

Algera Unang Aklat : Hangin at TubigTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon