Part 40

3K 102 5
                                    


NAG-INIT ang bungo si Marian sa ginawang pagsugod ng yakap ng magandang babae kay Miguel nang makabungad sila ng binata sa opisina niya. At hindi "Miguel" ang pangalang itinawag ng babae sa binata, kundi "Calvin." Susugod na sana siya para hilahin ang buhok ng babae at kaladkarin ito papasok sa morgue pero kaagad na kinalas ni Miguel ang pagkakayakap ng babae.

"Analie, bakit nandito ka?" tanong ni Miguel sa babae.

Balak sana niyang giyerahin ang babae pero hindi na niya naituloy dahil nang tumingin sa kanya si Miguel ay nakita niya ang panic sa mukha nito. Bakit kailangan nitong mag-panic?

"So, ikaw nga talaga si Calvin!" namamanghang sabi ng babae. "Nang mapanood ko ang video n'yo sa YouTube, naghinala ako na ikaw 'yon, Calvin. Kahit iba ang pangalang ginagamit mo. Kahit ang alam ng lahat ay nasa States ka. Nagbakasali lang ako na puntahan kita para alamin kung tama ang hinala ko. What have you been doing, Calv? Bakit nandito ka? Bakit ka nagpapanggap na ibang tao at bakit ka naging embalsamador?"

"Calvin?" gagad niya habang litong-litong nakatitig kay Miguel. Anong pinagsasabi ng babaeng iyon?

"Marian, I can explain this," wika ni Miguel sa kanya. Akmang lalapit ito sa kanya pero pinigilan ito ni Analie.

"Calv, ginawa mo ba ito nang dahil sa akin? Were you messing your life because of what happened to us and to my dad?"

Hindi sumagot si Miguel. Tumingin lang ito sa kanya. Naghihintay siya ng sasabihin nito. Parang tinatambol ang dibdib niya sa kaba sa nangyayari.

"She needs to know who you are, Calvin, because she doesn't seem to know," tukoy ni Analie sa kanya. "Tell her who you are and who I am to you."

"Kaya kong ipaliwanag ito, Marian," sabi sa kanya ni Miguel.

"He is Calvin Ramirez and I am his ex-girlfriend," sabi ni Analie sa kanya.

Nanlaki ang mga mata niya.

"Analie!" awat ni Miguel sa babae.

"I'm sorry, Calvin," parang maluluhang wika ng babae kay Miguel. "Alam kong masakit ang ginawa ko sa 'yo. Ibinunton ko sa 'yo ang lahat ng sisi sa pagkamatay ng daddy ko. You are a doctor, a brain surgeon. But I forgot to realize you're also human. You're not perfect and you could also mess up. And maybe it was really my dad's time to go... Hindi mo na kailangang gawin ito para parusahan ang sarili mo, Calvin. Napatawad na kita."

Napatanga siya sa mga narinig. Kung tama siya ng pagkakaintindi, hindi totoong embalsamador si Miguel o Calvin. Brain surgeon ito. Nobya nito si Analie na may amang may sakit at kinailangang operahan. Mukhang si Calvin ang nag-opera sa ama ni Analie pero pumalpak si Calvin kaya namatay ang ama ni Analie. Sinisi ni Analie ang nobyo sa nangyari at mukhang hindi nakayanan ni Calvin ang pangyayari kaya umalis ito sa Davao ay pumunta sa Maynila nang lingid sa lahat. Doon ay binago nito ang pangalan at namasukan ito bilang isang embalsamador para walang makakilala rito.

Naalala niya noong sinabi ni Val na may kamukha si Miguel. Mukhang si Doctor Calvin ang tinutukoy nito. Nagtrabaho sa Davao si Val bilang nurse. Siguro ay nakita na nito ang doktor sa isang ospital sa Davao o sa mismong ospital na pinagtatrabahuhan nito pero hindi nito naisip na si Miguel ang doktor na iyon dahil mukhang ang alam ng lahat ay nasa USA ang doktor. Naalala rin niya noong nakita niya si Miguel sa memorial chapel na tila may pinagtataguan. Maaaring hindi isang pangit na babae ang pinagtataguan nito. Posibleng isang kakilala ang nakita nito ng sandaling iyon na kinailangan nitong pagtaguan.

Kaya pala hindi mukhang embalsamador ang tipo nito. Kaya pala mukha itong mayaman. Kaya pala magaling itong mag-Ingles at maganda ang English diction nito.

Parang isang telenovela ang istorya. Hindi makapaniwala si Marian na maaaring mangyari iyon sa totoong buhay at sangkot pa siya roon.

"Marian..." halata ang matinding pag-aalala sa hitsura ni Calvin.

Tumango siya nang nakakaunawa at bahagyang ngumiti. "Naiintindihan ko. Mag-usap muna kayo. Hihintayin na lang kita, Mig..." napahinto siya, "Calvin."

"Hindi ka galit?" nagtatakang tanong nito.

"Hindi ako galit. Alam kong may matibay kang dahilan kung bakit mo ginawa 'yon. Maiwan ko na muna kayo."

Namalayan na lamang niya na nasa parke na siya. Para na naman siyang naka-shabu sa pagkatulala. Hindi siya makapaniwalang nagmahal siya ng isang taong hindi niya talaga kilala. Hindi pala totoo si Miguel Manansala na isang embalsamador. Ito pala si Calvin Ramirez na isang doktor.

Isang doktor. Ibig sabihin ay matalino ito. Matalinong-matalino. Tulad ni Roel o baka nga mas matalino pa ito kaysa kay Roel. Parang biglang may mabigat na bagay na dumagan sa dibdib niya.

I Love You To Death [COMPLETED]Место, где живут истории. Откройте их для себя